Ang mga Sugat na Dulot ng Diborsyo
Ang awtor ay naninirahan sa British Columbia, Canada.
Bilang miyembro ng Royal Canadian Navy, sinanay akong gumawa ng isang “pagsusuri” matapos sumagupa sa kaaway o sa iba pang kalamidad. Masusi kong sinusuri kung paano makakagawa ng mga pagbabago ang mga taong sangkot para mabawasan o maiwasan ang iba pang mga pinsala o sakuna. Sa buong buhay natin at lalo na sa mga oras ng pagsubok na tulad ng diborsyo, ang pagsusuri sa pangyayari ay makapagbibigay ng maraming paraan para matuto at lumago.
Nagsisimula ito sa tamang pag-angkin ng responsibilidad sa nangyari. Kapag sinuri nating mabuti ang ating mga kilos, marahil sa tulong ng isang tagapayo, at naunawaan natin ang pinili nating gawin at ang piniling gawin ng dati nating asawa, makikita natin ang mga bagay na mababago natin sa ating sarili. Matatantiya rin natin ang lagay ng ating isipan, espiritu, at damdamin.
Ang mga pagsisikap na magbago kapag ipinamuhay natin ang mga natutuhan natin ay nakakatulong sa paghilom habang sumusulong sa mas magandang kinabukasan.
Paggamit sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas
Sa digmaan laging may malalaking sugat. Ang mga ito ay maaaring malalim at masakit, ngunit yaong mga hindi pa nakaranas nito ay hindi talaga mauunawaan kung ano ang pakiramdam nito. Ang mga sugat sa ating puso’t kaluluwa sanhi ng diborsyo ay masakit at mahirap ding maunawaan ng mga hindi pa nakaranas ng ganito.
Ngunit hindi tayo nag-iisa. Handa ang Tagapagligtas na tulungan tayo. Matutulungan tayo ng nagpapahilom na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala para makabangong muli. Huwag kayong tumalikod sa Simbahan. Humingi ng mga basbas ng priesthood at pumunta sa templo nang madalas hangga’t kaya ninyo. Madalas ay matagal maghilom ang sugat, ngunit bibilis ito kapag may patnubay ng Espiritu ang inyong buhay.
Ang unang taon matapos ang diborsyo ay mahirap. May kalungkutan sa pagkawala ng isang relasyon na minsa’y naging sentro ng ating mga pag-asam. Para itong roller-coaster ride ng matitinding damdamin at mga hamon. Ginagampanan natin ang ating bahagi sa proseso ng paghilom sa pamamagitan ng pag-alaala na tayo ay mga natatanging anak ng ating Ama sa Langit na may banal na potensyal, sa pamamagitan ng pagdalo sa ating mga miting sa Simbahan, pagbabasa ng ating mga banal na kasulatan, pagdarasal, paglilingkod, at pagpunta sa templo. Bagama’t tila mahaba ang proseso, ang pangako ay tiyak. Sundin ang Panginoon, at magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan at lahat ng pagpapalang ipinangako sa inyo, kabilang na ang kapayapaan at kagalakan sa inyong kaluluwa.
Muling Pagpapakasal
Maging maingat kapag nagdesisyon kayo na muling makipagdeyt. Tiyaking kilala ninyo kung sino kayo at ano ang gusto ninyo. Maging panatag sa pag-iisa (at sa piling ng Tagapagligtas). Kapag masaya kayo sa kung sino kayo at kung saan kayo papunta, mas mahihirapan ang kaaway na ilihis kayo ng landas o magkaroon kayo ng maling pakikipagrelasyon sa iba. Natagalan ang relasyong binuo ninyo ng dati ninyong asawa bago kayo nagkaroon ng masasaya at matatamis na sandali sa inyong pagsasama. Kahit ang maling pakikipagrelasyon ay may mga sandali ng kaaliwan, kaya maaari kayong matuksong makipagrelasyon kaagad sa iba. Huwag kayong magmadali.
Pagsuporta sa mga Lalaking Diborsyado
Yaong mga nahirapan sa diborsyo ay parang mga beterano sa digmaang ito para sa ating kaluluwa. Kailangan nila ng ating paggalang, pagmamahal, pag-unawa, suporta, at pagtanggap. Magbigay ng magiliw na paggabay at paghihikayat kapag bukas ang kanilang isipan tungkol dito. Magtiwala sa kanila at alalahanin na ang Tagapagligtas ay may sariling takdang panahon sa paghilom ng sawing puso at espiritu. Darating ang paghilom at mga himala, balang-araw.