2015
Si Clara at ang Primary Program
Agosto 2015


Para sa Maliliit na Bata

Si Clara at ang Primary Program

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

Product Shot from August 2015 Liahona

Si Clara at ang kanyang pamilya ay kabibinyag pa lang. Gustung-gusto ni Clara na bumangon tuwing Linggo at sama-sama silang magsimba.

Isang araw ng Linggo sinabi ng Primary president na malapit na silang magdaos ng Primary program. Hindi alam ni Clara kung ano ang Primary program. Pero alam niyang gusto niyang makasali rito.

“Maaari ka bang magbasa ng isang talata sa banal na kasulatan at magpatotoo sa Primary program?” tanong ng kanyang guro.

Tumango Clara. Tuwang-tuwa siya! Gusto niyang matuto hangga’t kaya niya tungkol sa ebanghelyo. Pero kinabahan din siya. Paano kung magkamali siya?

Pinraktis ni Clara ang gagampanan niyang papel gabi-gabi. Hindi pa niya kabisado ang lahat ng salita sa talata.

“Kaya mo iyan,” sabi ni Inay.

Hindi sigurado si Clara. Ito ang una niyang Primary program. Nagawa na ito dati ng ibang mga bata.

“Tandaan mo, kung gagawin mo ang lahat ng makakaya mo, bahala na ang Ama sa Langit sa iba,” sabi ng Papa niya sa kanya.

Noong gabi bago sumapit ang program, humiling ng tulong sa panalangin si Clara na magawa niya ang lahat ng kanyang makakaya. Nanatili siyang nakaluhod at inisip ang gagampanan niyang papel. Maganda na ang pakiramdam niya tungkol dito.

Pagsapit ng Linggo ng umaga ipinagdasal ni Clara na hindi siya matakot.

Nang siya na ang magsasalita, pumunta na si Clara sa harapan. Nagkamali siya sa isang salita sa talata. Pero naalala niya na napakaganda ng pakiramdam niya pagkatapos niyang manalangin. Ngumiti siya at nagpatotoo. Ikinuwento niya kung gaano niya kamahal ang Tagapagligtas.

Ngumiti si Clara pagbalik niya sa upuan. Alam niya na hindi mahalaga sa Ama sa Langit kung hindi man niya nasabi nang perpekto ang lahat. Mahalaga sa Kanya ang nasa puso niya.

Mga paglalarawan ni Kristin Kwan