2015
Mga Permanenteng Pamantayan ng Ama sa Langit
Agosto 2015


Mga Permanenteng Pamantayan ng Ama sa Langit

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Standards and Tolerance,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Nobyembre 13, 2012. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa byui.edu.

Elder Allan F. Packer

Permanente ang mga pamantayan ng Diyos, at walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga taong nag-iisip na magagawa ito ay magugulat nang husto sa Huling Paghuhukom.

A ruler measuring a metal cylander.

Larawang kuha ni smauy/iStock/Thinkstock

Ang una kong trabaho pagkatapos ng kolehiyo ay sa isang malaking airplane manufacturer. Habang naroon, nalaman ko na para makagawa ng mga eroplanong ligtas na sakyan, may mga detalye ang kumpanya para sa bawat bahagi. Kinailangang sertipikahan na ang mga bahagi ay tumutugon sa lahat ng pamantayan, kasama ang hugis, laki, materyal, at mga tolerance o palugit ukol sa kakayahan nito.

Kung tumugon ang isang bahagi sa mga pamantayan, ilalagay ito sa imbentaryo sa pagbubuo ng isang eroplano. Kung hindi ito tumugon sa mga pamantayan, tatanggihan ang bahagi at ibabalik sa supplier. Sinisiguro ng mga supplier na nauunawaan at natutugunan ang lahat ng kailangan, kabilang na ang mga palugit.

Handa ba kayong sumakay sa isang eroplano na ang mga bahagi ay hindi tumutugon sa pamantayan? Siyempre hindi! Gugustuhin mong lampas pa sa pamantayan ang mga bahagi nito. Gayunman, tila handa ang ilang tao na tanggapin ang pag-uugaling di-gaanong tumutugon sa mga pamantayan sa kanilang buhay. Ngunit sa pag-alam, pag-unawa, at pamumuhay lamang ng doktrina ni Cristo ninyo makukuha ang pag-uugaling kailangan upang maging marapat sa kadakilaan.

Ang palugit ay isang salitang madalas marinig sa lipunan ngayon, karaniwa’y sa konteksto ng pagpayag o pagtanggap sa mga kultura o pag-uugali ng ibang tao. Kung minsan ay ginagamit ito ng mga taong nagnanais ng pagtanggap na gawin ang isang bagay nang walang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa lipunan o sa iba. Ang layunin ko ay hindi para talakayin ang pakahulugang iyan kundi para magtuon sa pakahulugan ng engineering sa salita at sa aplikasyon nito sa atin.

Ang palugit ay ginagamit sa paglalarawan ng katanggap-tanggap na mga pagkakaiba-iba mula sa isang tukoy na pamantayan. Sa isang ginawang bahagi, ang palugit ay maaaring partikular na tukuying limang pulgada ang haba (13 cm), dagdagan o bawasan ng isang kalibo ng isang pulgada (0.0025 cm). Ang isa pang bahagi ay maaaring ilarawan na yari sa isang materyal na 99.9 porsiyentong puro, gaya ng mga bara ng ginto. Nagtakda ng mga palugit ang Panginoon para tulungan tayong maging karapat-dapat sa kadakilaan.

Mga Pamantayan at Paghatol

Ang mga pamantayan para sa kaligtasan ay tinatawag na mga kautusan, na ibinigay ng ating Ama sa Langit. Ang mga pamantayang ito ay angkop sa lahat ng aspeto ng ating buhay at sa lahat ng panahon. Hindi lubos na iniangkop ang mga ito sa isang partikular na oras o sitwasyon. Ang mga kautusan ang nagtatakda ng mga palugit na kailangan para maging marapat sa kadakilaan.

May isang paghatol, sa isang banda, na parang proseso ng pagpapatunay sa isang bahagi ng eroplano. Tulad ng may mga pagsusuri kung maayos ang mga bahagi ng eroplano, may paghatol ang ating Ama sa Langit para malaman kung tayo ay papasa. Mainam para sa atin ang malaman at matugunan ang mga pamantayan sa loob ng palugit na itinakda ng Panginoon.

