Ang Mahiwagang Pitaka
Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.
“Tamang landas ay piliin, ligaya ay kakamtin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 82).
“Taya ka!” sabi ni Mandy. Tinapik niya ang nakababata niyang kapatid at saka lumangoy palayo. Nanirahan ang pamilya ni Mandy sa isang motel hanggang makalipat sila sa bago nilang tahanan. Masayang kumain ng ravioli na pinainit sa microwave para sa tanghalian. At halos araw-araw silang nakakalangoy sa pool ng motel!
Pero may isang hindi maganda sa motel. Ang opisina ng manager ng motel ay nasa ilalim mismo ng kuwarto nila, at masyadong naiingayan ang manager kay Mandy at sa kanyang mga kapatid. “Paano ko mapapaupahan ang mga kuwarto kung parang may kawan ng mga elepante sa ulunan ko?” tanong niya kay Itay.
Pagkatapos ng tanghalian tumalon ang nakababatang kapatid ni Mandy na si Aaron mula sa kama at bumagsak sa sahig nang may kalabog. Napangiwi si Mandy at tumingala kay Inay.
“Walang tatalon. Patingkayad ang lakad,” sabi ni Inay.
Pero huli na ang lahat. Tumunog ang telepono.
“Naku,” naisip ni Mandy.
Dinampot ni Inay ang telepono. Naririnig ni Mandy ang paghingi nito ng paumanhin sa manager.
Laylay ang mga balikat ni Inay pagkababa niya ng telepono. “Edward at Mandy,” sabi niya, “kailangan kong patulugin sina Aaron at Emily. Puwede ba ninyong samahan sina Kristine at Daniel na maglakad-lakad?”
Nang patawid na sila sa paradahan ng motel, may nakita si Mandy na maliit at kulay-brown na bagay si Mandy sa lupa.
Isang pitaka. At may pera!
“Tingnan mo, Edward!” sabi niya, habang itinataas ang pitaka.
“Kailangan nating dalhin ito kaagad sa opisina ng manager,” sabi ni Edward.
Kinabahan si Mandy. Bakit kailangan nilang dalhin iyon ngayon mismo? Hindi ba puwedeng si Inay o si Itay ang magbalik nito mamaya?
Pero alam ni Mandy ang tamang gawin.
Binuksan ng mga bata ang pintuan ng opisina at nahihiyang pumasok. Sumimangot ang manager. “Um, nakita po namin ang pitakang ito sa paradahan,” sabi ni Mandy. Nanginginig ang kamay niya nang ipatong niya ang pitaka sa mesa.
Isang lalaking nakatayo sa tabi ng mesa ang tumingin. “Akin ’yan,” sabi nito. Agad niyang tiningnan ang loob ng pitaka. “At walang nawala. Salamat, mga bata!”
Tumingin si Mandy sa manager. Hindi na ito nakasimangot, at nagniningning ang mga mata nito.
Nang lisanin nila ang opisina, itinanong ni Daniel, “Mahiwaga ba ang pitakang iyon?”
“Bakit mo naisip na mahiwaga iyon?” tanong ni Edward.
“Kasi napasaya nito ang sumpunging lalaki!”
Umiling si Edward. “Hindi mahiwaga ang pitaka,” sabi niya. “Masaya siya kasi ginawa natin ang tama.”
Maganda ang pakiramdam ni Mandy. Hindi niya akalain na ang pagpili ng tama ay masyadong magpapasaya sa tao.
Ilang araw pagkaraan, nagbayad ng bayarin sina Mandy at Itay para sa buong linggo. Nginitian ng manager si Mandy. Minsan lang ito tumawag simula nang matagpuan nila ang pitaka, at para lang sila pasalamatan sa pagiging matapat. Pakiramdam ni Mandy ay nagkaroon siya ng bagong kaibigan.
“Mahiwaga talaga ang pagpili ng tama,” naisip ni Mandy. Kumaway siya bilang pamamaalam, at kumaway rin ang manager. “At hindi naman pala siya sumpungin talaga.”