Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak: PAGLILINAW SA MGA KALITUHANG HATID NG IBA‘T IBANG PANANAW SA KULTURA
Ito ang una sa dalawang artikulo ni Elder Hafen na tumutulong na ipagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang pangalawang artikulo ay ilalathala sa isyu ng Setyembre 2015 ng Liahona.
Hinango sa “Marriage, Family Law, and the Temple,” na ibinigay sa J. Reuben Clark Law Society Annual Fireside sa Salt Lake City noong Enero 31, 2014.
Ang mga permanenteng pangako sa kasal at pagiging magulang ay parang dalawang pangunahing sinulid sa disenyo ng tapiserya ng ating lipunan.
“Ano ang pinakamalalaking alalahanin ninyo?” tanong ng isang newspaper reporter kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) noong Hunyo 1995, bago siya tumuntong sa edad na 85 anyos. Sagot niya: “Nag-aalala ako tungkol sa buhay-pamilya sa Simbahan. Mababait ang mga tao namin, ngunit napakaraming pamilyang nagkakawatak-watak. … Palagay ko [ito] ang pinakamabigat kong alalahanin.”1
Pagkaraan ng tatlong buwan ay binasa ni Pangulong Hinckley sa publiko ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”2
Hindi nagkataon lang na nalathala ang taimtim na pahayag na ito sa mismong panahong nadama ng propeta ng Panginoon na, sa lahat ng paksang nasa isip niya, ang mabuway na buhay-pamilya sa Simbahan ang pinakamalaking alalahanin niya. Kalaunan idinagdag niya na ang pinakamalaking hamong kinakaharap kapwa ng Amerika at ng buong mundo “ay ang problema ng pamilya, na dulot ng mga magulang na nalilihis ng landas at nagbubunga ng nalihis ng landas na mga anak.”3
Ang pagpapahayag ay hindi lamang isang koleksyon ng mga kasabihan tungkol sa pamilya. Ito ay mahalagang babala ng propeta tungkol sa isang malaking problema ng buong mundo. At ngayon, pagkaraan ng 20 taon, ang problema ay lumalala, na nagpapakita na isang propesiya ang babala noong 1995.
Bago natin siyasatin ang ibig sabihin niyan para sa bawat isa sa atin, isipin natin kung bakit nagkaganito ang kultura ngayon.
Pangkalahatang Kuwento ng Pag-ibig
Ang pinakaluma at pinakaaasam na kuwento ng sangkatauhan ay pamilyar sa atin: nakilala ng lalaki ang babae, nagkaibigan sila, nagpakasal, nagkaanak, at—umaasa sila—na mabubuhay nang maligaya magpakailanman. Ang pangkalahatang kuwentong ito ng pag-ibig ay napakahalaga sa dakilang plano ng kaligayahan kaya nagsimula ito kina Eva at Adan, at para sa halos lahat ng miyembro ng Simbahan, ginagabayan pa rin nito ang ating buhay na parang North Star o Tala sa Umaga.
Ang kagalakan ng pag-ibig ng tao at pagkabilang sa pamilya ay nagbibigay sa atin ng pag-asa, layunin, at hangaring gawing mas mainam ang buhay. Ipinaaasam nito sa atin ang araw na mahahawakan natin ang mga kamay na humawak sa atin at magkasama tayong papasok sa presensya ng Panginoon. Doo’y yayakapin natin ang ating mga mahal sa buhay at mananatili tayo sa piling nila sa tuwina, at “hindi na … lalabas pa doon” (Apocalipsis 3:12).
Sa loob ng maraming taon karaniwa’y sinuportahan ng lipunan ang likas na pag-asam na ito na mapabilang. Mangyari pa, nagkaroon ng mga problema ang mga pamilya, ngunit karamihan sa mga tao ay naniwala pa rin na ang “pagbigkis” ng kasal ay lumikha ng medyo permanenteng yunit ng pamilya. At pinagsama-sama ng mga bigkis na iyon ang istruktura ng lipunan, na ang “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig” (Mosias 18:21).
