2017
Pagganap sa Pinakamahalagang Papel
July 2017


Pagganap sa Pinakamahalagang Papel

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

Katatanggap ko pa lang sa pinakamalaking papel sa buhay ko. Tuwang-tuwa ako—hanggang sa dumating ang iskrip.

theater stage

Mga larawang kuha ng Getty Images

Mahilig ako sa live theater! Bilang young adult, ibinuhos ko ang panahon ko sa pag-arte at pagkanta sa entablado. Nabiyayaan ako ng talento at inasam kong maging propesyonal na artista. Nakuha ko ang pinakamahihirap na papel na matatanggap ko at propesyonal palagi ang kilos ko para igalang ako ng mga kapwa ko artista.

Tuwang-tuwa ako nang sabihin sa akin ng pinaka-maimpluwensyang direktor sa lugar namin na magdaraos siya ng awdisyon para sa isang opereta at gusto niyang sumali ako. Ang pagtatanghal ay gagawin sa pinaka-prestihiyosong pook sa aming lugar, at tila ako na ang napupusuan ng kaibigan kong direktor na gumanap sa papel ng bida.

Walang iskrip na mababasa bago ang awdisyon, pero ang opereta ay batay sa nobelang isinulat ng isang pilosopo na nabuhay noong ika-18 siglo, na binasa ko. Naging pamilyar din ako sa musika ng pagtatanghal, na napakaganda at mahirap kantahin.

Naging maayos ang awdisyon, at agad ipinaalam sa akin na ang papel ng bida—ang pinakamahalagang papel—ay sa akin! Naniniwala ako na ang papel na ito ay isang malaking oportunidad.

Nakalutang ako sa alapaap sa sobrang tuwa—hanggang sa dumating ang iskrip. Nang basahin ko ito, mabilis na naglaho ang saya ko. Kahit maganda ang nobela at musika, hindi mapitagan ang iskrip at may mahalay at di-angkop na ipagagawa sa entablado ang direktor. Alam ko na hindi ako dapat makilahok sa produksyong ito. Lungkot na lungkot ako.

Bigla akong nagkaproblema. Idinidikta ng wastong asal sa teatro na matapos tanggapin ang isang papel, hindi aatras ang artista dahil walang panahon ang iskedyul ng produksyon na magpalit ng mga tauhan. Ang pag-atras ngayon ay ituturing na lubhang hindi propesyonal. Natakot akong mawala ang tiwala sa akin ng kumpanya ng teatro, magalit ang direktor, at mawalan pa ako ng pagkakataong patuloy na gumanap sa teatro sa ibang lugar.

Siyempre pa, natukso akong mangatwiran! May tinig akong narinig sa aking isipan, na nagpapahayag na, “Hindi ka na makakaatras ngayon. Hindi naman ganoon kasama ang iskrip. Pupunan ng ganda ng pagtatanghal ang mga kapilyuhan doon.” Ngunit palaging nasa puso ko ang Banal na Espiritu—matatag, matiyaga, at matibay akong hinihikayat na huwag akong sumali sa opereta.

Alam ko na ang kailangan kong gawin. Nanginginig, dinampot ko ang telepono at tinawagan ang direktor.

“Hello, sir,” sabi ko nang sumagot siya. “Si Annie po ito.”

“Annie! Sabik na sabik po ako sa pagtatanghal. Nakuha mo ba ang iskrip?”

“Opo, nakuha ko, at … at …”

Nagsimula akong umiyak. Maling-mali iyon sa isang artista!

Kahit paano, sa gitna ng mga hikbi, naipaliwanag ko sa direktor kung bakit hindi ako maaaring sumali sa kanyang pagtatanghal. Pagkatapos ay hinintay kong magunaw ang mundo.

Tumawa ang mabait na lalaki. Iginalang niya ang desisyon ko. Noong una sinikap niyang kumbinsihin ako na manatili sa pagtatanghal, pero kalaunan ay pumayag din siya. Gusto pa rin daw niya ako kahit ayaw kong sumali sa kanyang opereta. At nakiusap lang siya na ibalik ko kaagad sa kanya ang iskrip para maibigay niya sa iba. Ibinaba ko ang telepono, na hiyang-hiya sa pag-iyak ko ngunit nagpapasalamat sa mapagmahal at maunawaing tugon ng direktor.

Nagpahid ako ng luha at saka ko kinuha ang iskrip at sumakay sa kotse ko. Pag-andar ng makina, tumunog din ang radyo. Naka-set pala ito sa lokal na istasyon ng mga klasikong musika, at sa gulat ko, tumugtog ang musikang gagamitin mismo sa opereta. Noon ko lang narinig na pinatugtog iyon sa radyo.

Pakiramdam ko ay pinatugtog ng Ama sa Langit ang musikang ito para sa akin. Nais Niyang maunawaan ko na mahal Niya ako at sang-ayon Siya sa pasiya ko. Ang musikang naririnig sa himpapawid ay isa sa mga mapagmahal na awa ng Diyos. Sa pamamagitan nito nadama ko ang kapanatagang dulot ng Kanyang pagmamahal.

Patuloy akong nag-aral ng drama sa unibersidad. Hindi lang minsan ko natagpuan ang aking sarili sa gayong sitwasyon. May mga pagkakataon na kinailangan kong lisanin ang ilang magkakatuwang na proyekto dahil sa di-angkop na iskrip. Hindi madali o masaya ang mga pagkakataong ito, ngunit nagawa kong harapin ang mga ito nang mas kalmado at hindi umiiyak. Marahil ang naunang karanasan ko ay paghahanda para sa ganitong mga pagkakataon. Marahil nakatulong ito para mas maunawaan ko kung sino ako at kung ano ang talagang nais kong maging.

Isinulat ni William Shakespeare:

Buong mundo ay isang entablado,

At lahat ng kalalakihan at kababaihan ay mga tauhan lamang:

May mga sandali na lalabas sila at papasok;

At maraming papel na gagampanan ang isang tao sa kanyang panahon.1

Natutuhan ko na may isang papel na mas mahalagang gampanan kaysa sa iba. Ito ay bilang isang tunay na disipulo ni Jesucristo. Nakatutuwa at nakasisiyang mapuri ng ating mga kasama, ngunit ang pagsang-ayon ng Diyos ang mahalaga. Nagagawa natin ang pinakamahuhusay nating pagtatanghal kapag natuto tayong sumunod sa Panginoon.

Tala

  1. William Shakespeare, As You Like It, yugto 2, tagpo 7, mga linya 141–44.