Pagkatutong Makinig: Ang mga Unang Branch sa South Africa na Magkakasama ang Iba’t Ibang Lahi
Nangilid ang luha sa mga mata ng 56-na-taong-gulang na si Frans Lekqwati habang nakaupo sa tapat ni Olev Taim, na kanyang stake president. Katatanong pa lang sa kanya ni President Taim kung ano ang opinyon niya tungkol sa pagbubuo ng isang branch ng Simbahan sa bayang-sinilangan ni Frans sa Soweto, South Africa.
“Bakit ka umiiyak?” Nagdamdam ka ba?” tanong ni President Taim.
“Hindi po,” sagot ni Frans. “Ngayon lang po kasi nangyari sa South Africa na hiningan ako ng opinyon ng isang puti bago siya magdesisyon.”
Buhay sa Ilalim ng Pamamahala ng Apartheid
Ang taon ay 1981. Noong panahong iyon, ang mga itim at mga puti sa South Africa ay magkabukod sa sistema ng batas na kilala bilang apartheid. Ang legal na pagbubukod na ito, pati na ang pagbabawal ng Simbahan na iorden sa priesthood ang itim na kalalakihang African, ay matagal na nangahulugan na hindi uunlad ang Simbahan sa mga itim na South African. Sumilay ang bagong pag-asa noong 1978 nang matanggap ni Pangulong Spencer W. Kimball ang paghahayag na alisin na ang pagbabawal sa priesthood, ngunit nanatili ang mga hamon ng pagbubukod at kultura ng pagdududa sa pagitan ng mga lahi.
Karamihan sa mga itim na South African ay nakatira sa mga township, na karaniwa’y nakatayo sa labas ng bayan sa mga lungsod na puro puti ang naninirahan gaya ng Johannesburg. Ang Soweto, maikling tawag sa South Western Townships, ang pinakamalaki. Ang mga puti ay bihirang magpunta sa mga township, at ang itim na mga tao na nagpunta sa mga lungsod ay bihirang tratuhin nang parehas ng mga puti.
Si Frans at ang kanyang pamilya ay bahagi ng isang maliit na grupo mula sa Soweto na tumanggap sa ipinanumbalik na ebanghelyo noong 1970s. Noong una ay dumalo sila sa Johannesburg Ward. Naalala ng anak na lalaki ni Frans na si Jonas na gumigising ang pamilya nila nang alas-4:00 n.u. tuwing Linggo para maabutan ang isang tren na maagang nagbibiyahe patungong Johannesburg at pagkatapos ay naglalakad sila nang mahaba papuntang chapel bago magsimula ang samba nang alas-9:00 n.u. Laging maaga ang pamilya—bagama’t kung minsan ay hirap manatiling gising ang mga bata sa Primary!
Ang pagiging pioneer sa magkakasamang iba’t ibang lahi ay maaaring isa ring hamon sa damdamin. Naalala ni Josiah Mohapi na naulinigan niya na may sinabing masakit ang isang anim-na-taong-gulang na batang lalaking puti tungkol samga itim na nakasalubong niya sa Simbahan. “Ang totoo, nag-init ako,” paggunita ni Josiah. Pero narinig niyang sinabi ng ina sa kanyang anak, “Ang Simbahan ay para sa lahat.” Napanatag sa paalalang iyon, kumalma si Josiah.
Isang Branch sa Soweto?
Batid ni President Taim ang pisikal at emosyonal na mga hamon na nakaharap ng mga miyembrong itim. Naisip niyang magsimula ng isang branch sa Soweto para mas madali silang makarating pero ayaw niyang madama nila na hindi sila tanggap sa Johannesburg. Nagpasiya siyang interbyuhin ang mga miyembro sa Soweto na kagaya ni Frans para malaman ang damdamin nila bago siya kumilos. Malinaw ang sagot nila sa kanya: “Gusto naming itatag ang Simbahan sa Soweto.”
Tinukoy ni President Taim ang bihasang mga lider na makakapagturo sa mga bagong binyag. Nag-interbyu siya ng mahigit 200 miyembro sa Johannesburg at sa huli ay tumawag ng 40 na sasama sa bagong branch nang sapat na panahon para sanayin ang nangunang grupo ng mga lokal na lider doon.
Tulad noong tumawid ang mga miyembrong itim sa ibang bahagi ng bayan at ibang kultura para dumalo sa Johannesburg Ward, kinailangang umakma ng mga miyembrong puti sa bagong kapaligiran at kultura nang maglingkod sila sa Soweto. Hindi palaging naging maayos ang lahat. Binalewala ito ni Maureen van Zyl, isang miyembrong puti na natawag na maglingkod bilang Primary president, nang mapili ang pambansang awit ng South Africa noon bilang pambungad na awitin sa Relief Society meeting sa linggong iyon. Gayunman, di-nagtagal ay nalaman niya na itinuturing ng mga itim na South African ang awit bilang simbolo ng apartheid at na maraming babaeng itim ang nagdamdam sa pagpili sa awitin.