Gayunman, sa mga bagong henerasyon, ang istrukturang iyon ay lalong humihina nang maranasan natin ang tinatawag ng ilang manunulat na “pagguho ng kasal.”4 Ang tingin sa kasal ng maraming tao sa labas ng Simbahan ay hindi na ito pinagmumulan ng pangmatagalang kasunduan. Bagkus, ang tingin nila ngayon sa kasal at maging sa pag-aanak ay mga pansamantalang personal na opsiyon. Subalit ang mga permanenteng kasunduan sa kasal at pagiging magulang ay parang dalawang hiblang kasama sa plano ng istruktura ng ating lipunan. Kapag nagnisnis ang mga hiblang iyon, maaaring makalas ang istruktura at hindi natin masusundan ang pangkalahatang kuwento ng pag-ibig.
Nakita ko ang pagkalas na ito mula sa sarili kong mga pananaw bilang ama, miyembro ng Simbahan, at guro ng batas ukol sa pamilya. Simula noong 1960s, ang kilusan para sa mga karapatang-sibil ay nagbunga ng mga bagong legal na kuru-kuro tungkol sa pagkakapantay-pantay, pansariling karapatan, at pagiging malaya. Ang mga ideyang ito ay nakatulong sa Estados Unidos na simulang supilin ang nakahihiyang kasaysayan nito ng diskriminasyon sa lahi. Nakatulong din ito sa bansa na mabawasan ang diskriminasyon laban sa kababaihan. Ang mga proteksyong ito mula sa diskriminasyon ay bahagi ng mga indibiduwal na interes ng bawat mamamayan.
Gayunman, ang ilang anyo ng legal na klasipikasyon ay totoong kapaki-pakinabang. Halimbawa, ang batas ay “may diskriminasyon” sa panig ng mga bata batay sa kanilang edad—hindi sila maaaring bumoto, magmaneho, o lumagda sa isang may bisang kasunduan. At ilang taon silang nakakapag-aral nang libre. Pinoprotektahan ng mga batas na ito ang mga anak at lipunan sa mga kahihinatnan na dulot ng kawalan ng kakayahan ng mga bata habang inihahanda rin silang maging responsableng mga adult.
Ang mga batas ay nagbigay din ng pribilehiyo batay sa ugnayan sa kasal at pagkakamag-anak—hindi para diskriminahin ang mga taong walang-asawa at walang kaugnayan sa isa’t isa kundi upang hikayatin ang tunay na mga magulang na magpakasal at magpalaki ng sarili nilang matatag na mga anak, na mahalaga sa matatag at umiiral na lipunan. Ang mga batas na iyon kung gayon ay nagpapahayag ng mga interes ng lipunan sa mga bata at sa sarili nitong lakas at pagpapatuloy sa hinaharap.
Ayon sa kasaysayan, napanatili ng mga batas ang epektibong balanse sa pagitan ng mga interes ng lipunan at mga indibiduwal na interes dahil mahalaga ang papel ng bawat elemento sa isang malusog na lipunan. Gayunman, noong 1960s at 1970s, nagsimulang bigyang-kahulugan ng mga hukuman sa U.S. ang mga batas ukol sa pamilya sa paraang mas inuna ang mga indibiduwal na interes kaysa mga interes ng lipunan, na nagpatumba sa sistemang legal at sistema ng lipunan. Ang pagbabagong ito ay isang bahagi lamang ng pagbabago ng batas ukol sa pamilya sa Amerika—ang pinakamalaking pagbabago ng kultura sa mga saloobin tungkol sa kasal at buhay-pamilya sa loob ng 500 taon. Ilalarawan ko ang pagbabagong ito gamit ang ilang halimbawa mula sa batas ng U.S., bagama’t ang mga batas ng karamihan sa mauunlad na bansa ay ganito rin ang nangyayari.
