Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Naghatid ng Liwanag ang mga Anghel sa Aking Tahanan
Isang Linggo ng umaga tinanong ako kung gusto kong dalawin ako ng home teachers. Kadidiborsyo ko lang kamakailan at nahihirapan akong harapin ang bago kong buhay bilang nag-iisang ina na may dalawang maliliit na anak. Sinabi ko na ikasisiya kong madalaw. Noong panahong iyon, masama ang loob ko sa sitwasyon ko at pakiramdam ko ay nag-iisa ako sa mga paghihirap ko.
Nang sumunod na linggo, dalawang mababait na miyembrong lalaki ang dumating sa aking tahanan. Sa kanilang pagbisita itinanong nila ang karaniwang mga tanong at nagbahagi ng maikling mensahe ng ebanghelyo sa pamilya ko.
Pagkatapos ay itinanong ng mababait na lalaki sa akin, “Sister Nereida, ano ang maitutulong namin sa iyo?”
Dahil hindi ko gaanong inisip ang tungkol doon, sinabi ko sa kanila na pundido ang mga bombilya sa may hagdanan paakyat sa ikalawang palapag. May ipapalit akong mga bombilya, pero napakataas ng pagkakabitan para mapalitan ko iyon, at takot akong gumamit ng hagdan sa may hagdanan. Sinabi ko rin sa kanila na walang gumaganang ilaw sa likod-bahay.
Agad silang tumayo. Nagpunta ang isa sa kotse niya at nagbalik na may dalang tool chest. Halos anim at kalahating talampakan (1.9 m) ang taas niya, kaya umakyat siya ng hagdanan at pinalitan ang bombilya nang walang anumang problema. Samantala, nagpunta naman ang kasama niya sa likod-bahay at napansin nito na baligtad ang koneksyon ng kawad. Mabilis niya itong nakumpuni.
Malaki ang pasasalamat ko sa home teachers ko sa pagdaan ng mga taon sa simpleng pagpapakita nila ng kabaitan, pagmamahal, at dedikasyon at sa napakagandang aral na itinuro nila sa akin. Tunay na mga anghel ang home teachers ko na hindi lang naghatid ng liwanag sa aming tahanan kundi maging ng kapayapaan, pag-asa, at kaligtasan sa ebanghelyo, na naghahatid ng liwanag sa anumang uri ng kadiliman.