Ang Tanging Bagay na Nagligtas sa Akin
Ang awtor ay naninirahan sa Tokyo, Japan.
Natulungan ako ng isang di-inaasahang pagkakaibigan na maliwanagan ang aking nadirimlang buhay.
Ang golf ay isang bantog na laro sa Japan, kaya sinimulan kong maglaro nito noong ako ay 14 na taong gulang para makasama ko ang tatay ko. Masaya ito sa simula, at kalaunan ay nagsimula akong magsanay mag-isa at sumapi sa golf team ng aking paaralan. Nakaibigan ko ang teammates at mga coach ko, na humikayat sa akin na ituloy ang pangarap kong maging professional golfer.
Nagsikap akong mabuti, hindi lang sa paglalaro, kundi maging sa pag-aaral, at nagtapos ako na isa sa mga nangunguna sa klase ko sa hayskul.
Noong una akong pumasok sa kolehiyo, nagkaroon ako ng magandang kaugnayan sa golf coach at teammates ko. Mas magaling sila kaysa sa akin, kaya ginawa ko ang lahat para maging kasinghusay nila. Pinuna ng ilan sa mga miyembro ng team ang kakaiba kong pangalang Shuho. Sabi ko sa kanila, ang lola ko sa ina na isang Koreana ang nagbigay nito sa akin at na ang ibig sabihin nito sa wikang Korean ay “magandang bundok.” Simula noon pakiramdam ko ay nagbago ang pakikitungo nila sa akin, dulot ng ilang henerasyon nang alitan sa pagitan ng Japan at Korea.
Binansagan nila akong “batang Koreano” at sinabihan na madurungisan ko ang magandang pangalan ng unibersidad. Sa halip na hayaan akong magsanay ng golf kasama nila, ginawa nila akong tagalinis ng mga kubeta.
Lalo akong nahirapang makisama sa team. Dahil malayo ako sa pamilya ko, pakiramdam ko nag-iisa ako. Sinikap ko pa ring abutin ang pangarap ko at pagandahin ang tingin sa akin ng coach at team, ngunit makalipas ang dalawang taon, hindi ko na matiis ang malupit na pagtrato nila sa akin, kaya umuwi ako.
Madilim ang yugtong ito ng buhay ko. Naapektuhan ng stress ang aking isipan at katawan. Bumaba ang tingin ko sa aking sarili sa loob ng dalawang taon. Ang pangarap kong maging professional golfer ay magwawakas na. Hindi ko alam kung saan patungo ang buhay ko. At galit ako. Galit ako sa lahat: sa coach ko, teammates ko, at mga magulang ko. Sa sobrang galit ko, natakot ako sa mga naiisip ko. Wala akong kaibigan, at nadama ko na hindi ko kayang magtiwala o makihalubilo sa ibang tao. Sa loob ng anim na buwan, lumabas lang ako ng bahay para mag-ehersisyo sa gym.
Sa madilim na bahaging ito ng buhay ko, nakaibigan ko si Justin Christy, na nakilala ko sa gym. Nang una ko siyang makita, akala ko foreign-exchange student siya. Nag-atubili akong kausapin siya hanggang sa makita ko siyang may kausap sa gym at nagulat akong marinig na nagsasalita siya ng wikang Hapon. Pakiramdam ko hindi ko pa rin kayang magtiwala sa ibang tao, pero iminungkahi niya na sabay kaming mag-ehersisyo. May kung anong kakaiba sa kanya na hindi ko naunawaan noon. Kalmado ako kapag kasama ko siya. Inasam ko na ang oras na magkasama kaming nag-eehersisyo. May nakilala akong isang tao na pakiramdam ko ay mapagkakatiwalaan ko bilang kaibigan.
Pagkaraan ng ilang buwan naming pag-eehersisyo nang sabay, pinasama ako ni Justin sa hapunan ng isang grupo na regular niyang sinasamahan. Nag-atubili ako, pero matapos ang ilang paanyaya ay nagpasiya akong pumunta sa isa palang hapunan para sa mga young single adult sa bahay nina Richard at Corina Clark. Mainit nila akong binati pagpasok ko sa bahay nila, si Brother Clark sa wikang Hapon, at si Sister Clark sa wikang Ingles. Hindi ko naunawaan ang sinasabi ni Sister Clark, pero tinangka ko siyang sagutin. Kahit may ilang tao roon na hindi nagsasalita ng wikang Hapon, masaya ang grupo nila at mainit at magiliw silang makitungo. Maraming tawanan.
