2017
Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral mula sa Kampo ng Sion
July 2017


Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral mula sa Kampo ng Sion

Mula sa isang mensahe sa debosyonal noong Education Week na, “Who’s on the Lord’s Side? Now Is the Time to Show,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Hulyo 30, 2010.

Ang paglalakbay ng Kampo ng Sion na pinamunuan ni Propetang Joseph Smith noong 1834 ay isang kapansin-pansing halimbawa ng pagpiling pumanig sa Panginoon. Ang pagrerebyu ng kasaysayan ng Kampo ng Sion ay magtuturo sa atin ng mahalaga at walang-kamatayang mga aral mula sa makabuluhang pangyayaring ito sa kasaysayan ng Simbahan na angkop sa ating buhay at sitwasyon ngayon.

Ano ang Kampo ng Sion?

Nakatanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith noong 1831 na itinalaga ang Independence, Jackson County, Missouri, bilang lugar na pagtatayuan ng Sion, ang pinakamahalagang lugar ng pagtitipon para sa mga Banal sa mga Huling Araw at ang lokasyon para sa Bagong Jerusalem na tinukoy kapwa sa Biblia at sa Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 57:1–3; tingnan din sa Apocalipsis 21:1–2; Eter 13:4–6). Pagsapit ng tag-init ng 1833, halos sangkatlo ng populasyon sa Jackson County ay mga nandayuhang Mormon. Ang mabilis na pagdami, magiging impluwensya sa pulitika, at kakaibang mga paniniwala sa relihiyon at pulitika ng mga bagong saltang ito ang naging sanhi ng pag-aalala ng iba pang mga naninirahan sa lugar, kaya pinaalis nila ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang tahanan at mga lupain. Nang hindi masunod ang ultimatum na ito, nilusob ng mga taga-Missouri ang mga pamayanan noong Nobyembre 1833 at puwersahang pinaalis ang mga Banal.

exiled Saints

Sumulong, Patuloy na Sumulong, ni Glen Hopkinson.

Ang pagbubuo ng Kampo ng Sion ay iniutos sa paghahayag noong Pebrero 1834 (tingnan sa D at T 103). Ang pangunahing layunin ng hukbong ito ng Panginoon ay protektahan ang mga Mormon sa Jackson County sa iba pang mga paglusob—matapos tuparin ng militar sa Missouri ang obligasyon nitong ibalik ang mga dayuhan nang ligtas sa kanilang mga tahanan at lupain. Magdadala rin ang kampo ng pera, mga suplay, at suportang moral sa dukhang mga Banal. Sa gayon, noong Mayo at Hunyo 1834, isang grupo ng mahigit 200 boluntaryong Banal sa mga Huling Araw na pinamunuan ni Propetang Joseph Smith ang naglakbay nang halos 900 milya (1,450 km) mula Kirtland, Ohio, patungong Clay County, Missouri. Nagbuo rin sina Hyrum Smith at Lyman Wight ng mas maliit na grupo ng mga boluntaryo mula sa Michigan Territory at nakipagkita sa grupo ng Propeta sa Missouri. Kabilang sa mga kasama sa Kampo ng Sion sina Brigham Young, Heber C. Kimball, Wilford Woodruff, Parley P. Pratt, Orson Hyde, at maraming iba pang kilalang tao sa kasaysayan ng Simbahan.

Ang layunin ko ay hindi para ilarawan ang mga detalye ng mahirap na paglalakbay na ito o ikuwento ang lahat ng espirituwal na makabuluhang pangyayaring naganap. Ibubuod ko ang ilang mahahalagang pangyayari sa paglalakbay ng Kampo ng Sion:

  • Hindi naibigay ni Gobernador Daniel Dunklin ng Missouri ang ipinangakong tulong ng militar na kailangan para makabalik ang mga dayuhang Mormon sa kanilang lupain.

  • Ang mga pakikipag-areglo sa pagitan ng mga pinuno ng Simbahan, mga opisyal ng estado ng Missouri, at mga mamamayan ng Jackson County para maiwasan ang armadong labanan at malutas ang mga pagtatalo sa mga ari-arian ay nabigong magkaroon ng kasiya-siyang kasunduan.

  • Sa huli, inutusan ng Panginoon si Joseph Smith na buwagin ang Kampo ng Sion at sinabi kung bakit hindi nakamtan ng hukbo ng Panginoon ang inakala nitong layunin (tingnan sa D at T 105:6–13, 19).

