2015
Manindigan Bilang Isang Liwanag
Agosto 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Manindigan Bilang Isang Liwanag

Pangulong Thomas S. Monson
Filipino young men and young women interact during a youth activity.

Nagkaroon na ako ng pribilehiyong dumalo sa maraming kultural na pagdiriwang na idinaos kaugnay ng mga paglalaan ng templo. Nagustuhan ko ang lahat, pati na ang pinakahuling dinaluhan ko sa Phoenix, Arizona, USA, noong Nobyembre.

Ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na kalahok sa kultural na mga pagdiriwang ay nagtanghal ng kagila-gilalas at di-malilimutang mga programa. Noong isang taon sa Phoenix, bago ang pagdiriwang, sinabi ko sa mga kalahok, “Kayo ay mga anak ng liwanag.”

Gusto kong malaman ng lahat ng mga kabataan ng Simbahan na sila ay mga anak ng liwanag. Dahil diyan, responsibilidad nilang maging “mga ilaw sa sanglibutan” (Mga Taga Filipos 2:15). Tungkulin nilang ibahagi ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Tungkulin nilang tumayo bilang tanglaw sa tuktok ng templo, na mababanaagan ng liwanag ng ebanghelyo sa isang mundong lalong nagdidilim. Pananagutan nilang panatilihing maningning at maalab ang kanilang ilaw.

Para tayo maging “uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12), kailangang maniwala tayo mismo. Dapat tayong magkaroon ng pananampalatayang kailangan upang manatiling espirituwal at maging liwanag sa iba. Kailangan nating pangalagaan ang ating patotoo hanggang sa ito ay maging angkla sa ating buhay.

Kasama sa pinakaepektibong mga paraan para matamo at mapanatili ang pananampalatayang kailangan natin ngayon ang magbasa at mag-aral ng mga banal na kasulatan at manalangin nang madalas at palagian. Sa mga kabataan ng Simbahan, sinasabi ko, kung hindi pa ninyo ito nagagawa, ugaliin na ngayong araw-araw na mag-aral ng mga banal na kasulatan at manalangin. Kung wala ang dalawang mahahalagang kaugaliang ito, maaaring mapalamlam o mapawi ng mga impluwensya sa labas at kung minsa’y ng malulupit na katotohanan ng buhay ang inyong liwanag.

Hindi madaling maging tinedyer. Iyon ang kasibulan ng buhay kung kailan tutuksuhin kayo ni Satanas at gagawin niya ang lahat para akitin kayong lumihis sa landas na magbabalik sa inyo sa inyong tahanan sa langit. Ngunit kapag patuloy kayong nagbasa at nanalangin at naglingkod at sumunod, mas makikilala ninyo “ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman” (D at T 6:21), ang ating Huwaran at ating lakas—maging ang Panginoong Jesucristo. Siya ang Liwanag na itataas natin upang iwaksi ang natitipong kadiliman (tingnan sa 3 Nephi 18:24).

Sa malakas na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, napakarami ninyong pagkakataong magliwanag. Nakapaligid sila sa inyo bawat araw, anuman ang inyong sitwasyon. Kapag sinunod ninyo ang halimbawa ng Tagapagligtas, magkakaroon kayo ng pagkakataong maging ilaw, ika nga, sa buhay ng mga tao sa paligid ninyo—mga miyembro man sila ng sarili ninyong pamilya, kaklase, katrabaho, kakilala lamang, o tunay na estranghero.

Kapag kayo ay isang liwanag sa mundo, madarama ng mga tao sa paligid ninyo ang espesyal na sigla na gaganyak sa kanila na gustuhing makasama kayo at sundan ang inyong halimbawa.

Nakikiusap ako sa mga magulang at lider ng ating mga kabataan na tulungan silang manindigan sa katotohanan at kabutihan. Palawakin ang kanilang pananaw sa mga pagkakataong matuto, makaunawa at makapaglingkod sa kaharian ng Diyos. Bigyan ninyo sila ng lakas-ng-loob na paglabanan ang mga tukso ng mundo. Bigyan sila ng determinasyong mamuhay sa kabanalan at pananampalataya, maging madasalin, at umasa sa kaitaasan bilang palagian nilang gabay.

Sa ating mga kabataan, sinasabi ko, mahal kayo ng ating Ama sa Langit. Nawa’y madama rin ninyo ang pagmamahal ng mga lider ng Simbahan para sa inyo. Nawa’y magkaroon kayo palagi ng hangaring paglingkuran ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Anak. At nawa’y lagi kayong lumakad sa katotohanan at manindigan bilang ilaw sa mga anak ng Diyos.

Larawan ng parola ng dzm1try/iStock/Thinkstock

Product Shot from August 2015 Liahona