2017
Ang Paglalakbay Ninyo Bilang Pioneer—Totohanan, Hindi Kunwa-kunwarian
July 2017


Ang Paglalakbay Ninyo Bilang Pioneer—Totohanan, Hindi Kunwa-kunwarian

Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw ay pagiging isang pioneer.

teens wearing paper doll pioneer clothes

Mga paglalarawan ni Brooke Smart

Mga larawan ng trek sa kagandahang-loob ni Aaron West

Noong bata pa ako, paminsan-minsan ay nagkunwari akong sikat na manlalaro ng isports. Nagkunwari akong nakakalipad. Nagkunwari akong isang higante. Masaya ako sa buhay ko, kahit pandak ako, hindi makalipad, at kakaunti ang kakayahan ko bilang atleta. Pero masayang magkunwari. Nasiyahan akong makaranas ng isang bagay na kakaiba, kahit sa isip ko lang. Palagay ko iyan ang dahilan kaya maraming taong gustong magkunwari.

Patungkol sa pagkukunwari, mahilig tayong mga Banal sa mga Huling Araw na sumama sa mga pioneer trek. Nagsusuot tayo ng damit-pioneer (kunwari). Naghahatak tayo ng mga handcart (kunwari). Kumakain tayo ng mga pagkaing pioneer (pero kunwari lang). Nagsisikap tayo nang husto na magkunwaring mga pioneer. Ang nakakatuwa ay hindi natin kailangang magkunwari. Mga pioneer na tayo.

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw ay pagiging isang pioneer, sapagkat ang kahulugan ng pioneer ay ‘isang taong nauna upang ihanda o buksan ang daang susundan ng iba.’”1 Itinuro na sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson, sa kanyang mga salita at gawa, kung paano maging tunay na mga pioneer:

“Sinusundan natin ang mga yapak ng pinakadakilang Pioneer—maging ang Tagapagligtas—na nanguna upang ipakita sa atin ang daang dapat tahakin.

“‘Pumarito ka, sumunod ka sa akin,’ ang paanyaya Niya.”2

Pumarito ka, sumunod ka sa akin. Ang mga simpleng salitang ito ay makakatulong sa atin na maging tunay na mga pioneer.

Tingnan natin ang mga salitang ito mula sa pananaw ng ilang makabagong pioneer na sumama kamakailan sa isang stake pioneer trek.

“Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin”

Taylor A.

Ang salitang pumarito ay isang paanyaya. Nagpapahiwatig ito ng paglipat sa ibang lugar mula sa isang lugar. Alam na alam ni Taylor A. ang kahulugan ng salitang ito.

Si Taylor ay matalino, masayahin, at puspos ng Espiritu, ngunit mabilis niyang sasabihin sa inyo na hindi siya ang inilarawan ng mga salitang iyon dalawang taon na ang nakararaan. Lumipat na siya ngayon sa ibang lugar, sa espirituwal at sa pisikal. Isa siyang pioneer.

“Buong buhay na akong pioneer,” sabi niya, “dahil nabinyagan ako kamakailan. At kamangha-mangha talaga ang paglalakbay ko. Pakiramdam ko parang bagong buhay ito. At kapag ginawa natin ang unang hakbang na iyon sa ating paglalakbay, nangyayari ang mga himala.”

Hindi lang nauunawaan ni Taylor ang paanyayang lumapitalam niya ang pinagmulan ng paanyaya. Sabi niya, “Sa ating mundo, wala tayong pakialam kung paano tayo napunta rito, tama ba? Masyado tayong nakatuon sa ating trabaho at teknolohiya, at ang mensaheng talagang tila mahalaga sa akin nitong huli ay ang unahin si Cristo. Dapat nating tularan talaga ang ginawa ng mga pioneer—nagtuon [sila] kay Cristo.”

Ethan G.

Ang sumunod ay isa pang paanyaya. Sa pioneer trek, mas naunawaan ni Ethan G. ang salitang ito. “Kung minsan ay di-gaanong maganda ang pakiramdam ko sa trek, o parang pinanghinaan ako ng loob,” pag-amin niya. “Pero natanto ko na ganito rin ang nadama ng mga pioneer.”

