Desideria Yáñez: Isang Pioneer sa Kababaihan
Matapos ang isang panaginip na umakay sa kanya sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ang naunang Banal sa mga Huling Araw mula sa Mexico ay naging isang matatag na pioneer ng Simbahan.
Isang gabi noong mga unang taon ng 1880, natulog si Desideria Yáñez sa isang komportableng bayan sa kaburulang naliligiran ng cactus sa Nopala, Mexico. Sa panaginip, nakita niya ang isang polyetong pinamagatang Voz de Amonestación (Tinig ng Babala) na magpapabago sa kanyang buhay at tutulong sa kanya sa espirituwal. Nang magising siya, alam niya na ang mga lalaking naglalathala ng polyeto ay nasa Mexico City.1 Natanto rin niya na imposibleng lakbayin niya ang 75 milya (120 km) patungong lungsod, ngunit determinado siyang sundin ang mga paramdam ng panaginip at makahanap ng solusyon.
Ang Pananampalataya ng Isang Pamilya
Ikinuwento ni Desideria ang kanyang panaginip sa kanyang anak na si José. Naniwala ito sa kanya at naglakbay patungong Mexico City sa halip na siya. Sabik siyang nagsimulang makipag-usap sa mga tao at kalaunan ay nakilala ang miyembro ng Simbahan na si Plotino Rhodakanaty, na pinapunta siya sa Hotel San Carlos.2
Sa hotel, nakita ni José si Elder James Z. Stewart na itinatama ang manuskrito ni Parley P. Pratt na Voz de Amonestación, na siya ring polyetong nakita ni Desideria sa panaginip. Matapos kausapin ni José si Elder Stewart tungkol sa panaginip ni Desideria, binigyan ng missionary si José ng ilang iba pang polyeto ng Simbahan, dahil hindi pa tapos ang Voz de Amonestación, at isinulat ni Elder Stewart ang nakatutuwang pag-uusap nila sa kanyang journal.3
Maraming maalikabok na milya kalaunan, nagbalik si José sa kanyang ina. Nang malaman na totoo ang polyeto, nalaman ni Desideria na totoo nga ang panaginip. Binasa niya ang mga polyetong dinala ni José sa kanya, at ang naroong mahahalagang turo ng ebanghelyo ay umantig sa kanyang kaluluwa. Ginusto niyang magpabinyag.
Natagpuan ng Isang Missionary
Dahil tinatapos pa ni Elder Stewart ang Voz de Amonestación, pinapunta si Elder Melitón Trejo, isang missionary mula sa Spain, sa Nopala para hanapin sina Desideria at José. Noong Abril 22, 1880, bininyagan ni Elder Trejo sina Desideria Quintanar de Yáñez, José Maria Yáñez, at ang anak ni José na si Carmen. Si Desideria ang ika-22 taong bininyagan sa Mexican Mission at ang unang babae sa gitnang Mexico.4
Kalaunan sa buwang iyon, muling bumisita si José sa Mexico City at umuwi na may dalang 10 kopya ng Voz de Amonestación. Sa wakas ay nakita rin ni Desideria ang polyetong nakita niya sa panaginip. Para sa kanya ang polyeto ay pisikal na paalala kung paano siya personal na tinulungan at inakay ng Panginoon sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang Unang Aklat ni Mormon sa Wikang Espanyol
Sa edad na 72, nalaman ni Desideria na lumalala ang lagay niya. Pagsapit ng 1886 naratay siya sa kanyang munting tahanan sa San Lorenzo malapit sa Nopala. Isang nakakatakot na gabi, pinasok ng mga magnanakaw ang bahay niya, binugbog siya, at tumakas na may tangay na $3,000.5 Nakaligtas si Desideria. Sa halip na mawalan ng pag-asa, naghintay nang may pananampalataya si Desideria sa tulong ng Panginoon. Nalaman na niya sa kanyang panaginip na batid ng Panginoon ang kanyang sitwasyon.
Pagkatapos noong Oktubre 1886, isang Apostol at dalawang mission president ang bumisita nang di-inaasahan sa lugar. Ikinuwento ni José Yáñez sa kanila ang pagdurusa ng kanyang ina. Agad nagpunta ang mga kapatid sa bahay ni Desideria. Tuwang-tuwa si Desideria na makilala si Elder Erastus Snow ng Korum ng Labindalawang Apostol at nagpatong ito ng mga kamay sa kanyang ulo para sa basbas ng priesthood.