Isang Pagbabago ng Kultura
Sa madaling salita, ang mga nananalig ay nagsimulang gumamit ng mabibisang indibiduwal at malalayang ideya na matagal nang sumuporta sa mga interes ng mga anak at lipunan sa matatag na mga istruktura ng pamilya. Tinanggap ng mga hukuman at lehislatura ang marami sa mga pansariling ideyang ito, kahit nakasira ang mga ideya sa mas malawak na interes ng lipunan. Halimbawa, ang no-fault divorce ay unang ginamit sa California noong 1968 at lumaganap sa buong Estados Unidos. Malaki ang binago ng no-fault sa paraan ng pag-iisip ng mga tao tungkol sa kasal. Sa ilalim ng mga lumang batas ukol sa diborsyo, ang mga mag-asawa ay hindi basta makapagpapasiyang tapusin ang kanilang pagsasama; bagkus, kailangan nilang patunayan ang ginawang kalokohan ng asawa, gaya ng pangangalunya o pang-aabuso. Noong mga panahong iyon ay hukom lamang na kumakatawan sa interes ng lipunan ang makapagpapasiya kung ang isang diborsyo ay makatarungan para mahigitan ang interes ng lipunan sa patuloy na pagsasama ng mag-asawa.
Sa orihinal na ipinanukala, ang no-fault divorce ay may makabuluhang mga mithiin. Nakaragdag ito sa pagkasira ng pagsasamang hindi na maisasalba, anuman ang personal na pagkakamali, bilang batayan ng diborsyo—na nagpasimple sa proseso ng diborsyo. Sa teorya, isang hukom lamang, na kumakatawan pa rin sa interes ng lipunan, ang makapagpapasiya kung ang pagsasama ay hindi na maisasalba pa. Ngunit sa nakagawian, umayon ang mga hukom na pampamilya sa personal na kagustuhan ng mag-asawa at kalaunan ay binigyang-laya ang sinuman sa mag-asawa na gustong wakasan ang kanilang pagsasama.
Ang mga legal na pagbabagong ito ay nagpabilis sa mas malaking pagbabago ng kultura na ang tingin sa kasal ay hindi na permanenteng institusyon ng lipunan kundi sa halip ay isang pansamantala at pribadong ugnayan, na maaaring wakasan kung kailan nila gusto—nang hindi isinaalang-alang kung paano sinira ng diborsyo ang mga anak, bukod pa rito ang kasiraang dulot nito sa lipunan. Hindi nagtagal, ang mga pagdududa ng mga hukom tungkol sa karapatan ng lipunan na ipatupad ang mga sumpaan ng mga mag-asawa sa kasal ay nagbigay ng maling impresyon sa mga mag-asawa na ang kanilang personal na kasunduan ay hindi gaanong mahalaga sa lipunan o sa kagandahang-asal. Kaya ngayon, kapag pinanghihimasukan ng mga kasunduan sa kasal ang mga personal na kagustuhan, mas malamang na maghiwalay ang mga tao. Ang tingin nila sa kasal ay isang “kasunduang walang bisa,” anuman ang ibig sabihin ng kontradiksyong iyan.
Habang pinag-iisipang mabuti ang mga bagong pag-uugaling ito, pinalawak ng mga hukuman ang mga karapatan ng mga ama bilang magulang at nagsimulang bigyan ng karapatan sa pangangalaga ng anak at karapatang mag-ampon ang mga walang asawa. Lubos na binago nito ang matagal nang itinatag na preperensya na ibinigay ng batas ukol sa pamilya, hangga’t maaari, sa pamilya na kasal ang dalawang tunay na mga magulang. Malinaw na ipinakita—at ipinapakita pa—kapwa ng karanasan at pagsasaliksik ng siyensyang panlipunan na ang pamilyang pinamumunuan ng mga ikinasal na tunay na magulang ang halos palaging naglalaan ng pinakamainam na kapaligiran sa pagpapalaki ng anak. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang mga kaso ng mga magulang na hindi kasal ay nakatulong, at nakaimpluwensya, sa pagdami ng mga nagsasama nang hindi kasal at pagsilang ng mga anak sa mga magulang na hindi kasal.