Maaalala ninyo na ang sampung dalaga sa talinghaga ng Tagapagligtas ay inanyayahan sa piging ng kasalan. Nang dumating ang kasintahang lalaki, ang lima ay may langis at nakapasok. Ang lima pa ay nahuli ng dating at hindi na makapasok. (Tingnan sa Mateo 25:1–13.)

Tungkol sa talinghagang ito, sinabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating ito.”1

Ang unang limang dalaga ay tumugon sa mga pamantayan, kaya dapat ay tayo rin.

Nilikha tayo ng Diyos ayon sa Kanyang sariling wangis. Ang plano para sa atin sa daigdig na ito ay magkaroon ng katawan, karanasan, tumanggap ng mga ordenansa, at magtiis hanggang wakas. Naitakda na ang mga pamantayan at palugit na kailangan nating ipamuhay upang maging marapat sa kadakilaan. Nangako ang Diyos na tayo’y dadakilain, ngunit sinabi rin Niya, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10).

Mga Pamantayan at Kalayaan

Sa plano ng kaligtasan ng Diyos, tayo ay hinuhubog, hinuhugis, at pinakikinis upang maging katulad Niya. Ito ay isang bagay na kailangang danasin ng bawat isa sa atin.

“Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Itinakda na ng Diyos ang kailangan nating gawin at ang mga pamantayang kailangan nating tugunan. Ang isang bagay na medyo kakaiba ay na binibigyan Niya tayo ng kalayaang moral na magpasiya kung tatanggapin at tutugunan natin ang mga pamantayang iyon. Gayunman, may mga bunga ang ating mga desisyon. Binigyan Niya tayo ng kalayaan, ngunit hindi Niya tayo binibigyan ng karapatang baguhin ang mga pamantayan o ang mga bunga ng ating mga desisyon.

Dahil may mga pamantayan at may kalayaan tayong pumili, may Huling Paghuhukom, na panahon para suriin ang bawa’t isa sa atin kung tumutugon tayo sa mga pamantayan—sa madaling salita, para matiyak kung namuhay tayo ayon sa mga pamantayan at palugit na itinakda ng Diyos. Ang Kanyang hatol ang panghuli.

Ang doktrina ng pagsisisi ay nagtutulot sa atin na itama o ayusin ang mga depekto, ngunit mas mabuting magtuon sa pagtugon sa mga pamantayan ng Diyos kaysa magplanong magsisi bago sumapit ang Paghuhukom. Natutuhan ko ang aral na ito noong bata pa ako.

Noong tinedyer ako ginugol ko ang mga summer ko sa pagtatrabaho sa rantso ng lolo ko sa Wyoming, USA. Iyon ay rantso ng mga tupa at baka na mahigit 2,000 akre (810 ektarya), na may karagdagan pang kaparangan. Kailangan ng maraming kagamitan para mapatakbo ang rantso. Dahil napakalayo ng pinakamalapit na repair center, tinuruan kami ng lolo ko na ingatang mabuti ang mga kagamitan at suriin ang lahat bago kami umalis ng bahay sa rantso. Kung may masira, karaniwa’y milya-milya ang layo nito mula sa bahay sa rantso, at mahabang lakaran ang ibig sabihin niyon.

Hindi natagalan at natutuhan ko ang batas ng mga kahihinatnan. Mas madaling umiwas lagi sa mga problema kaysa maglakad nang malayo. Totoo rin ito sa mga utos ng ating Ama sa Langit. Masasabi niya ang kaibhan ng isang taong tunay na nagsisikap na maging katulad Niya sa isang taong nagtatangkang lumagpas sa nakatalagang mga hangganan bagamat nagsisikap na manatili sa loob ng mga limitasyon.

Mga Pamantayan at Oposisyon

May mga tao sa mundo ngayon na nagsisikap na balewalain o baguhin ang mga pamantayang itinakda ng Diyos. Hindi na bago ang sitwasyong ito.

“Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!” (2 Nephi 15:20).

