Ang Tunay na Himala
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang kamay ng Panginoon ay malinaw na nakita hindi lamang sa paggaling ni Paola kundi maging sa pagbabalik-loob ng kanyang ama sa ebanghelyo.
Ang nangyari kay Paola Yáñez, ayon sa kanyang mga doktor, ay isang himala sa larangan ng medisina. Biglang gumanda ang lagay ng tinedyer na taga-Quito, Ecuador, nabigyan siya ng kanyang ama ng isa sa mga bato nito, tagumpay ang transplant operation, at nagkaroon siya ng pangalawang pagkakataong mabuhay.
Pero sabi ni Marco Yáñez, na kanyang ama, kamangha-mangha rin ang nangyari sa kanya. Natagpuan niya ang ebanghelyo, at ang pagbabagong ginawa nito sa kanyang buhay ay nagbigay rin sa kanya ng pangalawang pagkakataon.
Napinsala ang mga bato ni Paola nang magkaroon siya ng nephritis noong bata pa siya, pero nabuhay siya sa gamot na ininom niya. Gayunman, noong 15 anyos siya, lumala ang lagay niya. Hindi na gumana ang isang bato, at ang isa pa ay mabilis na lumalala. Sa kabila ng panggagamot sa tulong ng dialysis, dahan-dahang namamatay si Paola. Pinayagan siyang uminom ng isang tasang tubig lang sa isang araw, at lubhang limitado ang kanyang mga aktibidad dahil apektado na ang kanyang mga baga, lapay, at puso.
Imposibleng dalhin siya sa Estados Unidos o Cuba para sa transplant—kailangan niyang humanap ng donor sa Ecuador. Nakita sa mga pagsusuri na hindi puwedeng maging donor ang kanyang ama. Puwede ang kanyang ina, pero nalaman ng mga doktor na napakataas ng lebel ng mga pangontra [antibodies] ni Paola dahil sa dialysis kaya tatanggihan ng katawan niya ang transplant. Ipinagdasal ni Paola na kahit paano ay maligtas ang buhay niya.
Sa puntong ito, noong Hunyo 1988, kumatok ang mga Latter-day Saint missionary sa pintuan ng pamilya Yáñez. Nagunita ng ina ni Paola na si Carmen na pinapasok niya sila para tuyain. Nang sabihin nila sa kanya ang isang mensahe na makakatulong sa kanya, pagalit niyang sinabi, “Paano ninyo ako matutulungan samantalang nag-aagaw-buhay ang anak ko? Hindi ako naniniwala na mayroong Diyos!”
Sa kabila ng unang pagkainis ni Carmen, patuloy na binisita ng mga missionary ang pamilya. Noong una pakiramdam ni Marco ay masyado siyang tutok sa pag-aasikaso sa anak niya para pansinin ang mga missionary. Ngunit sa huli ay nakinig siya, para mag-usisa. Nalaman niya na may sagot sila sa kanyang mga tanong tungkol sa layunin ng buhay.
Hindi naniwala si Marco sa isang personal na Diyos. Para sa kanya, ang Diyos ay pinagmumulan ng lakas para sa lahat o isang malaki at malayong nilalang na walang pakialam sa mga tao. Ngunit noong malalang-malala na ang lagay ng kanyang anak, nanalangin siya, at hiniling sa Diyos na pagalingin ang kanyang anak o kunin na ito. Ipinagdasal niya, “Kung nariyan Kayo, ipaalam po ninyo sa akin. Buhayin po Ninyo ang anak ko.”
Kasunod ng kanyang panalangin, damang-dama ni Marco na magbabago ang lagay ni Paola. Sinabi niya sa mga doktor na suriin siyang muli at ang kanyang anak. Sinabi nila sa kanya na pagsasayang lang ng oras ang pagsusuri, pero pumayag silang gawin iyon.
Nalaman nila na si Marco ay talagang akmang maging donor—at gumanda nang sapat ang lagay ni Paola para makayanan niya ang transplant!
Sa araw bago ang operasyon, tumanggap ng basbas ng priesthood sina Marco at Paola mula sa mga missionary.
Inasahan nina Marco at Paola na matagal ang paggaling nila sa ospital matapos silang operahan. Pero nakalabas si Marco makalipas ang limang araw, at nakalabas naman si Paola, na umasang manatili nang dalawang buwan, pagkaraan lamang ng 13 araw. Ipinalagay ni Marco na mabilis silang gumaling dahil sa mga basbas ng priesthood, at alam niya na kailangan niyang seryosohin ang mensahe ng mga missionary.
Sina Marco at Carmen Yáñez ay nabinyagan noong Setyembre 11, 1988. Si Paola naman, na naturuan na ng mga missionary bago inoperahan, at ang nakababata niyang kapatid na si Patricia, ay kapwa nabinyagan noong Nobyembre 3. Sa panahong iyon ay natanggap na ng kanilang ama ang Aaronic Priesthood at siya ang nagbinyag sa kanila.
Naniniwala si Brother Yáñez na sinagot ng Panginoon ang kanyang panalangin at tinulutan siyang maging donor ni Paola para baguhin ang kanyang puso. “Kung ang asawa ko ang inoperahan nila sa halip na ako, naniniwala ako na hindi magbabago ang buhay ko,” sabi niya. Hindi ito ang buhay na maipagmamalaki niya—pag-inom, paninigarilyo, at pagsusugal. Dinaig niya ang kanyang mga adiksyon, sabi niya, dahil sa natanggap niyang mga sagot sa kanyang mga dalangin. Pero napakahirap; kinikilala niya na Diyos lamang ang nakatulong sa kanya na magbago.
Sabi ni Brother Yáñez may malakas na patotoo na siya tungkol sa Word of Wisdom at sa batas ng ikapu. Noong tinuturuan siya ng mga missionary, bukas ang tindahan niya nang pitong araw sa isang linggo para mabayaran ang pagpapagamot ni Paola na U.S. $1,000 kada buwan. “Hirap na hirap akong tanggapin” ang batas ng ikapu, wika niya, pero nagpasiya siya na panatilihing banal ang araw ng Sabbath at subukan ang pangako sa Malakias 3:10 sa pagbabayad ng ikapu. Nang magsara na siya ng tindahan tuwing Linggo, sabi niya, “ang mga dating bumibili tuwing Linggo ay Sabado na bumili—at mas marami silang binili.” Mas malaki na ang kita niya ngayon kaysa noong bukas ang tindahan niya nang pitong araw sa isang linggo.
Kapag ginugunita ito ni Marco Yáñez, nagugulat siya sa mga pagbabago sa sarili niya. Kinikilala niya na ang kanyang mga pagsamo na mabuhay ang kanyang anak ay nagpalago sa espirituwalidad ng buong pamilya na hindi niya inakalang posible.