Bukod pa riyan, noong 1973 pinagkalooban ng U.S. Supreme Court ang lahat ng kababaihan ng karapatang magpalaglag, sa gayo’y tinanggihan nila ang matagal nang sinusunod na mga paniniwala ng kultura tungkol sa mga interes ng lipunan na kinakatawan ng mga batang hindi naisilang at ng nahalal na mga mambabatas na hanggang sa panahong iyon ay sama-samang nagpasiya ukol sa mahalagang tanong kung kailan nagsisimula ang buhay.
Ang pag-uusap tungkol sa no-fault divorce ay makatwirang humahantong sa maikling komento tungkol sa kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian. Naging mahirap at masidhing paksa ito, ngunit pansinin na 17 taon pa lamang ang nakararaan, walang bansa sa mundo na kumikilala na legal ang kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian. Kaya paano kaya biglang lumabas ang mismong ideyang ito ng kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian sa buong mundo kung kailan nawalan ng halaga sa publiko ang konsepto ng kasal sa kasaysayan ng naunang apat na dekada?
Malamang na ang isang sagot diyan ay na ang teorya ng “personal na kalayaan” ng unang kaso sa U.S. noong 2001 na umaayon sa kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian ay pinalawig lamang ang gayon ding pansariling legal na konseptong lumikha ng no-fault divorce. Kapag sinuportahan ng hukuman ang karapatan ng isang tao na wakasan ang isang kasal, anuman ang ibunga nito sa lipunan (tulad ng maaaring mangyari sa no-fault divorce), ang tuntuning iyan ay tila sinusuportahan din ang karapatan ng isang tao na magsimula ng isang kasal, anuman ang ibunga nito sa lipunan (tulad ng maaaring mangyari sa kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian).
Sa madaling salita, kapag ang tingin ng mga tao sa kasal ng isang lalaki at isang babae ay mas gusto lang nila iyon dahil mahalagang institusyon iyon sa lipunan, hindi kataka-taka na maraming magsasabi ngayon tungkol sa kasal ng dalawang magkapareho ang kasarian na dapat maging malaya ang mga indibiduwal na magpakasal kung gusto nila. Iyan ang maaaring mangyari kapag hindi natin nasundan ang interes ng lipunan ukol sa kasal at mga anak. Malinaw na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at inaasahan tayong tratuhin ang isa’t isa nang may habag at pagpaparaya—anuman ang pribadong pag-uugaling maaari nating maunawaan o hindi maunawaan. Ngunit lubhang kakaibang bagay ang irekomenda o itaguyod ang pag-uugaling iyan sa pagbabago ng isang legal na konsepto—kasal—na ang makasaysayang layunin ay itaguyod ang interes ng lipunan sa pagpapalaki ng tunay na mga magulang sa kanilang sariling mga anak sa matatatag na tahanan.
Ang U.S. Supreme Court ay nagbatay sa teoriya ng personal na kalayaan, tulad ng iba pang mga legal na teoriya, nang ipag-utos nito noong Hunyo 26, 2015, na hindi maaaring “ipagbawal [ng estado] ang pagpapakasal ng mga mag-asawang pareho ang kasarian.” Dahil dito, legal na ngayon ang kasal ng magkaparehong kasarian sa bawat estado ng U.S.
