2015
Itinuro Niya sa Akin ang Makalangit na Orden ng Kawalang-Hanggan
Agosto 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Itinuro Niya sa Akin ang Makalangit na Orden ng Kawalang-Hanggan

Mula sa Autobiography of Parley P. Pratt (1979), 297–98.

Ngayon ay maaari na akong magmahal nang may taglay na espiritu at pang-unawa rin.

One oil on canvas painting.  Depicted in primitive style; Joseph Smith stands surrounded by seated figures of Hyrum Smith, Willard Richards, Orson Pratt, Parley P. Pratt, Orson Hyde, Heber C. Kimball and Brigham Young. Painted by William Major in Nauvoo.  Unsigned/undated.

Detalye mula sa Si Joseph Smith at ang Kanyang mga Kaibigan, ni William Warner Major, kagandahang-loob ng Church History Museum

Sa Philadelphia masaya akong muling makausap si Pangulong [Joseph] Smith, at makasama siya at ang iba nang ilang araw, at ang mga Banal sa lungsod na iyon at sa paligid niyon.

Sa mga interbyung ito itinuro niya sa akin ang maraming dakila at maluwalhating alituntunin hinggil sa Diyos at sa makalangit na orden ng kawalang-hanggan. Sa panahong ito ko unang nalaman mula sa kanya ang tungkol sa organisasyon ng walang-hanggang pamilya, at ang walang-hanggang pagkabuklod ng babae at lalaki na ang napakatinding pagmamahalan ay hindi matatawaran ninuman maliban sa taong napakatalino, dalisay at malinis ang puso, marunong magpahalaga, at siyang pinakapundasyon ng lahat ng karapat-dapat tawaging kaligayahan.

Noon ko natutuhang unawain na ang mga pagsuyo at pagdamay sa mga kaanak ay para lamang sa buhay na ito, na kailangan tayong matutong ihiwalay ang ating sarili, upang maging karapat-dapat sa makalangit na kalagayan nito.

Si Joseph Smith ang nagturo sa akin kung paano pahalagahan ang pagmamahalan ng ama at ina, ng lalaki at babaeng mag-asawa; ng magkapatid na lalaki at babae, ng mga anak na lalaki at babae.

Sa kanya ko nalaman na maaaring mabuklod sa akin ang pinakamamahal kong asawa ngayon at sa buong kawalang-hanggan; at na ang dalisay na mga pagdamay at pagsuyo na dahilan para mapamahal kami sa isa’t isa ay nagmula sa bukal ng walang-hanggang pagmamahal ng Diyos. Sa kanya ko nalaman na maaari nating pag-ibayuhin ang mga pagsuyong ito, at lumago at tumibay sa pagmamahal na iyon hanggang sa kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang-katapusang pag-iisa ay mga supling na sindami ng mga bituin sa langit, o ng buhangin sa dalampasigan.

Sa kanya ko nalaman ang tunay na dangal at tadhana ng isang anak ng Diyos, na nadaramitan ng isang walang-hanggang priesthood, bilang patriarch at pinuno ng kanyang di-mabilang na mga anak. Sa kanya ko nalaman na ang pinakamataas na dangal ng pagkababae ay, magsilbing reyna at priestess sa kanyang asawa, at mamuno magpakailanman at magpasawalang-hanggan bilang inang reyna ng marami at dumarami pang mga supling.

Nagmahal na ako dati, pero hindi ko alam kung bakit. Ngunit ngayo’y nagmahal ako—nang dalisay—na may ibayong sidhi ng kabanalan, na mag-aangat sa aking kaluluwa mula sa mga panandaliang bagay sa buhay at magpapalawak dito na tulad ng karagatan. Nadama ko na ang Diyos ay tunay kong Ama sa langit; na si Jesus ay aking kapatid, at na ang minamahal kong asawa ay isang imortal at walang-hanggang kabiyak; isang naglilingkod na anghel, na ibinigay sa akin para panatagin ako, at isang putong ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan. Sa madaling salita, ngayon ay maaari na akong magmahal nang may taglay ng espiritu at pang-unawa rin.