Madali sanang nanghina kapwa ang mga miyembrong itim at miyembrong puti sa gayong mga di-pagkakaunawaan, ngunit sa halip ay pinili nilang ituring na pagkakataon ito na mag-usap-usap at umunlad. “Nagbahaginan kami ng lahat ng bagay,” pag-alaala ni Maureen. “Bilang mga itim, kung ano ang makakasakit sa kanilang damdamin at bilang mga puti, kung ano ang makakasakit sa aming damdamin. Kung paano nila ginawa ang ilang bagay at paano namin ginawa ang ilang bagay. Kaya magandang pagkakataon iyon para sama-samang matuto.”
Nang tumatag at lumaki ang branch sa Soweto, nagsimula ng mga branch sa iba pang mga township gamit ang ganito ring huwaran. Si Khumbulani Mdletshe ay isang kabataang lalaki na nakatira sa KwaMashu township malapit sa Durban. Nang sumapi siya sa Simbahan noong 1980, dala niya ang mga ideya ng mga puti na karaniwan sa lahat halos ng kabataang itim sa South Africa noong panahong iyon. Ngunit nagbago ang kanyang pananaw dahil sa kanyang mga karanasan sa pagsamba sa isang branch na magkakasama ang iba’t ibang lahi.
Ang Pandikit na Nagbibigkis sa mga Tao
Noong 1982, inanyayahan si Khumbulani at ang ilang kabataang lalaki sa kanyang branch na dumalo sa isang kumperensya para sa mga young single adult. Gusto ng kanyang branch president, isang brother na puti na nagngangalang John Mountford, na maging maayos ang pananamit ng mga kabataang lalaki, bagama’t kakaunti lang sa kanila ang may magandang damit. Kinuha niyang lahat ang laman ng aparador niya, at ipinamahagi ang mga amerikana sa mga kabataang lalaki, na isinuot nila sa kumperensya. Nang sumunod na Linggo, isinuot ni President Mountford ang amerikanang ipinahiram niya kay Khumbulani. “Hindi ko maisip na isusuot ng isang puti ang damit na naisuot ko na,” paggunita ni Khumbulani, “pero hayun at suot niya. Sinimulan niyang tulungan ako na maiba ang tingin ko sa mga puti kaysa rati.”
Ngayong Area Authority Seventy na siya, naobserbahan ni Elder Mdletshe, “Kinailangan nating lahat na maranasan ito sa buhay para magbago tayo.”
Nagwakas ang apartheid sa South Africa noong 1994. Kahit maraming kongregasyong umiiral ngayon sa mga lugar na halos puro itim o puro puti, ang ibig sabihin ng mas malaking kalayaan ay dumarami ang mga lugar na magkakasama sila. Gaya ng mga pioneer sa mga unang branch sa mga township, sumasamba at nagtutulungan ang mga miyembrong iba’t iba ang pinagmulan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Inilarawan ng kasalukuyang Soweto stake president na si Thabo Lebethoa ang ebanghelyo bilang isang pandikit na nagbibigkis sa mga tao sa panahon ng paghihiwalay. “Maaaring hindi tayo nagkasundo sa mga bagay na nangyayari noon sa labas ng simbahan, sa pulitika at iba pang mga bagay,” pagpuna niya, “ngunit nagkasundo tayo sa doktrina.” Mula sa iisang pundasyong iyan, matututo ang mga tao sa mga pagkakaiba ng isa’t isa habang nagsasanggunian silang mabuti at nakikinig nang may espirituwal na pagkasensitibo. “Isa sa pinakamahahalagang bagay tungkol sa pamumuno ay ang makinig sa mga tao,” ang payo ni President Lebethoa. “Makinig para makaunawa kayo. Makinig para makadama kayo. Makinig para makatanggap kayo ng inspirasyon.”
Sang-ayon si Thoba Karl-Halla, anak na babae ng naunang miyembro ng Soweto Branch na si Julia Mavimbela, na nakakatulong ang pakikinig para hindi mauwi sa masakit na paghihiwalay ang di-maiwasang pagtatalo. “Dapat akong makinig sa paraan na mauunawaan ko ang mga kabiguan ng tao na malamang na makasakit sa damdamin ko,” sabi niya.
Hinimok ni Elder Mdletshe ang mga Banal sa South Africa ngayon na makasumpong ng lakas sa kanilang pagkakaiba-iba, lalo na sa mga council setting. “Magugustuhan iyan ng Panginoon,” pagpuna niya, “na umupo ang mga taong iba’t iba ang katayuan sa buhay sa paligid ng mesa at pag-usapan nila ang mga problema.” Ang panawagan niya sa mga lokal na lider sa buong Simbahan ay patuloy na palakasin ang mga lider na iba’t iba ang pinagmulan, tulad ng pagsuporta sa kanya ng nakaraang henerasyon. Sa pagsisikap na marating ang mga bagong lugar at bagong grupo, sinabi niya, “wala kayong makikitang mga taong may karanasan. Subalit magkakaroon kayo ng mga karanasan sa Simbahan. Magkakaroon kayo ng mga karanasan kapag binigyan ninyo ng tungkulin ang mga tao at pinagtulung-tulong ninyo sila.”