2015
Pagtitiis: Higit pa sa Paghihintay
Agosto 2015


Pagtitiis: Higit pa sa Paghihintay

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang pagtitiis ay hindi madaling matutuhan, ngunit sulit ito.

Larawan
Statue depicting a woman with her head bowed.

Larawang kuha ng minoandriani/iStock/Thinkstock

“Sister Olsen, binabasbasan ka namin ng pagtitiis.” Hindi ang mga salitang iyon ang gusto kong marinig. Buong araw akong nagdarasal na magkaroon ng sapat na pananampalataya para gumaling. Sa basbas, ipinangako sa akin na gagaling ako kalaunan, ngunit tiniyak sa akin na matatagalan ito.

Napabuntung-hininga ako matapos akong bigyan ng basbas ng mga elder. Tatlong buwan na lamang ang natitira sa misyon ko, at gusto kong makasalamuha ang mga tao—hindi narito sa higaan at maysakit. Gusto kong tanggapin ang kalooban ng Panginoon, pero talagang hindi ko maunawaan kung bakit kailangan Niya akong paghintayin.

Ilang araw pa ang lumipas bago ko natanggap ang aking kalagayan. Tinanggap ko na sa sarili ko ang katotohanan na hindi ako kaagad gagaling, ngunit miserable ako noong panahon na iyon—hanggang sa isang araw binasa ko ang mga banal na kasulatan. Kalaunan, natagpuan ko ang kapayapaan na kailangan ko sa Santiago 1. Nahanap ni Joseph Smith ang kanyang sagot sa talata 5—ang akin ay sa mga talata 2–4:

“Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo’y mangahulog sa sarisaring tukso [binago ng Pagsasalin ni Joseph Smith ang “sarisaring tukso” sa “maraming paghihirap”];

“Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.

“At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo’y maging sakdal at ganap, na walang anomang kakulangan.”

Habang binabasa ko ang mga talatang iyon, hindi ko masasabi na biglang “tinanggap ko nang buong kagalakan” na maysakit ako, pero may natutuhan ako na nakatulong sa akin na hindi gaanong madama na miserable ang kalagayan ko.

Ang katotohanang hindi ako agad gumaling ay hindi nangangahulugang wala akong pananampalataya, at hindi ito nangangahulugan na hindi nagmamalasakit sa akin ang Panginoon—sa katunayan, kabaligtaran pa nga nito. Ang Panginoon ay lubos na nagmamalasakit kaya sinubukan ang pananampalataya ko sa pamamagitan ng hindi agad pagpapagaling sa akin para matuto akong magtiis.

Natanto ko na nais ng Panginoon na matuto akong magtiis dahil ito ay mahalagang katangian. Ang pagtitiis ay nagdadalisay sa atin. Ang pagtitiis ay nakakatulong sa akin na maging mas higit na katulad ng Tagapagligtas. May mahahalagang responsibilidad ako bilang full-time missionary, ngunit natanto ko na kapag tungkol na sa paglilingkod sa Panginoon, nagmamalasakit Siya nang labis sa tao gayon din sa gawaing dapat gawin. Tinuruan ako ng Panginoon na magtiis upang maging mas mabuti at mas mahusay na missionary sa mga huling buwan ko sa misyon.

Ang ipinangakong paggaling ko ay dumating din, ngunit ang aral na natutuhan ko sa pagtitiis ay hindi natapos doon. Maraming pagpapala sa ating buhay—kasal, trabaho, mga anak, pisikal o emosyonal na kalusugan, mga sagot sa panalangin—ang hindi dumarating kaagad kapag inaasam natin ang mga ito. Kapag naranasan ninyo na naantala ang mga sagot sa inyong mga panalangin, at malamang na ganito nga, magtiis nang nagtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon. Pagpapalain nito ang inyong buhay.

Pananaw tungkol sa Pagtitiis

Umuwi ako mula sa sa aking misyon sa pag-aakalang natutuhan ko na ang pagtitiis. Gayunpaman, ang isang bagay tungkol sa pagtitiis ay hindi ito isang aral na natututuhan natin nang minsanan lang. Si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng mensahe tungkol sa pagtitiis, at binasa ko ito sa unang pagkakataon pagkaraan ng isang nakapanlulumong pakikipaghiwalay sa kadeyt ko. Nasaktan ang puso ko at medyo nawalan ng pag-asa, at sa pagkakataong iyon, ang huling bagay na naisip ko na kailangan ko ay ang ang paalala na maging mapagtiis. Gayunman, nakakatuwa na ang pagkaunawa ni Elder Maxwell tungkol sa pagtitiis ay nagturo sa akin ng matinding konsepto na lubos na nagpabago (muli) sa aking pananaw at tinulungan akong muling magtiis.