Gayunman, karamihan sa opinyon ng korte ay “nagbibigay-diin na ang mga relihiyon, at ang mga taong nakakapit sa mga doktrina ng relihiyon, ay maaaring patuloy na itaguyod nang buong katapatan na, batay sa mga banal na tuntunin, ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian ay hindi dapat payagan. Tinitiyak ng First Amendment na ang mga samahan ng mga relihiyon at mga tao ay bibigyan ng wastong proteksyon sa hangarin nilang ituro ang mga alituntuning napakahalaga sa kanilang buhay at pananampalataya, at sa kanilang marubdob na mga hangaring ipagpatuloy ang istruktura ng pamilya na matagal na nilang iginagalang. Totoo rin ito sa mga taong tutol sa kasal ng magkaparehong kasarian dahil sa iba pang mga kadahilanan.”5
Mga Epekto sa Kasal at mga Anak
Ngayo’y isipin ang epekto ng mga pagbabagong ito sa kasal at mga anak. Simula pa noong 1965 ang U.S. divorce rate ay humigit pa sa doble, bagama’t bumaba ito nang kaunti nitong nakaraang mga taon—dahil ang bilang ng mga nagsasama nang hindi kasal ay dumami nang mga 15 beses, at ang madalas na paghihiwalay nila ay hindi kabilang sa divorce rate. Ngayo’y mga kalahati ng lahat ng unang pag-aasawa ang nagwawakas sa diborsyo; gayon din ang mga 60 porsiyento ng pangalawang pag-aasawa. Ang Estados Unidos ang bansang may pinakamaraming diborsyo sa mundo.6
Ngayon ay 40 porsiyento ng mga isinilang sa U.S. ang nabibilang sa mga magulang na hindi kasal. Noong 1960 ang bilang na iyan ay 5 porsiyento.7 Mga 50 porsiyento ng mga tinedyer ngayon ang nag-iisip na ang pagkakaroon ng anak sa labas ng kasal ay “makabuluhang estilo ng pamumuhay.”8 Ang porsiyento ng mga anak sa mga pamilyang iisa ang magulang simula pa noong 1960 ay dumami nang apat na beses, mula 8 porsiyento ay naging 31 porsiyento.9 Mahigit kalahati ng kasal ngayon sa U.S. ay may pauna nang pagsasama nang hindi kasal.10 Ang dating hindi normal na gawain noong 1960s ay normal na ngayon.
Sa Europa, 80 porsiyento ng populasyon ang sang-ayon na sa pagsasama nang hindi kasal. Sa ilang bahagi ng Scandinavia, 82 porsiyento ng mga panganay na anak ang isinilang sa mga magulang na hindi kasal.11 Nang manirahan kami sa Germany kamakailan, nadama namin na, sa maraming paraan, wala nang kabuluhan sa mga Europeo ang kasal. Tulad ng isinulat ng isang manunulat na Pranses, “nawala na ang gayuma [ng kasal] sa mga kabataan,” na patuloy na nadarama na ang “pag-ibig ay isang pribadong bagay at walang karapatan” ang lipunan na magsalita tungkol sa kanilang pagsasama o mga anak.12
Magkagayunman, ang mga anak ng diborsyado o di-kasal na mga magulang ay mga tatlong beses na mas marami ang mabibigat na problema sa ugali, emosyon, at paglaki kaysa mga anak na nasa mga pamilyang may dalawang magulang. Sa lahat ng sukatan ng kapakanan ng bata, talagang malala ang katayuan ng mga batang ito. At kapag watak-watak ang mga anak, nagkakawatak-watak din ang lipunan. Narito ang ilang halimbawa ng pagkakawatak-watak na iyon, na tinatanggap na sa ilang elemento ay maaaring maraming sanhi ang karaniwang mga kalakarang iyon. Sa nakalipas na limang dekada:
-
Dumami ang krimen ng mga kabataan nang anim na beses.
-
Ang mga batang napabayaan at lahat ng uri ng pang-aabuso sa bata ay dumami nang limang beses.
-
Ang mga psychological disorder o sakit sa utak ng mga bata ay lumala lahat, mula sa paggamit ng bawal na gamot hanggang sa maling pagkain; lumaki nang 1,000 porsiyento ang depresyon sa mga bata.
