Isang Mahirap na Pagpapasiya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Mawawala ba sa kanya ang kanyang bagong kaibigan dahil sa isang masamang laro sa video?
“Ang tama ay piliin mo sa t’wina” (Mga Himno, blg. 145).
Dahan-dahang inakyat ni Diego ang burol pauwi mula sa paaralan. Recess ang karaniwang pinakamagandang oras sa maghapon. Pero ang sama ng nangyari sa buong linggo! Walang sinumang gustong makipaglaro ng football sa kanya, kaya naglibot na lang siyang mag-isa sa palaruan hanggang sa tumunog ang bell.
“Inay, narito na po ako!” sigaw ni Diego pagpasok sa pintuan at umupo sa kusina.
“Kumusta ang pag-aaral mo?” tanong ni Inay.
“Hindi po gaanong mabuti.” Dumampot ng isang mansanas si Diego. “Walang gustong makipaglaro sa akin noong recess.” Naramdaman niyang maluluha na siya, kaya mariin siyang pumikit.
“Mahirap kapag malungkot o nag-iisa,” sabi ni Inay. Inakbayan nito si Diego. “Maganda sigurong ipagdasal mo na tulungan ka.”
Kinusot ni Diego ang mga mata niya. “Salamat po, Inay,” sabi niya at tumakbo na sa kanyang silid. Talaga bang mahalaga sa Ama sa Langit kung may mga kaibigan man siyang makalaro sa recess? Lumuhod si Diego at ipinagdasal na makahanap siya ng kaibigan. Matapos magdasal, gumaan nang kaunti ang pakiramdam niya, pero hindi pa rin niya alam kung ano ang gagawin.
Pagkauwi mula sa paaralan kinabukasan, tumunog ang doorbell. Tumakbo si Diego para buksan ang pinto. Nakatayo roon ang isang batang lalaki na bago nilang kapitbahay. Nakita na siya ni Diego sa palaruan kanina.
“Hi, ako si Ruben,” sabi nito. “Gusto mo bang maglaro sa bahay namin?”
Ngumiti si Diego. Isang kaibigang makakalaro? Sagot iyon sa kanyang dasal!
Nagpunta sila sa bahay ni Ruben at naupo sa sopa. Naglalaro ng video game ang kuya ni Ruben. Hindi alam ni Diego ang iisipin noong una. Masyadong marahas ang laro sa video at nakakadiri ang mga larawan, pero parang gustung-gusto ito ni Ruben at ng kuya niya. “Patayin mo!” sigaw ni Ruben habang nanonood sila.
Nadama ni Diego na bumaligtad ang sikmura niya, at tumitig na lang siya sa mga paa niya. Alam niya na hindi siya dapat manood ng ganitong klaseng mga video.
Pero ano ang magagawa niya?
Ayaw niyang isipin ng bago niyang kaibigan na masyado siyang nakakabagot na kasama dahil hindi siya naglalaro ng nakatutuwang mga video game. Iisipin ba ni Ruben na kakaiba siya kung nagsalita siya?
Inilibot niya ang kanyang tingin sa silid at pinilit mag-isip ng iba pang mga bagay na magagawa nila.
Huminga nang malalim si Diego. “Ah, umm … puwede ba ninyo akong ilibot sa bahay ninyo? O maglaro kaya tayo sa itaas?” sabi niya.
Sumulyap sandali si Ruben kay Diego. Napakagat-labi si Diego. Sasabihin kaya ni Ruben na ayaw na niyang maglaro?
Pagkatapos ay nagningning ang mga mata ni Ruben. “Teka, mahilig ka ba sa kotse-kotsehan? Ang bibilis ng mga kotse ko. Gusto mo pagkarerahin natin sila?”
Ngumiti at tumango si Diego. Sinundan niya si Ruben paakyat. Nawala ang bigat na nadama niya—para siyang nakalutang sa hagdan! Masaya siya na nagkaroon siya ng bagong kaibigan, at masaya siya na hindi siya nakapanood ng masama.
“Sa akin iyong pulang kotse,” sabi Ruben, “pero puwede mong gamitin iyong asul o berde. Alin ang gusto mo?”
Pinili ni Diego ang berdeng kotse—ang paborito niyang kulay. Madaling magpasiya kapag ganoon.