2017
Daan Patungong Sion
July 2017


Ang Daan Patungong Sion

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

The Way to Zion
The Way to Zion 2

Richmond, Missouri, Hunyo 2, 1862

“Mary, ano’ng nakikita mo?” mahinang sabi ng maysakit na madrasta ni Mary habang nakahiga sa kama.

“Parang papalapit na po ang labanan,” sabi ni Mary, na nakatanaw sa bintana. Ilang milya lang ang layo ng labanan noong American Civil War mula sa bahay nila. Umaga pa lang ay dinig na ang mga putok ng baril sa paligid. Tumingin si Mary sa kanyang madrasta. “Sori po. Palagay ko hindi tayo makakalabas ng bahay para tumawag ng doktor.”

“Halika rito.” Naupo si Mary sa tabi ng kama at inabot ang kamay ng kanyang madrasta. “Alam kong hindi pa magaling ang tatay mo,” mahinang sabi ng madrasta ni Mary, “pero kailangan mong dalhin ang pamilya sa Sion—ang kapatid mong lalaki, ang kapatid mong babae, at ang kambal. Huwag mong hayaang mapanatag ang tatay mo hangga’t hindi siya nagpupunta sa Rocky Mountains! Ipangako mo!”

Alam ni Mary kung gaano kagusto ng kanyang pamilya na magpunta sa Salt Lake City. Matapos marinig ang ebanghelyo at mabinyagan, nilisan nila ang England para sumama sa mga Banal sa Sion. Pero posible nga ba? Sumulyap siya sa tatay niya, na tahimik na nakaupo sa upuan nito. Tatlong taon na ang nakararaan, nagkaroon ng malubhang atake si Itay at naparalisa ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan.

Huminga nang malalim si Mary. “Pangako po,” bulong niya.

Hindi nagtagal at nagpikit ng mga mata ang madrasta ni Mary sa huling pagkakataon.

Isang umaga pagkaraan lang niyon, nagpasiya si Mary na oras na para sabihin sa tatay niya ang kanyang pangako. “Alam ko po na 14 lang ako,” sabi niya, “pero kailangan ko pong dalhin ang pamilya natin sa Sion.” Narinig niyang gumising ang kambal. “Kailangan ko na pong magluto ng almusal,” sabi niya. “Pero pag-isipan po sana ninyo ito.”

Pagkaraan ng ilang araw, tinawag ni Itay ang pangalan ni Mary. “Maayos na ang lahat,” sabi niya. Bulol pa rin siyang magsalita dahil sa atake. “Naibenta ko na ang lupain natin at ang minahan ng karbon kaya makakabili na tayo ng isang bagon, ilang kapong baka, babaeng baka, at ilang gamit. May isang grupo ng mga bagon na malapit nang umalis patungong Kanluran. Hindi sila mga Banal sa mga Huling Araw, pero puwede tayong sumabay sa kanila hanggang Iowa. Pagdating natin doon, puwede na tayong sumama sa isang pangkat ng mga Banal patungong Salt Lake Valley.”

Niyakap siya ni Mary. “Maraming salamat po, Itay!” Hindi magtatagal at pupunta na sila sa Sion!

Mabilis na lumipas ang mga araw habang inihahanda ni Mary ang kanyang pamilya sa kanilang mga paglalakbay. “Magiging maayos ang lahat,” sabi niya sa sarili. “Hindi magtatagal at nasa Sion na kami.”

Pero nagkasakit si Itay. Sa paglaylay ng bibig nito sa isang panig, natakot si Mary na baka inatake itong muli.

“Masyadong malala ang sakit niya para maglakbay,” sabi niya sa lider ng pangkat ng mga bagon. “Kailangan lang namin ng ilang araw para makapagpalakas siya.”

“Hindi kami makapaghihintay,” mabilis na sabi ng lalaki. Nang makita nito ang mukha ni Mary, bumaba ang tono ng boses nito. “Puwede kayong manatili rito hanggang handa na siyang maglakbay, at saka kayo humabol sa amin.” Dahil wala nang ibang pagpipilian, pumayag si Mary.

Isang linggo kalaunan, muling inihanda ni Mary ang kanyang pamilya para maglakbay. “Maaaring sumakay ang kambal at si Sara sa mga kapong baka,” sabi niya kay Jackson, ang siyam-na-taong-gulang na kapatid niyang lalaki. “Maaaring sumakay si Itay sa bagon, at matutulungan mo akong palakarin ang mga baka.”

“Natatakot ako,” mahinang sabi ni Sarah. Anim na taon pa lang siya noon, at napakaliit niyang tingnan sa malapad na likod ng baka. Dilat na dilat na napatingin ang apat-na-taong-gulang na kambal kay Mary.

“Bilisan lang natin para maabutan natin ang ating grupo!” sabi ni Mary na pilit na nagsasaya.

Matagal na naglakbay ang pamilya Wanlass, ilang milya, pagkatapos ay ilang araw. Sa huli, tinanggap na rin ni Mary ang katotohanan.

Hindi sila hinintay ng pangkat ng mga bagon. Kailangang maglakbay si Mary at ang kanyang pamilya patungong Sion nang walang kasama.

Ang Platte River, Nebraska, 1863

“Hooo, hooo!” Hinaltak ni Maria ang mga tali, at bumagal ang lakad ng mga baka. “Ayos lang ba kayong lahat?” Tiningnan niya ang tatlong bunso niyang kapatid, na nakasakay sa likod ng mga baka. Tumango sila.

Nasa harap nila ang Platte River, malawak at maputik. “Ano na?” tanong ng nakababata niyang kapatid na si Jackson. Siyam na taon lang siya, pero tinulungan niya si Mary na palakarin ang mga baka. Nakahiga si Itay sa likod ng bagon, na maysakit pa rin dahil sa kanyang atake.

“Hindi natin kailangang tawirin ang ilog,” sabi ni Mary. “Pero puwede nating sundan ito.” Walang daan patungong Sion, pero dapat nilang gaygayin ang ilog patungong kanluran. “Hiya!”

Hindi alam ni Mary na naglakbay ang mga Mormon pioneer sa kabilang panig ng Platte River at iba ang dinaanan. Dahil hindi nila tinawid ang ilog, napasok sila sa Teritoryo ng mga Indian. Wala silang makikitang iba pang grupo ng mga bagon sa kanilang paglalakbay.

Patuloy silang naglakbay. Makalipas ang ilang linggo, may nakita si Mary na papalapit na makapal na alikabok. “Hooo,” bulong niya sa mga baka at sa sarili. “Hooo.”

Napawi ang alikabok at nakita niya ang isang maliit na grupo ng mga Indian na nakakabayo. Lumapit ang isa sa mga ito sa likod ng bagon, kung saan nakahiga si Itay.

Mukhang mabait ang Indian. “Maysakit siya?” tanong nito, habang nakaturo kay Itay.

“Opo,” bulong ni Mary. May isinigaw ang lalaki sa sarili nitong wika, at nag-alisan ang mga lalaki nang simbilis ng kanilang pagdating.

Tumingin si Mary sa araw na nasa kalangitan. “Hihinto tayo rito,” sabi niya kay Jackson. Binuhat at ibinaba niya sina Sarah at ang kambal.

“Mary, tingnan mo!” sabi ni Jackson. Papunta sa kanila ang lalaking mukhang mabait, na may bitbit na mabigat.

“Pato,” sabi nito. “At kuneho. Para sa inyo.” Napatitig na lang si Mary, hindi makaimik, nang ibaba nito ang patay na mga hayop sa mga kamay niya. Isa pang tango, at humayo na ito sa direksyon ng palubog na araw.

“Pagkain!” sigaw ni Mary. “Karne!” Tunay na isang himala ang ipinagkaloob ng lalaki.

May iba pang mga himalang nangyari sa kanilang paglalakbay. Isang pulutong ng mga kalabaw ang lumapit sa kanila ngunit pagkatapos ay pinaikutan ang bagon sa magkabilang panig. Tinangay ng bagyo ng alikabok ang isa sa kambal papunta sa ilog, ngunit nailigtas siya ni Mary.

Subalit mahirap pa rin ang paglalakbay. Araw-araw ay mukhang mas sira ang bagon, at mukhang mas pagod ang mga baka. Matarik at mabato ang lupa. Mahirap bagtasin ang kabundukan. Ngunit patuloy na naglakbay si Mary at ang kanyang pamilya.

Pababa na sila mula sa isang mataas na bundok nang makita ni Mary ang isang lalaking papalapit sa kanila na sakay ng isang bagon.

“Siguro maituturo niya sa atin ang daan patungong Lehi, Utah!” sabi niya kay Jackson. May tiyo sila na nakatira doon.

“Nasa Echo Canyon kayo, di-kalayuan sa Salt Lake Valley,” sabi ng lalaki nang tanungin niya ito kung nasaan na sila. “Pero nasaan ang mga kasama ninyo?”

Ikinuwento nila ang lahat, at namamanghang nakinig ang lalaki. “Nakapaglakbay kayo nang mahigit 1,000 milya (1,609 km) nang kayo lang?” Napailing ito nang may paghanga. “Matapang kang bata. Ituturo ko sa iyo ang daan papuntang Lehi. Malapit na kayo.”

“Malapit na,” bulong ni Mary sa sarili habang gumuguhit ang lalaki ng mapa sa lupa. Malapit na sa Sion. “Palagay ko makakarating na rin tayo sa wakas.”

Nakarating si Mary at ang kanyang pamilya sa Lehi, Utah. Kalaunan ay ikinasal siya at nagkaroon ng sarili niyang malaking pamilya. Ang kanyang halimbawa ng pananampalataya at katapangan ay nagpala sa maraming tao.