  • Inutusan ng Panginoon ang mga Banal na makipagmabutihang-loob sa mga tao sa lugar bilang paghahanda para sa panahon na mabawi ang Sion nang legal sa halip na sa pamamagitan ng militar (tingnan sa D at T 105:23–26, 38–41).

Nahati ang hukbo ng Sion sa mas maliliit na grupo sa huling bahagi ng Hunyo 1834, at ang mga dokumentong nagpapatibay na pinalaya na sa tungkulin ang huling sundalo ay inilabas noong unang ilang araw ng Hulyo 1834. Karamihan sa mga boluntaryo ay bumalik sa Ohio.

Anong mga Aral ang Matututuhan Natin mula sa Kampo ng Sion?

etching of zions camp

Dahil sa kabiguang muling maitatag ang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County, ang Kampo ng Sion ay itinuring ng ilan na isang bigo at walang-pakinabang na adhikain. Isang brother sa Kirtland—na walang pananampalataya na magboluntaryong sumama sa kampo—ang kumausap kay Brigham Young pagbalik nito mula sa Missouri at nagtanong, “‘Ano ang napala ninyo sa walang-kabuluhang paglalakbay na ito patungong Missouri kasama si Joseph Smith?’ ‘Lahat ng ipinunta namin,’ sagot kaagad ni Brigham Young. ‘Hindi ko ipagpapalit ang karanasang natamo ko sa paglalakbay na iyon sa lahat ng yaman ng Geauga County,’” ang bayan kung saan naroon dati ang Kirtland.1

Inaanyayahan ko kayo na taimtim na pag-isipan ang sagot ni Brigham Young: “Lahat ng ipinunta namin.” Ano ang mahahalagang aral na mapupulot natin mula sa isang adhikain na hindi naisakatuparan ang inihayag na layunin nito ngunit magkagayunman ay naglaan sa mga naunang Banal, at maaaring maglaan sa atin, ng mga pagpapala habambuhay?

Naniniwala ako na may matatagpuang kahit dalawang pangunahing aral lamang sa sagot ni Brother Brigham sa nanunuyang tanong na iyon: (1) ang aral tungkol sa pagsusuri, pagsala, at paghahanda, at (2) ang aral tungkol sa pagmamasid, pagkatuto, at pagsunod sa mga Kapatid. Binibigyang-diin ko na ang mga aral na ito ay kasinghalaga, kung hindi man mas mahalaga, para sa atin na matutuhan at maipamuhay ngayon tulad noong mahigit 180 taon na ang nakararaan para sa mga boluntaryo sa Kampo ng Sion.

Ang Aral tungkol sa Pagsusuri, Pagsala, at Paghahanda

Ang matatatag na Banal na humayo sa hukbo ng Panginoon ay nasubukan at napatunayan. Sabi nga ng Panginoon, Aking narinig ang kanilang mga panalangin, at tatanggapin ang kanilang mga handog; at kapaki-pakinabang sa akin na sila ay dalhin sa ganito bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya” (D at T 105:19).

Sa napaka-literal na paraan, ang pisikal at espirituwal na mga hamon sa Kampo ng Sion ay binubuo ng pagsala ng trigo mula sa mga panirang damo (tingnan sa Mateo 13:25, 29–30; D at T 101:65), ng paghiwalay ng mga tupa sa mga kambing (tingnan sa Mateo 25:32–33), ang paghiwalay ng espirituwal na matatag sa mahina. Sa gayon, bawat lalaki at babae na kabilang sa mga hukbo ng Panginoon ay naharap at sumagot sa tanong na tumatagos sa kaluluwa na “Sino’ng panig sa Diyos?”2

Habang nagsasaayos ng negosyo si Wilford Woodruff at naghahandang sumama sa Kampo ng Sion, binalaan siya ng kanyang mga kaibigan at kapitbahay na huwag sumama sa gayong mapanganib na paglalakbay. Ang payo nila, “Huwag kang sumama, kung ayaw mong mamatay.” Sagot niya, “Kung alam ko na dapat akong tamaan ng bala sa puso sa unang hakbang na ginawa ko sa estado ng Missouri, sasama ako.”3 Alam ni Wilford Woodruff na hindi niya kailangang matakot sa masasamang ibubunga nito basta’t tapat siya at masunurin. Malinaw na siya ay nasa panig ng Panginoon.