Ang Pagtitiis ay Hindi Pagsuko

Halimbawa, natutuhan ko na ang patitiis ay hindi nangangahulugang pagkibit-balikat at pagsuko na umasa. Itinuro ni Elder Maxwell: “Ang pagtitiis ay hindi pagwawalang-bahala. Katunayan, ibig sabihin nito ay lubos na pagtutuon ng pansin ngunit nakahandang pasakop sa Panginoon at sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na ‘ayon sa takdang panahon.’”1 Akala ko noon ang pagtitiis ay hindi aktibong pagtugon sa mga karanasan sa buhay, na parang pagsuko ito. Ngunit ang pagtitiis ay hindi pagsuko. Ang pagtitiis ay pagpapakita ng tibay ng loob at katapatan sa Panginoon.

Ang Pagtitiis ay Pagtitiwala, Hindi Pagkabalisa

Itinuro din ni Elder Maxwell: “Ang pagtitiis ay pagiging handa, sa isang banda, upang masdan ang paghahayag ng mga layunin ng Diyos nang may paghanga at pitagan, sa halip na pagkabalisa sa ating kalagayan. Sa madaling salita, ang labis na kasabikan o pagmamadaling buksan ang oven ay hindi nagpapaalsa sa tinapay. Gayundin tayo. Kung lagi nating sinusuri ang ating sitwasyon kung masaya tayo, hindi tayo magiging masaya.”2 Ang ideyang ito ay talagang tumimo sa puso ko (at hindi lamang dahil ako’y mainiping panadero). Nakakapanghina ng loob kapag nabigo ang ating mga plano o hindi nangyari ang ating inaasahan. Sa ating mga mortal na isipan, ang takdang panahon ng Diyos ay maaaring mahirap maunawaan. Ngunit ang maaari kong maunawaan ay ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama na may plano na titiyak sa ating kaligayahan kalaunan kung tayo ay tapat, at natututo akong tanggapin ang Kanyang takdang panahon nang may tiwala—hindi nang may pagkabalisa.

Hindi Ito Laging tungkol sa Atin

Dahil sinusubukan tayo ng pagtitiis sa napakapersonal na paraan, nakatuon tayo kadalasan sa ating sarili. Ngunit itinuro ni Elder Maxwell na “tinutulungan din tayo ng pagtitiis na matanto na kahit handa na tayong magpatuloy, dahil nagkaroon ng sapat na natutuhan mula sa karanasan, ang patuloy na presensya natin ay madalas na kailangan bilang bahagi ng kapaligiran sa pagkatuto ng iba.”3 Hindi lamang natin kailangang magtiis, kundi kailangan din ng iba ang ating pagtitiis o ang halimbawa ng ating pagtitiis. Hindi ko kailanman naisip ang ideyang ito, at nakatulong ito na maituring ko ang pagtitiis bilang isang marangal na katangian, na tunay na nakaugnay sa pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na “kailanman ay hindi nagkukulang” (Moroni 7:46).

Higit pa sa Paghihintay

Kahit mayroon na tayong tamang pananaw, mahirap maghintay. Ngunit natutuhan ko na ang pagtitiis ay higit pa sa paghihintay. Natutuhan ko ito mula sa kapatid kong si Andrew at sa kanyang asawang si Brianna, sa pagharap nila sa problema na hindi sila magkakaanak. Bagama’t nawalan sila ng pag-asa nang malaman nila na hindi sila magkakaanak, nakakita sila ng bagong pag-asa sa pamamagitan ng pag-aampon—ngunit nangangahulugan pa rin iyon na maghihintay pa rin sila.

Atubili akong gamitin ang salitang maghintay kapag tinutukoy ko sila dahil madalas ang ibig sabihin ng salitang iyan ay hindi ka kikilos. Para sa kanila, ang paghihintay ay hindi pag-aaksaya ng panahon hanggang sa dumating ang batang aampunin—ang pagtitiis ay higit pa riyan.

Sinabi ni Andrew, “Halos lahat sa pag-aampon ay nasa kamay ng Panginoon, wala sa atin. Pero maganda sa pakiramdam na nagsikap kaming matamo ang aming mithiin na magkaroon ng mga anak sa aming pamilya.” Sa pamamagitan man ng pag-blog, pagbabahagi ng kanilang contact information sa mga kaibigan at pamilya, o pakikibahagi sa mga lokal na grupo ng mga nag-aampon na mga magulang, sinikap nilang “gawin ang lahat ng bagay sa abot ng [kanilang] makakaya” (D at T 123:17), at pagkatapos ay nagtiwala sila sa Panginoon.