Nagsimula akong dumalo sa iba pang mga aktibidad ng mga young single adult at noon lang ako naging masaya nang husto na kasama ang ibang tao. Inisip ko kung ano ang mayroon sa mga taong ito para maging ganito sila kagiliw at kabait.
Sa panahong ito tinanong ako ni Justin kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko. Nagulat akong malaman na nagsimula nang magbago ang mga mithiin ko. Sinabi ko sa kanya na gusto kong matutong magsalita ng Ingles at maging kaibigan ng lahat, tulad niya. Sinabi niya sa akin na may libreng English class sa simbahan niya. Dumalo ako sa English class at nakilala ko ang mga missionary. Kahit hindi ko naisip ang Diyos kailanman, nadama ko na dapat akong makinig sa mga missionary. Itinuro nila sa akin ang mga pangunahing kaalaman tungkol sa ebanghelyo at halos araw-araw nila akong tinawagan. Naging mabubuting kaibigan ko sila, na talagang nagpasaya sa akin dahil kakaunti pa lang ang mga kaibigan ko.
Nakilala ko ang maraming miyembro ng Simbahan na kasabay kong dumalo sa mga missionary lesson at naging mabuti kaming magkakaibigan. Itinuro nila sa akin ang ebanghelyo at naging halimbawa sila sa akin. Kinausap ako ni Justin tungkol sa Aklat ni Mormon at nagkuwento siya mula rito kaya ginusto kong basahin din ito sa sarili ko. Isa pang kaibigan, si Shingo, na mahilig sa detalye, ang nagtalakay ng mga doktrina sa akin sa paraang madali kong maunawaan. Ibinahagi niya palagi ang kanyang patotoo sa pagtatapos ng aming mga pag-uusap.
Natagpuan ko ang isang bagay na pinaniniwalaan ko at isang lugar na nadama ko na kabilang ako. Matapos akong mabinyagan at makumpirma, naisip ko nang maglingkod sa misyon, ngunit nag-alala ako tungkol sa paglalaan ng dalawang taon para dito. Marami akong kinausap na tao tungkol sa pagmimisyon, lalo na ang mga kaibigan kong returned missionary. Pinag-isipan ko ito nang husto, at natanto ko na ang ebanghelyo lamang ang makapagliligtas sa akin.
Alam ko na naibigay na sa akin ng Diyos ang lahat: ang aking mga pangarap, pag-asa, kaibigan, at lalung-lalo na ang pagmamahal. Natulungan ako ng ebanghelyo na lisanin ang kadiliman at magtungo sa liwanag.
Paano Ko Ibinahagi ang Ebanghelyo kay Shuho
Ni Justin Christy
Nang makilala ko si Shuho sa gym, sinabi niya na nais niyang matuto ng Ingles at makasali sa golf exchange program. Sinabi ko sa kanya na may mga English class sa simbahan, pero ilang linggo ang nagdaan bago kami nakadalo. Samantala, habang nag-eehersisyo kami, pinag-usapan namin nang husto ang mga paksa ng ebanghelyo, ang Aklat ni Mormon, at ang buhay.
Ang pagkakaibigan at mga halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na nakilala niya ang nakapukaw ng kanyang pansin at nakatulong sa kanya na matuto tungkol sa ebanghelyo. Ang Espiritu ang umaakay sa atin na magbalik-loob; ang gagawin lang natin ay iparating ang mensahe at tulungan ang mga tao na magpasiya para sa kanilang sarili.
Dati-rati ay mahirap para sa akin ang isiping magbahagi ng ebanghelyo. Pero nalaman ko na kung magsasalita lang tayo sa tamang panahon, magkakaroon tayo ng mga pagkakataon na maging missionary. Ang kailangan lang nating gawin ay anyayahan ang mga tao sa isang aktibidad o pulong sa simbahan. Kung bukas ang ating isipan, laging magkakaroon ng mga pagkakataon na bahagi ang ebanghelyo.