Hindi tayo dapat palinlang o makinig sa mga taong pinipilit tayong kumbinsihin na nagbago na ang mga pamantayan ng Diyos. Wala silang karapatang baguhin ang mga pamantayan. Ang nagdisenyo lamang, ang Ama sa Langit, ang maaaring magbago ng mga detalye.

Lahat tayo ay madaling matatanto na talagang magiging katawa-tawa para sa isang supplier ng mga bahagi ng eroplano na makinig sa kung sino lamang na walang alam na nag-uudyok na gumawa ng mga pagbabago sa mga detalye o palugit ng isang bahagi. Walang sinuman sa atin ang nanaising sumakay sa isang eroplanong yari sa bahaging iyon.

illustration of an airplane landing in water

Paglalarawan ni Thomas Lammeyer/Hemera/Thinkstock

Gayundin, walang magpaparatang sa tagagawa ng eroplano na hindi siya nag-iisip o wala siyang pasensya kapag hindi nito tinanggap ang mga bahaging iyon. Hindi tutulutan ng tagagawa na takutin o puwersahin siyang tanggapin ang mga bahagi na hindi sertipikado. Ang paggawa nito ay magpapahamak sa negosyo at sa buhay ng mga pasaherong sasakay sa mga eroplano nito.

Totoo rin ito sa mga batas at kautusan ng Diyos. Ang Kanyang mga pamantayan ay permanente, at walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga taong nag-iisip na magagawa ito ay magugulat nang husto sa Huling Paghuhukom.

Pagtugon sa mga Pamantayan

Ang ating Ama sa Langit ang nagdisenyo ng plano ng kaligtasan. Inihanda na Niya ang lahat ng kailangan para marapat tayong makabalik sa Kanyang piling. Ang mga pamantayan ay nakatakda, hayag, at nariyan lamang para sa bawat isa sa atin.

Sinabi na sa atin ng Tagapagligtas na lahat tayo ay may kakayahang makatugon sa mga pamantayan. Ang Word of Wisdom ay katibayan nito, na nagsasaad na ito ay “ibinigay bilang isang alituntunin na may lakip na pangako, iniangkop sa kakayahan ng mahihina at ng pinakamahihina sa lahat ng banal, na tinawag o maaaring tawaging mga banal” (D at T 89:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Itinuro din ng Tagapagligtas na tayo ay “hindi matutukso nang higit pa sa [ating] makakayanan” (D at T 64:20), ngunit kailangan tayong “magbantay at patuloy na manalangin” (Alma 13:28).

Nasa inyo ang kapangyarihan: “Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa [inyo], kung saan [kayo] ay kinatawan ng [inyong] sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa ng mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala” (D at T 58:28).

Matutugunan ninyo ang mga pamantayan at palugit. May kakayahan kayong maging karapat-dapat sa kadakilaan.

Patnubay mula sa Espiritu Santo

Nalalaman natin ang mga pamantayan sa pamamagitan ng pagsisimba at pag-aaral ng mga doktrina at pagkilos ayon dito na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga makabagong propeta.

Ang pinakamainam na pinagkukunan ng patnubay ay ang mga paramdam na nagmumula sa Espiritu Santo, na magtuturo sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:2–3). Sa tulong ng Espiritu Santo at ng Liwanag ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:16–18), malalaman natin ang tama at mali. Magagabayan tayo habang tayo’y nabubuhay. May madarama tayo sa ating puso at papasok ang mga ideya sa ating isipan na makapagbibigay ng kapanatagan at patnubay. Totoo ito kahit sa mga bata.

Nangako ang Diyos na tutulungan Niya tayo kapag sinikap nating tumugon sa Kanyang mga pamantayan. Tulad ng hindi tayo kusang sasakay sa eroplanong gawa sa mga bahagi na hindi tumutugon sa mga pamantayan, hindi rin natin dapat tanggapin o makagawian ang pag-uugaling hindi tumutugon sa mga pamantayan. Tanging sa pag-alam, pag-unawa, at pamumuhay ng doktrina ni Cristo tayo magiging marapat para sa kadakilaan.

Tala

  1. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 8.