Matapos ang ilang taong paghihintay at pagdarasal, sila ay nakapag-ampon ng isang magandang sanggol na babae na nagngangalang Jessica. Habang karga nila siya, ang mga taong puno ng kalungkutan at pagkabigo ay napawing lahat. Para sa kanila, siya ay isang himala.

Limang taon na ngayon ang lumipas mula nang ampunin nila si Jessica, at nitong huling apat na taon, sinisikap nilang mag-ampon ng isa pang bata. Ang paghihintay ay nagsimulang muli. Sinabi ni Brianna sa akin, “Palaging ipinapaalala sa amin ng mga tao na kapag para talaga sa aming pamilya ang bata ay darating ito. Alam namin na tama sila, ngunit alam din namin na hindi lang kami basta mauupo at maghihintay. Kailangang manampalataya kami na mangyayari ito ngunit kailangan ding kumilos, mamuhay nang matwid, magplano para sa aming kinabukasan, magkatuwaan, magsaya nang magkakasama.”

Mahirap maghintay, pero itinuro sa akin nina Andrew at Brianna na piliing maging maligaya ngayon. Madaling isipin na, “Magiging masaya ako kapag ____________,” ngunit pinalalampas natin ang pagkakataong ibinibigay ng buhay sa pagpapaliban ng ating kaligayahan. Kahit kung minsan ay kailangan nating isantabi ang ating mga hangarin para gawin ang kalooban ng ating Ama, hindi ibig sabihin niyan ay kailangan din nating isantabi ang ating kaligayahan. Ang Kanyang pagmamahal ay nagbibigay ng lakas, nagpupuno sa kahungkagan, at nagbibigay ng pag-asa.

Ang Halimbawa ng Pagtitiis ng Tagapagligtas

Larawan
Head shot of a statue of Jesus

Larawan ng kantero o tagatibag ng bato na kuha ng AngelGV/iStock/Thinkstock; larawan ng estatwa na kuha ng lawrod4/iStock/Thinkstock

Ang Tagapagligtas ang ating pinakadakilang halimbawa ng pagtitiis. Para sa akin, ang mga salitang Kanyang sinambit sa Halamanan ng Getsemani ay sumasagisag sa Kanyang pagtitiis. Sa gitna ng hindi mailarawang pagdurusa at sakripisyo, hiniling Niya na, kung maaari, ang saro ng Kanyang pagdurusa ay lumampas sa Kanya. “Gayon ma’y,” sinabi Niya, “huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Ang salitang gayon pa ma’y ay nagtataglay ng napakagandang mensahe. Sa kabila ng kung ano ang talagang gusto ng Tagapagligtas sa sandaling iyon, ipinahayag Niya ang Kanyang kahandaang tanggapin ang kalooban ng Kanyang Ama at magtiis.

Tayong lahat ay hihilingang maghintay para sa mga bagay sa ating buhay—kahit lubos na matwid ang hangarin ng ating puso. Ngunit si Jesucristo, na “tapat magpakailanman,”4 ay papanatagin tayo at muling titiyakin sa atin ang mabubuting bagay na darating. At pagtitiisan Niya tayo nang buong giliw habang natututuhan nating maging katulad Niya, habang natututuhan nating harapin ang mga inaasahan at di-inaasahang pangyayari sa buhay na ito at sabihin sa ating Ama, “Gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”

Talagang nagbago ang aking pananaw tungkol sa pagtitiis nang maging adult na ako. Ang pagtitiis ay isang proseso, at palagi akong matututo. Bagama’t mahirap ang maghintay, natuto akong “ariin [ito nang] buong kagalakan” kapag sinusubukan ang aking pagtitiis—hindi dahil sa nasisiyahan ako sa hirap na nararanasan ko, kundi dahil alam ko na may maluwalhating layunin ito. Alam ko na “ang pagtitiis ay may sakdal na gawain” ay bahagi ng pagsasakatuparan ng aking layunin dito sa lupa na balang-araw ay magiging “sakdal at ganap, na walang anomang kakulangan” (Santiago 1:4).

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Patience” (Brigham Young University devotional, Nob. 27, 1979), 1, speeches.byu.edu.

  2. Neal A. Maxwell, “Patience,” 2.

  3. Neal A. Maxwell, “Patience,” 3.

  4. “Pumayapa, Aking Kaluluwa,” Hymns, no. 71.

Print