Tunay ngang ang “[ipakita] ngayon”4 para sa matatapat na kalalakihan at kababaihan ay noong tag-init ng 1834. Ngunit ang desisyong humayo na kasama ni Propetang Joseph patungong Missouri ay hindi nangangahulugan ng minsanan, para sa lahat, o agarang sagot sa tanong na “Sino’ng panig sa Diyos?” Ang panahong ipakita para sa mga Banal na iyon ay madalas at paulit-ulit sa pamamagitan ng pagod na isipan at katawan, madudugong paltos sa kanilang mga paa, kakulangan sa pagkain at maruming tubig, napakaraming kabiguan, mga pagtatalu-talo at paghihimagsik sa loob ng kampo, at mga banta sa labas mula sa masasamang kaaway.

Ang panahon para magpakita ay dumating sa mga karanasan at kagipitan sa bawat oras, bawat araw, at bawat linggo. Ito ang malakihang kombinasyon ng maraming tila maliliit na pagpapasiya at pagkilos sa buhay ng matatapat na mga Banal na ito na naglaan ng determinadong sagot sa tanong na, “Sino’ng panig sa Diyos?”

Paano nagsilbing paghahanda ang pagsubok at pagsala na nangyari sa buhay ng mga kasama sa Kampo ng Sion? Ang nakakatuwa, walo sa mga kapatid na tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835, gayundin ang lahat ng Pitumpu na kasabay na tinawag noon, ay mga beterano ng Kampo ng Sion. Sa isang pulong kasunod ng panawagan ng mga Pitumpu, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:

“Mga kapatid, ang ilan sa inyo ay galit sa akin, dahil hindi kayo nakipaglaban sa Missouri; ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi Niya maitatayo ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng mga pinto ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ito na sumunod sa kanilang landas, maliban lamang kung kinuha Niya ang mga ito mula sa kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing dakila ng ginawa ni Abraham.

“Ngayon, nasa Panginoon na ang kanyang Labindalawa at kanyang Pitumpu, at tatawag pa ng ibang mga korum ng Pitumpu.”5

Tunay ngang ang Kampo ng Sion ay apoy ng isang maglalantay para sa lahat ng boluntaryo sa pangkalahatan at lalo na sa maraming pinuno ng Simbahan ng Panginoon sa hinaharap.

Ang natamong mga karanasan ng mga boluntaryo sa hukbo ng Panginoon ay isang paghahanda rin para sa mas malalaking pandarayuhan ng mga miyembro ng Simbahan sa hinaharap. Mahigit 20 sa mga kalahok sa Kampo ng Sion ang naging mga kapitan at tinyente sa dalawang malalaking paglalakbay—ang una ay pagkaraan lang ng apat na taon, na kinasangkutan ng pagpapaalis sa 8,000 hanggang 10,000 katao mula Missouri hanggang Illinois6; at ang pangalawa, pagkaraan ng 12 taon, ang malaking paglalakbay pakanluran ng tinatayang 15,000 Banal sa mga Huling Araw mula Illinois hanggang Salt Lake at iba pang mga lambak ng Rocky Mountain. Bilang panimulang training, napakahalaga ng Kampo ng Sion sa Simbahan. Taong 1834 ang panahon para magpakita—at maghanda para sa 1838 at 1846.

Bilang mga indibiduwal at pamilya, tayo man ay susubukan, sasalain, at ihahanda, tulad ng mga miyembro ng Kampo ng Sion. Ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga Kapatid ay puno ng mga pangako na ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; paggawa, paggalang, at pag-alaala sa mga sagradong tipan; at pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magpapalakas sa atin upang mapaghandaan, maharap, at madaig ang mga pagsubok ng mortalidad, at matuto mula rito.

Malinaw na natukoy ng mga pinuno ng Simbahan ng Panginoon ang ilan sa palasak o ipinasang mga pagsubok sa mga henerasyon na maaasahan nating maranasan sa ating panahon at henerasyon. Bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol noong 1977, nagbigay si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) ng tinig ng babala bilang propeta sa isang pulong ng mga kinatawang pangrehiyon. Babanggit ako ngayon mula sa mensahe ni Pangulong Benson at magtuon kayo sa kanyang napapanahong payo:

“Bawat henerasyon ay may mga pagsubok at pagkakataong tumayo at patunayan ang sarili. Gusto ba ninyong malaman ang isa sa pinakamahihirap nating pagsubok? Pakinggan ang mga salita ng babala ni Brigham Young, ‘Ang pinakamatinding takot ko para sa mga taong ito ay ang yumaman sila sa bansang ito, malimutan ang Diyos at Kanyang mga tao, mangagsitaba, at lisanin ang Simbahan at mapunta sa impiyerno. Makakayanan ng mga taong ito ang pandurumog, pagnanakaw, karalitaan, at lahat ng uri ng pang-uusig at maging tapat. Ngunit ang mas matinding takot ko para sa kanila ay ang hindi nila makayanan ang yaman.’”

Sabi pa ni Pangulong Benson: “Tila nasa atin ang pinakamahirap na pagsubok sa lahat, dahil ang kasamaan ay mas tuso, mas matalino. Lahat ay tila di-gaanong mapanganib at mas mahirap mapansin. Habang bawat pagsubok ay naglalarawan ng pagpupunyagi, tila hindi pagsubok ang isang ito, walang pagpupunyagi kaya maaaring siyang pinaka-nakalilinlang sa lahat ng pagsubok.

“Alam mo ba kung ano ang magagawa ng kapayapaan at kaunlaran sa mga tao—Kaya silang patulugin nito. Binalaan tayo sa Aklat ni Mormon kung paano tayo ililigaw nang husto ni Satanas, sa mga huling araw, pababa sa impiyerno. May ilang potensyal na espirituwal na higante ang Panginoon sa lupa na tinipon Niya nang mga anim na libong taon upang tulungang akayin ang Kaharian sa tagumpay, at sinisikap ng diyablo na patulugin sila. Batid ng kaaway na malamang na hindi siya gaanong magtatagumpay na pagawin sila ng maraming mabigat at napakasamang kasalanan. Kaya pinatutulog sila nang mahimbing, gaya ni Gulliver, habang pinagagawa niya sila ng maliliit na kasalanan. At ano ang kabuluhan ng isang inaantok, walang epekto, at matamlay na higante bilang pinuno?

women sitting in front of computer

“Napakarami nating potensyal na espirituwal na higante na dapat ay mas masigasig sa pamumuno sa kanilang tahanan, sa kaharian, at sa bansa. Maraming tao na ang pakiramdam ay mabubuti silang lalaki at babae, ngunit kailangan nilang magkaroon ng silbi—matitibay na patriarch, matatapang na missionary, magigiting na family history at temple worker, dedikadong mga taong makabayan, matatapat na miyembro ng korum. Sa madaling salita, kailangan tayong yugyugin at gisingin mula sa espirituwal na pag-idlip.”7

Isipin na ang kasaganaan, kaunlaran, at ginhawa ay maaaring mga pagsubok sa ating panahon na katumbas ng o higit pa ang tindi kaysa sa pag-uusig at mga pisikal na paghihirap na tiniis ng mga Banal na nagboluntaryong humayo sa Kampo ng Sion. Tulad ng paglalarawan ng propetang si Mormon sa kanyang maringal na buod tungkol sa paulit-ulit na kapalaluan sa Helaman 12:

“At sa gayon natin mamamasdan kung gaano kahuwad, at gayon din ang kahinaan ng mga puso ng mga anak ng tao; oo, nakikita natin na ang Panginoon sa kanyang walang hanggang kabutihan ay pinagpapala at pinananagana ang mga yaong nagtitiwala sa kanya.

“Oo, at makikita natin sa panahon ding yaon kung kailan niya pinananagana ang kanyang mga tao, oo, sa pag-unlad ng kanilang mga bukirin, ng kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga bakahan, at sa ginto, at sa pilak, at sa lahat ng uri ng mahahalagang bagay ng bawat uri at kasanayan; pinangangalagaan ang kanilang mga buhay, at inililigtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway; pinalalambot ang mga puso ng kanilang mga kaaway upang hindi sila makidigma laban sa kanila; oo, at sa madaling salita, ginagawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan at kaligayahan ng kanyang mga tao; oo, yaon ang panahong pinatitigas nila ang kanilang mga puso, at kinalilimutan ang Panginoon nilang Diyos, at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa ang Banal—oo, at dahil ito sa kanilang kaginhawa[h]an, at kanilang labis na kasaganaan” (Helaman 12:1–2).

