2017
Murilo Vicente Leite Ribeiro: Goiânia, Brazil
July 2017


Mga Larawan ng Pananampalataya

Murilo Vicente Leite Ribeiro

Goiânia, Brazil

Nang binyagan si Murilo sa edad na 16, tutol dito ang kanyang buong pamilya. Nang matanggap niya ang tawag na magmisyon, itinapon ng kanyang mga magulang ang kanyang damit-pangsimba at hindi siya pinaglingkod sa misyon. Kalaunan ay tumulong siyang dalhin ang kanyang pamilya sa Simbahan, ngunit nadama pa rin niya na hindi siya karapat-dapat dahil hindi siya nakapagmisyon.

Cody Bell, retratista

Nalaman ko ang tungkol sa Simbahan noong 14 anyos ako. Miyembro ng Simbahan ang mga kaibigan ko at ipinakilala nila ako sa mga missionary. Hindi ko tinanggap ang mensahe nila noong una dahil kasapi na sa ibang relihiyon ang pamilya ko.

Pagkaraan ng dalawang taon may nagtanong sa akin kung gusto kong maglaro ng football sa simbahan. Mahilig talaga ako sa football, at gusto kong maglaro. Inanyayahan din ako na dumalo sa seminary. Naging interesado ako sa Simbahan.

Kinausap ko ang mga missionary, at tinuruan nila ako tungkol sa Unang Pangitain. Binago nito ang buhay ko. Naantig ako nang magkuwento sila tungkol dito. Umiyak ako sa harap nila. Naantig ako at nadama ko ang dakilang espiritu. Tinanggap ko ang paanyaya nilang magpabinyag ako pagkatapos ng unang lesson.

Tutol ang mga magulang ko sa Simbahan at hindi sila dumalo sa binyag ko. Napakahirap niyon para sa akin. Tanging ang kapatid kong si Joaquim ang kapamilyang kasama ko sa araw na iyon.

Matapos akong mabinyagan marami akong pinagdaanang problema. Naniwala ako sa ipinanumbalik na ebanghelyo, pero hindi pa iyon naunawaan noon ng pamilya ko. Sinikap kong ipaliwanag iyon sa kanila, ngunit hindi iyon naunawaan ng mga magulang ko. Patuloy akong nagsimba, kahit inakala ng mga magulang ko na kinalimutan ko ang pamilya namin. Ang totoo ay gusto ko silang sumama sa akin na magsimba.

Nang magmimisyon na ako, nadama kong handa na ako. Dumalo ako sa seminary nang dalawang taon, kumuha ako ng missionary preparation class, at pumasok ako sa institute. Nakadama ako ng espirituwal na katatagan noon, ngunit lalo akong inusig ng mga magulang ko. Sinikap ng buong pamilya ko na alisin ako sa Simbahan.

Isinumite ko ang papeles ko sa misyon at natanggap ko ang tawag na maglingkod sa Brazil Recife Mission. Sinabi ko sa mga magulang ko na pupunta ako sa Recife para maging kinatawan ni Jesucristo bilang missionary. Inaway ako ng tatay ko, at itinapon pa ni Inay ang aking mga damit-pangsimba at mga aklat. Galit na galit sila.

Hindi na ako nagmisyon. Ito ang pinakamahirap na panahon sa buhay ko. Gusto kong magmisyon, pero dumanas ako ng matinding oposisyon. Wala akong ginawang mali, pero pinanghinaan ako ng loob at labis akong nalungkot, at inusig pa rin nila ako sa bahay. Umasa ang mga magulang ko na susuko ako at hindi na magsisimba.

Mahirap para sa akin ang maging isang binata at hindi makapagmisyon. Pakiramdam ko ay mas mahina ako kaysa mga kaibigan ko na nakaalis na para magmisyon, at pakiramdam ko ay nag-iisa ako sa simbahan. Akala ng ilang tao, hindi ako nagmisyon dahil hindi ako karapat-dapat. Pero ginawa ko ang lahat para manatiling matatag ang pananampalataya ko.

Sa panahong ito, nakilala ko si Kelly na siyang mapapangasawa ko. Nang makilala ko siya, naglaho ang lungkot ko at nakita ko ang sarili ko bilang anak ng Diyos. Si Kelly ay hindi miyembro ng Simbahan nang magsimula kaming magdeyt. Hindi naglaon at ikinasal kami, at pagkaraan ng isang buwan ay bininyagan ko siya. Nabuklod kami sa templo pagkaraan ng isang taon. Espesyal at sagrado ang sandaling iyon para sa akin.

