2017
Walang-Wala ngunit Puspos ng Pananampalataya
July 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Walang-Wala ngunit Puspos ng Pananampalataya

driving a jeepney

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Matapos maglingkod sa Philippines Cagayan de Oro Mission, desidido akong sundin ang payo ng propeta at mga apostol na makasal sa templo. Sabi ng karamihan sa mga kamag-anak at kaibigan kong hindi miyembro ng Simbahan, at maging ng ilang miyembro, dapat muna akong magtapos ng pag-aaral o magkaroon ng magandang trabaho bago ko isiping mag-asawa. Wala ako ng anuman sa mga iyon nang itakda ang kasal ko.

Kinabahan ako, ngunit naalala ko ang kuwento tungkol kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) nang matanggap niya ang tawag na magmisyon sa England. Naghanda siyang umalis noon sa gitna ng mga problema sa ekonomiya at mga alalahaning bumagabag sa kanya. Bago siya umalis, inabutan siya ng kanyang ama ng isang kard na may nakasulat na limang salita: “Huwag matakot, manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36). Naaalala ko rin ang mga salita ng bishop ko: “Manampalataya. Ang Diyos ang maglalaan.” Ang mga salitang ito ay nagbigay sa akin ng tapang at lakas na sumulong.

Bagama’t walang-wala ako, pinakasalan ko ang maganda kong nobya sa Manila Philippines Temple. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagsimula akong magtrabaho sa isang kumpanya na pinagtrabaho ako tuwing Linggo. Gusto kong panatilihing banal ang araw ng Sabbath, kaya hindi ako nagtagal sa trabahong ito. Maraming nagtaka kung bakit ako nagbitiw sa trabaho, ngunit nagpatuloy ako, na inuulit sa aking sarili ang mga salitang “Manampalataya. Ang Diyos ang maglalaan.”

Nagsimula akong magpasada ng jeepney at magtrabaho bilang ahente para matustusan ang mga pangunahin naming pangangailangan at paghandaan ang pagsilang ng aming unang anak. Napansin ng asawa ko na pagod na pagod ako sa pagsisikap na matustusan ang aming pamilya. Sabi niya kailangan ko raw mag-aral ulit, pero naisip ko na mahihirapan akong pagsabay-sabayin ang trabaho, paglilingkod sa Simbahan, at pag-aaral.

Tama ako; mahirap nga iyon. Ngunit ginawa namin ang aming makakaya para masunod ang mga kautusan. Madalas kaming kulangin sa panggastos, ngunit sa tulong ng Perpetual Education Fund ng Simbahan, nakatapos ako ng pag-aaral bago isinilang ang pangalawa naming anak. Nakahanap ako ng trabaho bilang guro sa hayskul at kalaunan ay naging seminary at institute coordinator ako.

Sa pagsunod sa payo ng propeta at iba pang mga lider ng Simbahan, natanto ko na ang pag-aasawa ay nagbibigay ng magagandang pagkakataon para umunlad sa espirituwal at mahusto ang isipan. Naging mapalad ako dahil sa aking pag-aasawa at sa ebanghelyo.

Hindi natin kailangang matakot, maging sa pinakamahihirap na sitwasyon. Kailangan lang nating gawin ang ating makakaya at tandaan ang mga salitang ito: “Manampalataya. Ang Diyos ang maglalaan.”