Sa pagbisita ng mga kapatid, sinorpresa ng bagong mission president na si Horace Cummings si Desideria sa mahalagang balita. Sinabi nito sa kanya na ang unang pagsasalin ng buong Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol ay malapit nang matapos sa Salt Lake City. Agad humiling si Desideria ng kopya ng parating na banal na kasulatan.
Isang buwan pagkaraan, bumalik si President Cummings sa bahay ni Desideria na may dalang isang kopya. Tungkol sa karanasan, isinulat niya: “Binisita ko ang matandang si Sister Yáñez, isang lumpo, at binigyan ko siya ng isang Aklat ni Mormon na wala pang balat kaya ako nagpadala niyon sa Utah. Iyon ang una sa wikang Espanyol na natanggap sa Mexico. … Tila labis siyang nasiyahan dito.”6 Ito ang huling pagbisita ng isang missionary kay Desideria noong nabubuhay pa siya.
Nakabukod ngunit Hindi Nalimutan
Noong 1889, 10 taon lang matapos dumating ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa gitnang Mexico, nahikayat ang mga lider ng Simbahan na gamitin ang limitadong yaman ng Simbahan sa pagtatatag ng mga kolonya sa hilagang Mexico. Pakiramdam ng mga miyembrong malapit sa Mexico City, mga 1,000 milya (1,600 km) mula sa mga kolonya, ay para silang mga tupa na walang pastol nang magpunta ang mga missionary sa hilaga. Bagama’t nakapaligid pa sa kanya ang kanyang pamilya, alam ni Desideria na kailangan nilang ipamuhay ang ebanghelyo nang hiwalay. Ibig sabihin nito ay hindi siya makakasapi kailanman sa Relief Society o makatatanggap ng mga pagpapala ng templo habang siya’y buhay.
Ngunit naunawaan niya na kilala siya ng Panginoon. Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, ipinaalam ng Panginoon ang Kanyang hangarin na isa-isang paglingkuran ang Kanyang kawan. Dahil sa kanyang panaginip, sa basbas ng priesthood, at sa Aklat ni Mormon, mapapatotohanan ni Desideria ang kanyang lubos na katiyakan na nagmamalasakit ang Diyos sa kanyang mga espirituwal at temporal na pangangailangan. Bagama’t hindi nahadlangan ng kaalamang ito na magkaroon siya ng mga pagsubok at hamon sa buhay, nagtiwala naman siya na laging pagagaanin ng Panginoon ang kanyang mga pasanin.
Isang Walang-Maliw na Pamana
Noong 1903, bumalik ang mga missionary sa katimugang Mexico sa unang pagkakataon simula noong 1886. Kinausap nila si José, na ikinuwento ang pagtitiis ni Desideria hanggang wakas at pamana ng pananampalataya sa pagsasabi na ang kanyang asawa at ang kanyang ina ay “namatay na lubos na nananalig sa Mormonismo” at na “inaasam niyang mamatay na nananalig sa Mormonismo.”7
Matapos matupad ang kanyang panaginip, nagsimulang tumahak si Desideria sa landas ng ebanghelyo, at naging Latinang pioneer ng Simbahan. Hindi nasayang ang binhi ng pananampalatayang naitanim ng isang panaginip noong 1880; umusbong ito nang magpabinyag si Desideria at magtiis sa kanyang mga pagsubok nang may pananampalataya. Mabilis sanang naglaho ang pananampalataya ni Desideria nang ipamuhay ng kanyang pamilya ang ebanghelyo nang hiwalay sa iba pang mga miyembro ng Simbahan, ngunit nagtiis siya. Alam niya na nagmamalasakit at nagbabantay ang Diyos sa munting bahagi niya sa mundo.
Bagama’t hindi siya makaalis ng bahay, naging halimbawa siya ng pananampalataya, kasigasigan, pagsunod, at katatagan hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa bawat isa sa atin na naghahangad na ipagpatuloy ang sigla ng isang pioneer.