-
Nadagdagan ang karahasan sa tahanan laban sa kababaihan, at lalong naghihirap ang mga anak.13
Gaano kabigat ang mga problemang ito? Tulad ng sabi ni Pangulong Hinckley noong 1995, ang mga bagay na ito ang “pinakamabigat niyang alalahanin.” At ang mga kalakarang bumagabag sa kanya noon ay mas malala pa ngayon. Gaya ng sinabi ng isang manunulat sa Time magazine:
“Wala nang ibang nag-iisang puwersang nagsasanhi ng maraming paghihirap at kalungkutan sa tao sa bansang ito na tulad ng pagkabigo ng pagsasama ng mag-asawa. Masakit ito sa mga anak, binabawasan nito ang pinansyal na seguridad ng ina, at partikular na winawasak nito ang mga taong halos walang kakayahang magtiis: ang maralita sa bansa. …
“Ang dukha ay [walang magkasamang] magulang na kasal, at winawasak ng mayayaman ang [sarili] nilang pagsasama kung hindi na [sila] masaya.”14
Pagbaling ng Ating Puso
Mababanaag sa isang gula-gulanit na ginintuang hibla sa kumakalas na tapiserya ng lipunan ang dahilan ng problema: ang mga anak—buto ng ating buto, laman ng ating laman. May isang bagay na tunay, at banal pa, tungkol sa mga inapo—sa mga anak at pagkakaroon ng anak at sa walang-hanggang mga bigkis ng pagmamahal—na tila parang mahiwagang alaala sa kalooban ng bawat tao.
Ang bigkis na nagtatali sa anak sa magulang ay napakahalaga kaya isinugo ng Diyos si Elijah noong 1836 para “[ibaling] ang puso” ng mga ama at ng mga anak sa isa’t isa. Kung hindi babaling nang ganito ang mga pusong yaon, sabi Niya, “ang buong mundo ay [ba]bagabagin ng isang sumpa” at “lubos na mawawasak” bago bumalik si Cristo (D at T 110:15; Joseph Smith—Kasaysayan 1:39; tingnan din sa Malakias 4:6). Sa mundo ngayon, mukha ngang bumabaling ang mga pusong iyon—ngunit palayo, sa halip na palapit, sa isa’t isa.
Nabubuhay na ba tayo sa panahon ng sumpa? Siguro nga. Ang mga bata ngayon (at samakatwid ay ang lipunan—ang daigdig) ay tunay ngang “mawawasak” (mawawalan ng halaga, mawawalan ng silbi, mamamanglaw) sa bawat usaping tinalakay dito.
Malinaw ang doktrina—at pinatunayan ng maraming taon ng pagsasaliksik. Hindi natin kailangang balikan ang mga batas ukol sa pamilya noong nakalipas na panahon, ngunit kung mas magmamalasakit lang tayo sa ating mga anak at sa kanilang kinabukasan, magpapakasal ang mga tao bago maging mga magulang. Mas magsasakripisyo sila, nang higit pa, para manatiling nagsasama. Palalakihin ang mga anak, hangga’t maaari, ng tunay nilang mga magulang. Ang pinakamaganda, walang pipiling magpalaglag ng mga anak o magkaanak nang walang asawa. Mangyari pa, kailangang may ilang eksepsyon—ang ilang diborsyo ay makatwiran, at madalas ay hulog ng langit ang pag-aampon. Subalit sa tuntunin, ganap na nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya noong 1995: “Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa mga pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”15
Ngunit malilimutin tayong lahat. Hindi natin naririnig ang kaakit-akit na mga nota ng alaalang walang hanggan, o maging nitong kamakailan. Gusto tayong kumbinsihin ng kaaway ng ating kaligayahan na ang mga sagrado at pangmatagalang bigkis ng pagmamahalan sa pamilya ay nakakapigil, samantalang ang totoo ay walang mga ugnayang higit na nagpapalaya at nakasisiya kaysa rito.
Hindi madaling bumuo ng ulirang pagsasama. Hindi ito nararapat maging madali. Ngunit kapag nililito tayo ng isang naguguluhang kultura tungkol sa kahulugan ng kasal, maaaari nating isuko ang isa’t isa at ang ating sarili nang napakaaga. Subalit ang walang-hanggang pananaw ng ebanghelyo, ayon sa turo sa mga banal na kasulatan at sa templo, ay matutulungan tayong malinawan ang kalituhan sa panahong ito tungkol sa kasal hanggang sa ang ating mga pagsasama ay maging pinakamakabuluhan at nagpapabanal—kahit napakahirap din—na mga karanasan sa buhay.