Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Isang Guro na Tumutulong na Magligtas ng mga Kaluluwa
Bakit nagbibigay-kahulugan ang pagtuturo ng Tagapagligtas sa paraan ng Kanyang pagtuturo. Naiiba ba ang ating layunin?
Inaamin ko na kapag naiisip ko ang pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas, malamang na magtuon ako sa paraan ng Kanyang pagtuturo. Ano ang ginawa Niya? Paano Siya nakisalamuha sa mga tao? Tutal, Siya naman ang dalubhasang guro! Pero kung nais nating magturo na katulad Niya, mahalagang maunawaan ang dahilan ng Kanyang pagtuturo. Sa huli, ang “dahilan” na iyon ang gagawa ng kaibhan para sa atin at sa ating mga tinuturuan.
Nang magturo ang Tagapagligtas, hindi Niya nilayon na punan ang oras o manlibang o magbigay ng impormasyon. Lahat ng ginagawa Niya—kabilang na ang pagtuturo—ay nilayon upang akayin ang iba patungo sa Kanyang Ama. Ang buong hangarin at misyon ng Tagapagligtas ay iligtas ang mga anak ng Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 26: 24). Sa pagsisikap nating magturo na katulad ng ginawa Niya, maaari tayong matutong maganyak ng layunin ding iyon na nagganyak sa Kanya.
Sa madaling salita, ang pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas ay pagiging isang guro na ang layunin ay magligtas ng mga kaluluwa.
Ang Hangaring Iligtas ang Iba
Ang isa sa mga paborito kong kuwento sa Aklat ni Mormon noon pa man ay tungkol sa pag-alis ng mga anak ni Haring Mosias sa kaharian ng mga Nephita para itatag ang kaharian ng Diyos sa mga Lamanita. Isinuko nila ang isang kaharian sa lupa para sa kaharian ng langit. Isinuko nila ang mga kaginhawahan ng kaligtasan at seguridad sa piling ng mga Nephita para makihalubilo sa kanilang mga kaaway, ang mga Lamanita, upang “baka sakaling mailigtas [nila] ang ilan sa kanilang mga kaluluwa” (Alma 26:26).
Ano ang nagganyak sa mga lingkod na ito ng Panginoon? “Hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi; oo, maging ang isipin lamang na ang sinumang kaluluwa ay magtiis ng walang hanggang pagdurusa ay naging dahilan upang sila ay mayanig at manginig” (Mosias 28:3). Ang pagganyak na iyon ang naging dahilan para magtiis sila ng “maraming … paghihirap” (Alma 17:5, 14).
Madalas akong bigyang-inspirasyon ng kuwentong ito na isiping, Ginagawa ko ba ang magagawa ko para ilapit ang iba kay Cristo? Nakatuon ba ako nang sapat sa pagliligtas ng mga kaluluwa?
Pagiging Guro na Tumutulong na Magligtas ng mga Kaluluwa
Kapag hangad nating magturo para sa kadahilanang katulad ng sa Tagapagligtas, nagkakaroon ng higit na kahulugan ang mga alituntunin ng paraan ng Kanyang pagtuturo. Higit pa sa mga pamamaraan, nagsisilbing huwaran ang mga ito sa pagiging katulad Niya. Kapag patuloy nating sinunod ang sumusunod na mga ideya, at gayundin ang iba na matatagpuan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, hindi lang tayo magtuturo nang higit na katulad Niya kundi magiging higit din tayong katulad Niya.
Maghangad ng Paghahayag nang Maaga
Para makatulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, kailangan natin ng paghahayag. Ang paghahayag ay dumarating nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30)—at matagal iyan. Kaya maaga tayong nagsisimulang maghanda at madalas tayong maghangad ng paghahayag.
Mahalin ang mga Tao
Maaaring pagmamahal ang pinakamabisang paraan para makatulong ang isang guro na magligtas ng mga kaluluwa. Maaaring kasingsimple iyan ng pag-alam sa pangalan ng bawat miyembro ng klase, pangungumusta tungkol sa mga nangyari sa kanila buong linggo, pagsasabi na maganda ang mensaheng ibinigay nila o pagbati sa kanila sa isang mahalagang pangyayari o tagumpay sa buhay nila. Ang pagpapakita ng interes at pagmamahal ay binubuksan ang mga puso at tinutulungan ang mga tinuturuan natin na madama ang Espiritu Santo.
