Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Napanatag Matapos Makunan
Noong labingwalong linggo na ang pang-apat kong pagdadalantao, nagising ako na may kaunting pagdurugo. Kinabahan ako nang hindi tumigil ang pagdurugo, kaya’t nagpasiya akong pumunta sa emergency room.
Sa mahabang biyahe patungong ospital, inasam at ipinagdasal ko na maging maayos ang lahat. Ang pinakamasama, akala ko papayuhan ako ng doktor na magpahinga nang ilang araw.
Nang ipasok ako sa ospital, nagsagawa ng ilang pagsusuri ang mga empleyado roon. Nalaman nila na hindi tumitibok ang puso ng sanggol. Lumabas sa pagsusuri na “namatay ang sanggol sa sinapupunan.” Wala nang magawa ang doktor sa puntong iyon, kaya pinalabas na niya ako ng ospital.
Umuwi akong malungkot at takot. Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Paggising ko kinaumagahan, nahikayat akong magpunta sa isang early-morning endowment session sa templo.
Bago natapos ang sesyon, natuon ang tingin ko sa wedding ring at engagement ring na nakasuot sa aking palasingsingan. Pag-aari ang mga iyon ng aking lola-sa-tuhod kung kanino isinunod ang pangalan ko. Pumanaw siya noong ako ay limang taong gulang, at kamakailan lang ay binasa ko ang kuwento ng kanyang buhay. Naalala ko na maraming ulit siyang nakunan noong nasa 20s ang edad niya.
Buong umaga kong pinaglabanan ang mga luha ng kalungkutan at takot, ngunit sa sandaling iyon, nakadama ako ng kapayapaan. Napanatag ako. Nagdaan din ang aking lola-sa-tuhod sa ganitong mga pagsubok sa buhay niya, at natulungan siya ng Tagapagligtas. Nakadama ako ng katiyakan na tutulungan Niya rin ako.
“Dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).
Lubos akong nagpapasalamat sa kapayapaang nagmumula sa pagdalo sa templo, sa isang pamana ng matatapat na ninuno, at higit sa lahat, sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo.