2017
Pagpapalaki sa Aming Anak na Katuwang ang Diyos
July 2017


Pagpapalaki sa Aming Anak na Katuwang ang Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang matutuhan kong gamitin ang mga espirituwal na yamang makukuha ko, nagkaroon ako ng maraming ideya tungkol sa mga paraan para matulungan ang anak ko at mas harapin ang sarili kong pagsubok.

mother struggling with son

Mga paglalarawan ni Robert Hunt

Ang pananaw ko tungkol sa pagiging magulang ay ang magkaroon ng napakababait na anak na laging maganda ang pananamit at hindi kailanman narurumihan. Agad kong natanto na ang imaheng itinangi ko ay imahinasyon ko lamang. Nagawa ko nang tanggapin ang magulong bahay ko at ang mga ilong na may sipon dahil alam ko na kaakibat nito ang kamangha-manghang mga pagpapalang matatanggap ko. Pero ang hindi ko maisip-isip ay ang hirap na daranasin ko sa pagpapalaki sa aking mga anak, lalo na sa anak kong si Brad.

Isinilang si Brad na inosente tulad ng sinumang bata, ngunit hindi nagtagal ay natanto namin na kakaiba siya. Hindi siya makapunta sa nursery nang hindi kasama ang asawa ko o ako dahil masyado siyang agresibo. Nang lumaki na siya at makipaglaro sa ibang mga bata, kinailangan siyang bantayan palagi. Nang humingi kami ng tulong, sinabihan kami na kailangan lang naming disiplinahin siya palagi. Ginawa namin ang lahat ng maiisip namin: nagsaliksik kami online, nagbasa ng mga aklat tungkol sa pagiging magulang, at nagtanong sa mga doktor at kapamilya. Sa huli, nang magsimula nang pumasok si Brad sa paaralan, natuklasan na siya ay may attention deficit hyperactivity disorder, o ADHD, at marami pang ibang problema.

Sa unang pagkakataon nadama namin na may pag-asa pa kami. Ngayong natuklasan na ang sakit niya, masisimulan na namin siyang ipagamot. Umasa kami na tutugon nang maayos si Brad sa isang gamot na nakatulong sa iba. Sa kasamaang-palad, naging mas masahol pa ang ugali ni Brad dahil sa gamot kaysa noong wala pa ito, kaya kinailangan niyang itigil ang pag-inom nito. Pakiramdam ko naglaho ang huling pag-asa ko.

Isang araw noong anim na taon na si Brad, naranasan ko ang isa sa marami niyang araw-araw na pagwawala. Ginusto kong sumuko. Pumasok ako sandali sa aking silid para mapag-isa, at tumulo ang mga luha ko sa aking mga pisngi. Ipinagdasal ko na magkaroon ako ng lakas na harapin ang papalapit na karaniwang oras ng pagtulog. Paano ko ipagpapatuloy ang ginagawa kong ito, araw-araw? Pakiramdam ko sobra na ang tinitiis ko. Naunawaan ba ng Ama sa Langit kung gaano ito kahirap? Kung talagang mahal Niya ako, pangangatwiran ko, aalisin Niya ang pasaning ito sa akin at bibigyan ng normal na buhay ang anak ko. Pumalibot sa akin ang mga ideya at damdaming iyon habang lumalala ang pagsubok na nakaharap ko sa halip na bumuti.

Ang Likas na Katangian ng mga Pagsubok

Akala ko naunawaan ko ang mga pagsubok. Pagdaraanan namin dapat iyon na parang palayok na pinaiinitan sa tapahan. Sasalang at aalis kami sa apoy, pagkatapos ay babalik na sa normal ang buhay hanggang sa susunod na pag-iinit at pagtitimpla. Pero ilang taon ko nang dinaranas ang pagsubok na ito, at hindi ito nawawala. Nabigatan na ako, at nadama ko na wala akong magagawa kaya lumuhod ako para manalangin.

Nalaman ko noon na ang lugar na kailangan kong puntahan para mapanatag at makaunawa ay ang templo. Sa pamamagitan ng inspirasyon, natanto ko na hindi natin mapipili ang mga pagsubok sa buhay na ito o gaano katagal ang mga ito. Ang makokontrol natin ay ang paraan ng ating pag-iisip at pagkilos pagdating ng mga pagsubok.

Natanto ko na kaya ako naaawa sa sarili ko ay dahil tinulutan kong mapuno ng awa sa sarili ang aking isipan. Ang unang ipinasiya kong gawin ay itigil ang mga negatibong ideya sa isipan ko, tulad ng “Hindi patas ito,” “Hindi ko ito magagawa,” “Bakit ba hindi maging normal si Brad?” o ang pinakamasama, “Napakasama kong ina.” Pinagsikapan kong pigilin ang negatibong tinig sa utak ko, at nakita ko na naging mas mapagpasensya at mapagmahal ang tunay na tinig ko kapag kaharap ko ang mga anak ko.

Hinikayat ko ring maging positibo ang pag-iisip ko. Sinimulan kong isipin na, “Maganda ang ginagawa mo,” at pinupuri ko ang sarili ko, tulad ng “Mahina ang boses mo at hindi ka sumigaw. Tama iyan!”

Umasa sa Diyos

Pagkatapos ng isang napakahirap na araw, nagpabasbas ako sa asawa ko. Habang binabasbasan ako naalala ko na ako ay anak ng Diyos, na batid Niya ang nangyayari sa akin at ang mga pangangailangan ko, at na ang anak ko ay anak ng Diyos. Si Brad ay anak muna ng Diyos, at kaming mag-asawa ay katuwang ng Diyos para sa kapakanan ni Brad. Natanto ko na matagal ko nang hindi ginagamit ang lahat ng kasangkapang inilalaan ng pagtutuwang na ito sa akin. Nagsaliksik na kaming mag-asawa at marami kaming natuklasang mapagkukunan namin ng tulong, pero nalimutan namin ang pinakamahalaga: panalangin.

Sinimulan kong ipagdasal araw-araw kung paano ko matutulungan si Brad. Kapag nagwawala siya, sumasambit ako ng maikling panalangin para sa inspirasyon bago ko siya lapitan. Nang umasa ako sa Diyos para sa suporta at inspirasyon para sa aking anak, naunawaan ko kung anong papel ang maaari kong gampanan at ano ang magagawa ko para sa kanya. Sinikap kong sundin ang sinabi ni Alma: “At ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos” (Alma 29:9).

Nagkaroon kaagad ng mga pagbabago. Marami akong naisip na mga ideya at paraan para matulungan si Brad. Kinasangkapan ko ang family home evening at ipinagdasal ko na makaisip ako ng mga ideya kung ano ang ituturo. Nagbasa rin ako ng mga banal na kasulatan nang mas makabuluhan at naunawaan ko ang magandang payo roon tungkol sa pagiging magulang. Napuspos ako ng pag-asa at kapanatagan.

Habang patuloy kong ipinamumuhay ang ideya na kaming mag-asawa ay mga katuwang ng Diyos sa pagiging magulang sa aming mga anak at ginagamit ang mga kasangkapang naibigay Niya sa atin, mas lalo akong umasa sa Diyos. Natanto ko na hanggang doon lang ang kaalaman ko tungkol sa pagiging magulang, ngunit matutulungan ako ng mapagmahal na Ama sa Langit, na nakakaalam sa lahat ng bagay at mahal ang anak ko nang higit sa pagmamahal ko, na maging mas mabuti at mas matatag na ina. At bagama’t nasisiraan pa rin ako ng loob kung minsan, alam ko kung saan hihingi ng tulong. Nauunawaan ko na ngayon na may ilang pagsubok na maaaring magtagal, ngunit kung magtutuon ako sa kawalang-hanggan, tutulungan ako ng Diyos.

Magalak sa Maliliit na Sandali

mother smiling with son

Sa mga panahon ng paghihirap, natuto akong gumugol ng oras para magalak sa maliliit na sandali—sa mga kaloob—na ibinibigay sa atin. Kapag hindi mapigilan ng anak ko na hagkan ako, nagpapasalamat ako. Nang masdan kong sumakay ng bus ang anak ko na walang makatabi, pinagpala akong maisip ang talatang ito: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88). Alam ko na si Brad ay hindi nag-iisa at hindi kailanman mag-iisa.

Tayo ay isang walang-hanggang pamilya, at sa tulong ng mga taong nagmamahal sa atin at sa pagbabantay sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit, mapapasalamatan ko ang maliliit na kaloob na ibinibigay sa akin araw-araw at madama ang kagalakan at kaligayahan na nararapat na mapasaatin. At sa maliliit na pagpapalang iyon at sa tulong ng Panginoon, maaari akong maging katulad ng nararapat sa akin, gaano man katagal ito mangyari.