Matapos isilang ang panganay naming anak na si Rafael, dinala namin siya sa simbahan para mabasbasan. Dumalo ang mga magulang ko sa pagbabasbas. Iyon ang unang pagkakataon na nagsimba sila. Mula noon, nagsimula na silang makinig sa mga lesson ng mga missionary sa bahay nila. Sa huli ay nagkaroon ako ng pribilehiyong binyagan ang mga magulang ko at ang nakababata kong kapatid na lalaki.

Nakakatawa kasi napakasistematiko ng tatay ko tungkol dito. Sabi niya, “Anak, kailan mo ako bibinyagan?” Nang mabinyagan siya, iniahon ko siya mula sa tubig at niyakap niya ako. Napakaespesyal ng sandaling iyon sa buhay ko!

Makalipas ang ilang taon kinausap ko si Elder Jairo Mazzagardi ng Pitumpu nang dumating siya para muling iorganisa ang stake namin. Tinanong niya ako tungkol sa aking misyon.

Sabi ni Elder Mazzagardi, “Brother Murilo, nalaman ko na nabinyagan ka noong 16 anyos ka, pero hindi ka nagmisyon.”

“Hindi po ako nagmisyon,” sabi ko na nagsisimula nang umiyak.

“Pero ginagawa ko ang lahat para patawarin ako ng Panginoon. Nakapaglingkod ako bilang branch president nang pitong buwan, at sinisikap kong maging missionary at ibigay ang lahat ng kaya ko. Nagsisikap akong maigi para matulungan ang iba. Gusto kong patawarin ako ng Panginoon. Hindi ko gustong magkaroon ng batik na ito sa huling araw.”

“Brother Murilo,” sabi niya, “kalimutan mo na ang nakaraan; tumingin ka sa hinaharap. Sinumang lumilingon sa nakaraan ay naglalakad paatras, at sinumang nakatingin sa hinaharap ay lumalakad nang pasulong. Malinis ka na.”

Masaya akong marinig ito, at hindi ko napigilang mapaluha sa galak. Noon ko nadama, pagkaraan ng maraming taon, ang kapayapaan ng Panginoon.

Parang anim na tonelada ang pasaning nawala sa likod ko.

Pinabalik niya ako na kasama ang asawa ko at tinawag akong maglingkod bilang stake president.

Pagkatapos ay sinabi ni Elder Mazzagardi, “Matutulungan ka ng mga karanasan mo na maging stake president. Matutulungan mo ang mga kabataan na may mga problema o walang suporta ng mga magulang nila. Hindi ka nagkaroon ng pagkakataong magmisyon, ngunit ito na ang misyon mo ngayon. Tutulong kang ipadala ang mga kabataan sa misyon.”

Bilang stake president, isa sa mga pangunahing mithiin ko ang tulungan ang mga kabataang lalaki at babae na maghandang maglingkod sa misyon. Ibinigay sa akin ng Panginoon ang mga tamang salita sa tamang panahon para kausapin ang mga kabataang ito. Nagpapasalamat ako na binigyan ako ng Panginoon ng pagkakataong tulungan ang iba na piliing magmisyon.

Young family in Brazil read together, parents teach children with drawings, they sing together, mother reading, father holding up chart etc.

Natutuwa sina Murilo at Kelly Ribeiro na makasama ang kanilang mga anak. Kumakanta ang kanilang anak na babae, samantalang sinasaliwan siya nina Murilo at ng kanyang anak na lalaki ng gitara.

A family praying together.

Nadarama ng mga Ribeiro ang lakas na nagmumula sa araw-araw na panalangin ng pamilya.

Young family in Brazil read together, parents teach children with drawings, they sing together, mother reading, father holding up chart etc.

Hinihikayat ni Kelly ang kanilang anak na babae habang kumakanta ito ng himno.

Young family in Brazil read together, parents teach children with drawings, they sing together, mother reading, father holding up chart etc.

“Nagpapasalamat ako na binigyan ako ng Panginoon ng pagkakataong tulungan ang iba na piliing magmisyon,” sabi ni Murilo. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magmisyon, ngunit bilang stake president ay tinutulungan niya ang mga kabataang lalaki at babae na maghandang maglingkod.

Young family in Brazil read together, parents teach children with drawings, they sing together, mother reading, father holding up chart etc.

Itinuturo ni Murilo sa kanyang pamilya ang panaginip ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay sa Aklat ni Mormon. Nauunawaan nina Murilo at Kelly ang kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak.

Young family in Brazil read together, parents teach children with drawings, they sing together, mother reading, father holding up chart etc.

Kinalaban ng mga magulang ni Murilo ang Simbahan. Inakala nila na kinalimutan na niya ang pamilya nang sumapi siya sa Simbahan. “Ang totoo ay gusto ko silang sumama sa akin na magsimba,” sabi niya. Hangad ni Murilo na manatiling malapit sa ebanghelyo ang kanyang pamilya.