Maghandang Magturo na Iniisip ang mga Pangangailangan ng mga Mag-aaral
Ang isang guro na tumutulong na magligtas ng mga kaluluwa ay nakatuon sa mga mag-aaral. Kapag binasa natin ang mga materyal ng lesson, magtuon tayo sa kung ano ang pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan nila, hindi natin. Nalilimutan nating huwag magsayang ng oras at magtuon sa pag-impluwensya sa puso’t isipan ng mga mag-aaral. Iniisip natin hindi lamang ang ating sasabihin at gagawin, kundi maging ang sasabihin at gagawin ng mga mag-aaral. Nais nating ibahagi nila ang kanilang mga ideya dahil lumilikha ito ng pagkakaisa, binubuksan ang kanilang puso, at tinutulungan silang manampalataya.
Manatiling Nakatuon sa Doktrina
Karaniwan ay sinusuri ng mga guro ang kanilang kahusayan ayon sa partisipasyong nakukuha nila mula sa mga estudyante, ngunit isang elemento lamang iyan ng karanasan. Kung maraming pagbabahagi sa klase natin pero kakatiting ang doktrina, naglalaan tayo ng tinatawag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “theological Twinkie” o isang bagay na nagpapasaya sandali pero walang kabuluhan. Naglaan tayo ng isang bagay na masarap ang lasa, pero hindi natin napangalagaan ng nagpapalakas na kapangyarihan ng doktrina ang mga miyembro ng ating klase.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang tao ay kailangan munang matuto bago maligtas.”1 Kailangan nating tulungan ang mga tinuturuan natin na matamo ang pinakamahalagang uri ng kaalaman—ang doktrina ni Jesucristo.
Kapag nagbahagi tayo at ang mga miyembro ng ating klase ng ating mga iniisip at nadarama, dapat ay lagi natin itong iugnay sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Kamakailan, itinuro ni Brother Tad R. Callister, Sunday School General President: “Ang ulirang guro ay palaging nagsisikap na iugnay ang mga komento ng klase sa doktrina. Halimbawa, maaaring sabihin ng guro, ‘Ipinaalala sa akin ng karanasang ibinahagi mo ang isang talata sa banal na kasulatan.’ O, ‘Ano ang mga katotohanan ng ebanghelyo na natututuhan natin mula sa mga komentong narinig natin?’ O, ‘Mayroon bang gustong magpatotoo tungkol sa kapangyarihan ng katotohanang iyan na tinatalakay natin?’”2
Anyayahan ang Espiritu Santo na Magpatotoo
Ang isang gurong tumutulong na magligtas ng mga kaluluwa ay nauunawaan na ang sinasabi at ginagawa natin bilang guro ay nilayon upang anyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo sa buhay ng iba. Ang Espiritu Santo ang guro. Ang isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ay magpatotoo tungkol sa katotohanan, lalo na tungkol sa Ama at sa Anak. Kaya kapag nagturo tayo tungkol sa Kanila at sa Kanilang ebanghelyo, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na magpatotoo sa mga miyembro ng klase. Hangga’t tinutulutan nila, ang Kanyang kapangyarihan ay nagpapalakas ng kanilang patotoo at binabago ang kanilang puso. Ang Kanyang patotoo ay mas makapangyarihan kaysa sa paningin.3
Anyayahan ang mga Mag-aaral na Matutong Kumilos para sa Kanilang Sarili
Kamakailan ay nasa isang klase ako ng Sunday School kung saan nagsimula ang guro sa paghiling sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na lubhang makabuluhan sa kanila nang basahin nila ang gawain para sa linggong iyon mula sa mga banal na kasulatan at kung paano nila iniangkop iyon sa kanilang buhay. Humantong ito sa isang mabisang talakayan tungkol sa mga kabatiran at bagay na natuklasan nila para sa kanilang sarili. Lubhang likas sa guro ang idagdag sa pag-uusap na ito ang mga punto ng doktrina na naihanda niyang ituro. Ang talagang hinangaan ko ay ang paraan ng pagtuon niya sa paghihikayat sa mga miyembro ng kanyang klase na madama ang kapangyarihan ng salita ng Diyos para sa kanilang sarili.
Ang ating mithiin bilang mga guro ay hindi lamang para magkaroon ng magandang karanasan sa klase o huwag magsayang ng oras o magbigay ng magandang lesson. Ang tunay na mithiin ay sumama sa iba sa kanilang paglalakbay pabalik sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang ating mithiin ay maging mga guro na tumutulong na magligtas ng mga kaluluwa.