2017
Pagpapagaling sa Pinakamamahal na Bansa: Ang Pananampalataya ni Julia Mavimbela
July 2017


Pagpapagaling sa Pinakamamahal na Bansa: Ang Pananampalataya ni Julia Mavimbela

Ang buhay ni Julia Mavimbela ay biglang nagbago noong 1955 nang mamatay ang kanyang asawang si Juan sa isang aksidente sa kotse. Nahiwatigan sa ebidensya sa pinangyarihan na ang ibang taong sangkot, isang puti, ay bumaling sa direksyong dinaraanan ni Juan. Subalit hindi ipinasiya ng hukuman na ang lalaking iyon ang may kasalanan. Sa halip, sinabi ng mga pulis na puti na hindi mahusay magmaneho ang mga itim, kaya kasalanan ni John ang banggaan.1

Si Julia ay 37 anyos noon na may apat na anak at nagdadalantao. Mali ang naging pagtrato sa kanya ng mga pulis at ng sistema ng katarungan dahil sa kulay ng kanyang balat. Subalit kalaunan ay natuto siyang huwag magpatangay sa kapaitan; sa halip, ginugol niya ang kanyang buhay sa pagsisikap na mapagaling at pagalingin ang kanyang pinakamamahal na bansa sa pamamagitan ng paglilingkod na katulad ni Cristo. Naging posible ito dahil sa kanyang pagmamahal sa lupain, pananampalataya sa Diyos, at katapatan sa pagsunod sa mga alituntunin ng kanyang pananampalataya.

Si Julia ay isinilang noong 1917, ang bunso sa limang anak. Pumanaw ang kanyang ama noong limang taong gulang si Julia. Naiwang mag-isa ang kanyang ina sa pag-aalaga sa mga anak, kaya nagtrabaho siya bilang tagalaba at katulong.

Ang ina ni Julia ay relihiyosa at tinuruan niya ang kanyang mga anak mula sa Biblia. “Tinuruan ako ng aking ina na tanggapin ang mga dagok sa buhay at hinikayat akong huwag nang lumingon sa nakaraan kundi magplano para sa hinaharap,” sabi ni Julia. Naunawaan din ng ina ni Julia ang kahalagahan ng edukasyon at ginawa ang lahat gamit ang kakaunti niyang pera para tiyakin na pormal na makapag-aral ang kanyang mga anak.

Julia and John Mavimbela on their wedding day

Mga larawang kuha sa kagandahang-loob ni Thoba Elizabeth Mavimbela Karl–Holla

Tumanggap si Julia ng iba pang training at edukasyon at nagtrabaho bilang guro at prinsipal sa paaralan hanggang sa makilala at pakasalan niya si John Mavimbela noong 1946. May groserya at tindahan ng karne si John. Tinalikuran ni Julia ang kanyang propesyon para magtrabaho roon. Magkasama silang bumuo ng isang tahanan at nagkaroon ng mga anak. Sa kabila ng mga pagbabawal ng apartheid (diskriminasyon ng mga lahing puti laban sa mga lahing itim), naging maayos ang buhay nila. Gayunman, nagbagong lahat iyon nang mamatay si John.

Sa lapida ng kanyang asawa, iniukit ni Julia ang mga salitang ito:

Sa mapagmahal na alaala ni

John Phillip Corlie Mavimbela.

Mula sa kanyang asawa at mga kamag-anak.

Ngunit nananatili ang sakit.

Mapayapa nawa ang kanyang kaluluwa.

Sa paglalarawan sa ikaapat na linya, sinabi ni Julia, “Habang isinusulat ito, ang nanatiling sakit ay ang pagkamuhi at kapaitan—sa lalaking naging sanhi ng aksidente, sa mga pulis na nagsinungaling, [at] sa hukumang nagpasiya na kasalanan ng asawa ko ang aksidenteng kumitil sa kanyang buhay.”2 Ang isa sa pinakamalalaki niyang pagsubok ay ang daigin ang kapaitang ito at ang galit.

Halos kamamatay lang ng kanyang asawa, “binangungot” si Julia isang gabi, at napanaginipan niya na nagpakita sa kanya si John, inabutan siya ng damit-pantrabaho, at sinabi, “Magtrabaho ka na.” Nang ilarawan niya ang resulta ng panaginip na ito sinabi niya, “Nakakita ako ng paraan para hindi ko na alalahanin ang mga problema sa mga taon na ito, at iyon ay sa pamamagitan ng pagtulong sa komunidad.”

Dalawampung taon kalaunan, noong mid-1970s, ang payapang mga protesta ng mga itim sa apartheid ay nauwi sa mararahas na pagbulalas ng damdamin. Isa sa mga lugar na pinangyarihan ng karahasang ito ang Soweto, kung saan nakatira si Julia. Sabi niya, “Naging kakaiba ang Soweto sa anumang lugar na alam namin—para kaming nasa digmaan.”

Natakot si Julia na baka bumalik ang galit at sama ng loob niya: “Mahigit 20 taon na mula nang mamatay si John, pero dama ko pa rin ang sakit ng pangyayaring iyon.” Sa pagsisikap na mapagaling, kapwa siya at ang kanyang mga tao, naisip ni Julia, “Siguro kung matuturuan ko ang mga bata na magtanim, may pag-asa pa.” Nagpasimula siya ng isang community garden na naging sagisag ng pag-asa para sa mga tao na puro takot at galit ang nadama.

