2015
Dalhin Mo Siya sa Ospital!
Agosto 2015


Dalhin Mo Siya sa Ospital!

Gayle Y. Brandvold, California, USA

illustration of a woman kneeling in prayer

Sinabi ni Anita na mabuti ang pakiramdam niya, ngunit umalis ako sa tabi ng kanyang higaan, lumuhod, at nagdasal.

Binata ako at may sariling negosyo noong bago ako sa Simbahan, kaya may mga araw na may libreng oras ako. Sa isa sa mga araw na iyon tinawagan ko ang Relief Society president at itinanong ko kung may nangangailangan ng tulong sa hapong iyon. Binanggit niya ang isang matandang babae na nagngangalang Anita (binago ang pangalan) na inilabas kamakailan mula sa ospital at nag-iisa. Kilala ko na si Anita at masaya akong bisitahin siya.

Tumawag ako at saka ko siya pinuntahan sa kanyang apartment. Hinilingan niya akong handaan siya ng pananghalian, at pagkatapos ay masaya kaming nag-usap. Masayahin siya at mahilig tumawa at magkuwento tungkol sa kanyang buhay.

Pagkatapos ng tanghalian sinabi niya na pagod na siya at nagpatulong sa akin na makalipat ng kama mula sa kanyang wheelchair. Hindi nagtagal at naihiga ko na siya. Bigla, nangusap sa akin ang marahan at banayad na tinig na madalas ikuwento sa akin ng iba: “Dalhin mo siya sa ospital ngayon din!”

Ayaw ni Anita sa mga ospital at kauuwi lang niya. Tinanong ko siya kung OK ang pakiramdam niya. Sinabi niya na mabuti naman ang pakiramdam niya pero nahahapo siya.

Umalis ako sa tabi ng kanyang kama at lumuhod. Nang magsimula akong magdasal, muling sinabi ng tinig, “Dalhin mo siya sa ospital, at dalhin mo siya roon ngayon din!”

Nag-atubili ako, at itinanong ko sa aking sarili, “Ano ang sasabihin ko sa doktor sa ospital?”

Tinawagan ko ang isang kaibigan, na nanalangin din at pagkatapos ay sinabi sa akin na sundin ko ang pahiwatig sa akin.

Nagalit si Anita nang banggitin ko na dadalhin siya sa ospital, pero tumawag pa rin ako ng ambulansya. Nang dumating ito, dalawang paramedic ang pumasok at kinuha ang kanyang vital signs. Walang tanung-tanong, inilagay nila siya sa isang stretcher na may gulong at isinakay sa ambulansya.

Sumunod ako sakay ng aking van. Pagdating sa ospital, naupo ako at naghintay. Hindi nagtagal lumabas ang doktor. Tinanong niya ako, “Hindi niya sinabi sa iyo na bumagsak siya bago ka dumating sa apartment niya, ’di ba?”

“Hindi po,” sagot ko.

Sinabi niya sa akin na napinsala ni Anita ang kanyang lapay at nagdurugo siya sa loob. Kung hindi siya nagamot kaagad, sabi niya, maaari siyang mamatay.

Nakadama ako ng pagsisisi at kagalakan—pagsisisi dahil nag-atubili ako at kagalakan dahil sa huli ay nakinig ako sa Espiritu Santo. Higit sa lahat, nagpasalamat akong malaman na pinagkatiwalaan ako ng Panginoon na tulungan ang may sakit na miyembrong ito at nainspirasyunan ang aking Relief Society president na papuntahin ako sa kanya.

Humina ang sarili kong kalusugan mula nang maranasan ko ito, ngunit patuloy pa rin akong hinihikayat ng Panginoon. Ipinagdarasal ko palagi na magkaroon ako ng lakas na sundin ang mga panghihikayat na iyon.