Nagtaka noon si Ethan kung bakit handang gawin ng mga naunang pioneer ang kanilang ginawa. Sabi niya, “Palagay ko susuko na lang ako. Ngunit nang pag-isipan ko ito, napagtanto ko na dahil iyon sa mahal nila ang Tagapagligtas, at umaasa sila na mas bubuti sila sa pamamagitan Niya. Gusto ko ring subukan iyan.”

Bago sumama si Ethan sa trek, nagbasa siya tungkol sa mga pioneer noong araw, nakadama ng kaugnayan sa kanila, at nagkainspirasyon sa kanilang pananampalataya na sundan si Jesucristo. At ano ang ginagawa ni Ethan ngayon? Naghahanda siyang matanggap ang tawag na maglingkod bilang full-time missionary. Bilang pagsunod sa payo ni Pangulong Monson, naghahanda siyang ipakita sa iba ang daang dapat tahakin.

Harmony C.

Saan tayo dapat magpunta? Sino ang dapat nating sundan? Sinabi sa atin ng Tagapagligtas: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nang umalis ng bahay si Harmony para sumama sa trek, nadama niya ang impluwensya ng Panginoon sa kanyang karanasan. Alam niya na sinusundan niya Siya.

Ang landas na tinahak ni Harmony sa kanyang stake trek ay kaiba sa landas na tinahak ng iba. Sa edad na 15 nalaman niya na may pambihirang uri siya ng kanser sa balat. Hindi siya nakasama sa kanyang stake trek. “Nanlumo ako,” paggunita niya.

Apat na taon kalaunan, nang ibalita ng kanyang stake ang isa pang trek, wala nang kanser si Harmony. Ngunit sa edad na 19, naisip niya na hindi siya makakasama. Pagkatapos ay nakatanggap siya ng tawag na sumama bilang lider. Sabi niya, “Pinatototohanan ko na alam ng Panginoon kung sino tayo, at alam Niya ang mga hangarin ng ating puso, at kung matwid at mabuti ang mga ito, pagpapalain Niya tayo.”

Nagbigay ng payo si Harmony upang tulungan tayo kapag naharap tayo sa mga pagsubok: “Sa sinumang nahihirapan, gusto kong sabihin na umasa lang sa Panginoon. Lagi Siyang nariyan para sa inyo. Mahal Niya tayo, at hindi Niya tayo hahayaang mabigo. Kailangan lang nating iabot ang ating kamay sa Kanya, at tutulungan Niya tayo sa ating paglalakbay bilang pioneer.”

Maaari Kayong Maging Pioneer

young man pulling handcart

Kung hindi kayo makakasama kailanman sa isang pioneer trek, maaari pa rin kayong maging pioneer. Hindi ninyo kailangang magsuot ng bonnet o humila ng kariton. Kailangan lang ninyong sumunod kay Jesucristo, tulad ng ginawa ng naunang mga pioneer. Sa paggawa nito, tulad ng sinabi ni Pangulong Monson, kayo ay magiging “isang taong nauna upang ihanda o buksan ang daang susundan ng iba.”

Kung may pagkakataon kayong sumama sa isang pioneer trek, masiyahan dito! At kapag tapos na ito at iiwanan na ninyo ang inyong handcart, huwag ninyong iwanan ang inyong patotoo bilang pioneer sa loob nito. Tangayin ninyo ang patotoong iyon.

Kayo ay isang makabagong pioneer sa totoong buhay. Kasama ang pinakadakilang Pioneer—ang Tagapagligtas—bilang gabay, tiyak na kayo’y magtatagumpay!

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Tapat sa Pananampalataya ng Ating mga Ninuno,” Liahona, Hulyo 2016, 4; sinipi mula sa The Compact Edition of the Oxford English Dictionary (1971), “pioneer.”

  2. Thomas S. Monson, “Tapat sa Pananampalataya ng Ating mga Ninuno,” 4–5.