Isang Awitin para kay Manon
Ang orihinal na ipinlanong gabi ng pagtatanghal ay naging pagbubuhos ng pagmamahal para sa isang kabataang babae.
Tuwang-tuwa ang mga kabataang babae. Katunayan, tuwang-tuwa ang buong ward sa southern France. Para makahikayat ng higit na pagkakaisa, nagplano ng ward social ang mga lider, na may kasamang hapunan at pagtatanghal. Batid na matagal nang nag-aaral ng mga kanta at sayaw ang Beehives, Mia Maids, at Laurels sa ilang aktibidad nila, inanyayahan sila ng mga lider na magtanghal sa gabing iyon.
Kaya nagsimulang magpraktis nang dibdiban ang mga kabataang babae ng ward na iyon—lahat sila maliban sa isa. Hindi makakasali si Manon. Mahigit dalawang taon na siyang nagpapagamot sa sakit na kanser.
Patuloy pa ring dumalo si Manon C., edad 16, sa mga pulong at aktibidad hangga’t kaya niya, at lagi siyang masayang nakangiti sa kabila ng kanyang pinagdaraanan. Ngunit sa kanyang chemotherapy kung minsan ay napakahina niya para gumawa ng iba pa maliban sa magpahinga. Ilang beses nag-ayuno at nagdasal ang mga miyembro ng ward para sa kanya. Hindi inasahan ng sinuman na magpraktis siya o sumayaw.
Pero puwede siyang dumalo sa hapunan. Kaya bakit hindi na lang nila ihandog ang gabi kay Manon?
Isang Gabi ng Paghahandog
Agad kumalat ang ideya.
“Nais naming madama ni Manon ang pagmamahal at suporta ng ward para sa kanya,” paliwanag ni Emma S., 16. “Kung nais ng ating ward na mas magkaisa, ano pa ba ang mas mabuting gawin kundi sama-samang ipakita ang pagmamahal natin kay Manon?”
Sumama ang buong ward sa mga paghahanda. Inatasan ang mga pamilya na magdala ng pagkain para sa hapunan; tumulong ang Relief Society sa paggawa ng mga kasuotan para sa mga kabataang babae; naglaan ng technical support ang mga young adult (ilaw, tugtog, at mga background video) para sa mga praktis at sa oras ng pagtatanghal; at tumulong ang kalalakihan ng priesthood sa pag-aayos ng mga mesa at silya.
Lahat ng gawaing ito ay pinagtulung-tulungan ng mga miyembro ng ward na magkakalayo ang tirahan sa loob ng isang malawak na lugar. “Malapit ang damdamin ng mga kabataan sa ward sa isa’t isa, pero magkakalayo ang tirahan namin,” sabi ni Aiolah V., 16. “Hindi kami nagkikita-kita sa paaralan, dahil nakatira kami sa iba’t ibang parte ng bayan, kaya pinagsusumikapan naming tiyakin na kasama ang lahat sa mga aktibidad.”
“May kontak din kami sa isa’t isa, salamat sa cell phone,” sabi ni Inka S., 15. “Tinuturuan namin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagkukuwento ng iba’t ibang karanasan namin. Alam namin na maaasahan namin ang isa’t isa, at sinisikap naming magpakita ng mabuting halimbawa sa isa’t isa.” Nalaman ng mga kabataang babae, na gustung-gustong magkasama-sama hangga’t maaari, na ang praktis para sa pagtatanghal sa hapunan ay nagbigay ng dagdag na mga pagkakataong mapalalim ang kanilang pagkakaibigan.
“Bago kami nagsimulang magpraktis, medyo mahiyain ako,” paliwanag ni Inka. “Takot akong magkamali. Pero nang sumayaw kami bilang isang grupo, isinantabi ko ang hiya ko. Alam ko na panahon na para ipakita sa ward kung gaano kami nagpakahirap na magpraktis.”
Si Manon naman ay mapagpakumbaba at mabait. “Nang sabihin nila sa akin ang tungkol sa hapunan at pagtatanghal at na ako ang magiging panauhing pandangal, nag-alala ako na baka makaabala ako sa kanila,” paggunita niya. “Pero sa kabilang banda, sabik akong pumunta roon!”
Isang Pagpapakita ng Pagmamahal at Suporta
Hindi naglaon at sumapit ang gabi, at perpektong okasyon iyon para handugan ng pagmamahal at suporta si Manon. “Siyempre pa, napakasarap ng pagkain,” sabi ni Aiolah. “Nasa France kasi tayo!”
At tulad ng inaasahan, ang pagtatanghal—na tinatawag na spectacle sa French—ay naging kasiya-siya. Ang mga palaro, kanta, at sayaw ay nagpasaya sa mga manonood. Pagkatapos ay kumanta ang mga kabataang babae, sa pinagsama-samang koro, na naging tampok sa pagtatanghal. Inihandog nila ang isang awitin kay Manon, isang awiting isinulat at kinatha mismo ni Emma. Ang mga titik sa koro ang nagpahayag ng pagmamahal at suportang nais ipadama ng lahat kay Manon:
Huwag sumuko,
Tiwala kami sa ’yo,
’Wag limutin kung sino ka,
Tiwala kami sa ’yo.
Nang kantahin ng mga kabataang babae ang awiting ito, tila gayundin ang damdaming nanaig sa puso ng mga miyembro. Tila naipahayag ng koro sa simpleng awitin ni Emma ang nadama ng mga Banal sa mga Huling Araw saanman sila naroroon—isang himno ng katapangan at habag; pamilya at mga kaibigan; pagkakaisa, pananampalataya, at pag-asa; isang walang-katapusang panalangin na naririnig sa langit.
Ang layon ng mga lider sa pag-organisa ng pagtitipon ay upang pagkaisahin ang ward. Ang paghahandog ng gabi kay Manon ay hindi lang nakatulong na maisakatuparan ang mithiing iyan kundi nagkaroon din ng nagtatagal na pagsuporta kay Manon at sa kanyang pamilya at pag-unawa na bawat anak ng Diyos ay mahalaga. “Mithiin ng Simbahan na tulungan tayong mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” sabi ni Aiolah. “Alam natin na mahal Nila tayo at na hindi tayo nag-iisa kailanman.”