Misyon o Pera?
Ang awtor ay naninirahan sa Ceará, Brazil.
Walang anumang halagang makakatumbas sa pagpapalang makita na naghahanda ang mga pamilya na makapunta sa templo at mabuklod.
Isang taon matapos maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinasa ko ang mga papeles ko sa paglilingkod sa full-time mission. Tutol na tutol ang pamilya ko sa pagmimisyon ko at inisip nila na sa halip ay dapat akong kumuha ng master’s degree. Katatapos ko lang ng aking bachelor‘s degree, at noon pa man ay pangarap ko nang kumuha ng master’s degree kapag nakatapos ako. Handa ring tumulong sa akin ang mga propesor ko dahil magaling akong estudyante.
Habang naghahanda akong magmisyon, nagipit sa pera ang pamilya ko. Nawalan ng trabaho ang kuya ko. Hindi naglaon ay nalugi pa ang kumpanyang matagal nang pinagtatrabahuhan ng tatay ko, at natanggal siya sa trabaho. Nagamit ni Itay ang lahat ng kanyang benepisyo mula sa gobyerno para tulungan ang lola ko, at isang gabi nakita ko siyang umiiyak dahil hindi niya alam kung paano masusuportahan ang pamilya.
Sa panahong iyon, tumatanggap ako ng university scholarship na katumbas halos ng kalahati ng minimum wage. Kapag natanggap ko na ang bayad sa akin, lagi kong inuunang bayaran ang aking ikapu. Ngunit nang matanggap ko ang pinakahuling bayad sa akin matapos mawalan ng trabaho si Itay, hiniling ni Inay na huwag na akong magbigay ng pera sa Simbahan dahil kailangan iyon ng pamilya namin. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa ikapu at ang kahalagahan nito at ipinakita ko sa kanya ang pangako ng Panginoon sa Malakias 3:10. Kahit hindi siya masaya, nagbayad ako ng ikapu at alam ko na tama iyon.
Habang patuloy akong naghahanda sa misyon ko, pumasok ako sa isang kompetisyon sa isang lokal na unibersidad para lang makita kung hanggang saan ang kakayahan ko. Pumasa ako at inalok ng isang katungkulan kung saan kikita ako nang halos katulad ng suweldo ni Itay sa kanyang trabaho. Sasapat iyon para suportahan ang pamilya ko hanggang sa puwede nang magretiro si Itay. Umasa ang pamilya ko na tatanggapin ko ang trabaho.
Nagdasal ako nang husto, at sumagot ang Panginoon na kailangan kong magmisyon. Nagtiwala ako sa Kanya at tinanggap ko ang tawag na magmisyon sa Brazil Santa Maria Mission. Pinagpala ng Panginoon ang pamilya ko habang nasa misyon ako. Alam ko na nabuksan ang mga dungawan sa langit (tingnan sa Malakias 3:10). Muling nakakita ng trabaho ang tatay at kuya ko, at nakapag-alaga ng mga baka ang pamilya ko para pandagdag-kita.
Lumakas ang patotoo ko kay Jesucristo at sa Kanyang gawain, at ang makita ang galak sa mga mukha at ang pagbabago sa puso ng mga taong pinaglingkuran ko ay isang bagay na napakahalaga sa akin. Walang halagang makakatumbas sa pagpapalang makita na naghahanda ang mga pamilya na makapunta sa templo at mabuklod.