Pag-aayuno para sa Isang Propeta
Ang awtor ay naninirahan sa Hawaii, USA.
Mahal ni Silioti si Pangulong Kimball. Nais niya itong gumaling.
“Nawa’y pakainin ninyo ang aming kaluluwa, puspusin ninyo ang aming puso, at pagpalain ang aming pag-aayuno” (Hymns, blg. 138).
Naglakad si Silioti pauwi mula sa paaralan at naraanan niya ang mga puno ng dilaw na papaya at hinog na mangga. Nang makita niya ang bunga, naalala niya kung gaano siya kagutom. Naalala rin niya na isang espesyal na araw ngayon. Ngayon mag-aayuno ang lahat ng tao sa kanyang stake sa Tonga para sa propetang si Pangulong Spencer W. Kimball. Maysakit ang propeta at kailangang operahan. Ngayong gabi magtitipon ang lahat ng tao sa stake upang magdasal at tapusin ang kanilang ayuno nang sabay-sabay.
Nang makarating ng bahay si Silioti, may naamoy siyang nilulutong pagkain sa ‘umu, isang hurnong nakabaon sa hukay. Kumalam ang sikmura niya. Nagalak si Silioti na nasa tamang edad na siya upang mag-ayuno ngayon, ngunit ang pag-aayuno sa araw na may pasok sa paaralan ay mas mahirap kaysa pag-aayuno sa araw ng Linggo.
Sinikap ni Silioti na kalimutan kung gaano siya kagutom. Nakakita siya ng panggatong at dinampot niya ang mga dahong nalagas mula sa matatayog na puno ng rimas na nakatabing sa kanyang bakuran.
“Mauunawaan ng Ama sa Langit kung hihigop ako ng kaunting tubig,” naisip ni Silioti nang maghugas siya ng kanyang mga kamay matapos niyang gawin ang mga gawaing-bahay. Pagkatapos ay naisip niya kung gaano niya kamahal si Pangulong Kimball. Nais niyang gumaling ito. Nagpasiya siyang maghintay.
Naupo si Silioti sa balkon at ipinatong ang kanyang ulo sa kandungan ng kanyang ina. Pagod na pagod siya.
“Maaari mong tapusin ang iyong ayuno kung kailangan,” sabi ng kanyang Inay.
“Pero gusto ko pong mag-ayuno,” sabi ni Silioti. “Kaya ko pong gawin ito.”
Nang makauwi si Itay mula sa trabaho, tumulong ang buong pamilya na mabuksan ang ‘umu. Inilabas nila ang karne ng baboy na nakabalot sa mga dahon, ang isda, at ang hinurnong rimas na may gata. Pagkatapos ay ibinalot nila sa tela ang pagkain at dinala ito sa labas para hintayin ang bus.
Nasalubong nila sa daan ang iba pang mga pamilya, lahat ay dala ang sarili nilang putahe ng pagkain. Nakangiti silang lahat at nag-usap-usap habang sama-sama silang sumakay ng bus. Nakakita ng maliit na lugar si Silioti sa tabi ng kanyang Ina. Naamoy niya ang masarap na pagkain habang bumibiyahe ang bus.
Madilim na nang makarating ang bus sa chapel. Sa loob, lumuhod si Silioti kasama ang kanyang mga magulang, kanyang mga kapatid, at daan-daang iba pang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa kanyang panalangin, nagsumamo si Silioti sa kanyang puso, “Pagalingin po Ninyo si Pangulong Kimball.” Alam niya na bawat tao sa silid ay iyon din ang ipinagdarasal. Ipinahiwatig sa kanya ng nadamang kapanatagan na magiging maayos si Pangulong Kimball.
Nang imulat niya ang kanyang mga mata nakita niya ang mga luha sa mukha ng mga tao sa paligid niya. Lahat ng taong ito ay nag-ayuno, at kasama niya silang nag-ayuno. Mahirap, pero nagawa niya ito!