Julia working in a community garden

Habang tinutulungan niya ang mga bata sa kanyang community garden, tinuturuan niya sila na: “Bungkalin natin ang lupa ng kapaitan, magtanim tayo ng binhi ng pagmamahal, at tingnan natin kung ano ang mga bungang maibibigay nito sa atin. … Hindi tayo matututong magmahal kapag hindi tayo nagpatawad sa iba.”

Sabi niya, “Alam ko sa aking kalooban na binubungkal ko ang lupa ng sarili kong kapaitan habang pinatatawad ko ang mga taong nakasakit sa aking damdamin.” Nagsimulang maglaho ang sakit na dulot ng kapaitang nanatili nang mamatay si John.

Noong 1981, nalaman ni Julia ang tungkol sa Simbahan. Ang mga missionary, na nagsasagawa ng paglilingkod sa komunidad sa Soweto, ay nakakita ng isang boys’ center na kailangang-kailangan nang kumpunihin. Ilang linggo nilang nilinis ang paligid nito.3

Isang araw, pinaglingkod si Julia sa boys’ club na iyon. Pagdating niya, nagulat siyang makita ang “dalawang binatang puti na pinapala ang kulay-kaking alikabok.” Itinanong ng mga missionary kung puwede silang magpunta sa bahay niya para maghatid ng mensahe. Tatlong araw pagkaraan, nagpakita sina Elder David McCombs at Elder Joel Heaton na suot ang kanilang damit pang-missionary at name tag.

Sinabi ni Julia na ang unang dalawang lesson ng missionary ay “pumasok sa isang tainga at lumabas sa kabila.” Ngunit sa ikatlo nilang pagbisita, nagtanong ang mga missionary tungkol sa retrato nina Julia at John na nakasabit sa dingding. Binanggit niya na patay na ang kanyang asawa, at nahikayat ang mga missionary na ilahad sa kanya ang plano ng kaligtasan at binyag para sa mga patay. Sabi niya, “Pagkatapos ay nagsimula akong makinig, talagang makinig, nang buong-puso. … Nang ituro sa akin ng mga missionary ang alituntunin ng mga walang-hanggang ugnayan, nadama ko na narito ang paraan para makapiling ko ang aking mga magulang at asawa.” Nabinyagan si Julia makalipas ang limang buwan.

Isang buwan matapos siyang mabinyagan, nagsalita si Julia sa stake conference. “Nang maglakad ako papunta sa pulpito,” sabi niya, “palagay ko halos lahat ay nagulat. Iyon ang unang pagkakataon nilang makakita ng isang itim na tao na nagsasalita sa kumperensya—siguro’y ilan sa mga noon lang nakarinig na magsalita ang isang itim sa mga tao.” Nahikayat siyang magsalita tungkol sa pagkamatay ng kanyang asawa at ang mga taon ng paghihirap niya. Inilarawan niya ang kanyang kapaitan at kung paano niya “natagpuan ang simbahan sa huli na puwedeng magturo sa akin na tunay na magpatawad.”

Gayunman, hindi pa tapos ang kanyang mga paghihirap sa di-pagkakaunawaan at maling palagay, kahit nagwakas na ang apartheid noong 1994.

Ikinuwento ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2015 na, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” ang isang karanasan ni Julia at ng kanyang anak na si Thoba na “hindi maganda ang trato sa kanila ng ilang miyembrong puti.” Nagreklamo si Thoba sa pagtrato sa kanila. Ang madali sanang gawing dahilan para talikuran ang Simbahan, ay naging isang walang-katumbas na sandali ng pagtuturo. Sumagot si Julia, “Ah, Thoba, ang Simbahan ay parang malaking ospital, at lahat tayo ay may kani-kanyang sakit. Nagsisimba tayo para matulungan.”4

Julia in native Zulu dress and in temple dress

Kanan: Si Julia suot ang katutubong damit ng mga taga-Zulu habang naglilingkod sa Johannesburg South Africa Temple.

Larawan ni Julia bilang temple worker sa kagandahang-loob ng Church History Library

Natuklasan ni Julia na posibleng gumaling sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo, hindi lang para sa kanyang sarili, kundi para din sa kanyang bansa. Natutuhan niya sa kanyang paglilingkod sa Johannesburg South Africa Temple na sa templo, “hindi nagkakaiba ang mga tao dahil sa lahi nila. Hindi nagkakaiba ang mga tao dahil Ingles ang wika nila. Hindi nagkakaiba ang mga tao dahil Situ o Zulu ang wika nila. Madarama mo ang pagkakaisa.”

Namatay si Julia Mavimbela noong Hulyo 16, 2000.

Mga Tala

  1. Maliban kung iba ang nakasaad, ang mga siping-banggit ay nagmumula kay Laura Harper, “‘Mother of Soweto’: Julia Mavimbela, Apartheid Peace-Maker and Latter-day Saint,” manuskritong hindi inilathala, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Sa teksto ng Harper, ang salitang lamp ang ginamit sa halip na lump. Gayunman, kinumpirma ni Thoba na ang salitang nakaukit sa lapida ay lump.

  3. Mula sa David Lawrence McCombs, interbyu sa awtor, Ago. 25, 2015.

  4. Dale G. Renlund, “Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2015, 57.