Inaanyayahan ko kayo na pansinin lalo na ang huling mga kataga sa huling talata: “at dahil ito sa kanilang kaginhawa[h]an, at kanilang labis na kasaganaan.”

Itinuro din ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) tungkol sa palasak na pagsubok na kaluwagang kinakaharap natin sa ating panahon: “Sinusubukan tayo, pinatutunayan tayo, nagdaraan tayo sa ilan sa pinaka-matitinding pagsubok ngayon at marahil ay hindi natin alam ang tindi ng mga pagsubok na pinagdaraanan natin. Sa mga panahong iyon ay may mga pagpaslang, pandurumog, pagpapalayas. Itinaboy sila sa ilang, gutom at hubad, at giniginaw. Naparito sila sa pinagpalang lupaing ito. Tayo ang mga tagapagmana ng ibinigay nila sa atin. Ngunit ano ang ginagawa natin dito? Ngayon ay nagpapasarap tayo sa marangyang buhay, na hindi pa natin nakita kailanman sa kasaysayan ng mundo. Malamang na ito na marahil ang pinakamatinding pagsubok sa lahat ng pagsubok sa atin sa kasaysayan ng Simbahang ito.”8

Ang mga turong ito mula sa makabago at sinaunang mga propeta tungkol sa mga patunay at pagsubok sa mga huling araw ay malungkot at seryoso. Ngunit hindi ito dapat makapanghina ng loob, at hindi tayo dapat matakot. Para sa mga matang nakakakita at taingang nakaririnig, ang mga espirituwal na babala ay humahantong sa maingat na pagbabantay. Kayo at ako ay nabubuhay sa “araw ng babala” (D at T 63:58). At dahil nabalaan at babalaan tayo, tulad ng ipinayo ni Apostol Pablo, kailangan tayong “mangagpuyat sa buong katiyagaan” (Mga Taga Efeso 6:18). Kapag nagbantay at naghanda tayo, talagang hindi tayo kailangang matakot (tingnan sa D at T 38:30).

Sino’ng panig sa Diyos? Panahon na para ipakita na tayo ay may puso’t isipan na tumatanggap at tutugon sa mga inspiradong babalang ito. Panahon na para ipakita na tayo ay nagbabantay at naghahandang tiisin ang mga pagsubok ng kaunlaran at kapalaluan sa mga huling araw, ng kasaganaan at ginhawa, at ng matitigas na puso at paglimot sa ating Panginoong Diyos. Panahon na para ipakita na tayo ay magiging tapat sa lahat ng oras sa anumang bagay na ipinagkatiwala sa atin ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak—at na susundin natin ang mga utos ng Diyos at mamumuhay tayo nang matwid sa Kanyang harapan (tingnan sa Alma 53:20–21).

Ang Aral tungkol sa Pagmamasid, Pagkatuto, at Pagsunod sa mga Kapatid

Ang matatag na mga Banal sa hukbo ng Panginoon ay biniyayaang magmasid, matuto, at sumunod sa mga Kapatid. At tayo ngayon ay makikinabang nang malaki mula sa halimbawa at katapatan ng matatapat na miyembro ng Kampo ng Sion.

Bilang tugon sa payo ni Parley P. Pratt, naglakbay si Wilford Woodruff papuntang Kirtland, Ohio, noong Abril 1834 upang sumama sa Kampo ng Sion. Ang salaysay ni Brother Woodruff tungkol sa una niyang pakikipag-usap kay Propetang Joseph Smith ay may itinuturo sa ating lahat:

“Dito ko nakilala at nainterbyu sa unang pagkakataon sa buhay ko ang ating pinakamamahal na si Propetang Joseph Smith, ang taong napili ng Diyos na maghatid ng Kanyang mga paghahayag sa mga huling araw na ito. Ang una naming pagkikita ay hindi nagbigay-kasiyahan sa mga haka-haka ng mga makamundong isipan kung ano dapat ang isang propeta, at kung ano dapat ang hitsura niya. Ginulat siguro nito ang pananampalataya ng ilang tao. Nakita ko siya at ang kapatid niyang si Hyrum sa labas na binabaril ang isang target gamit ang isang pares ng mga pistola. Nang tumigil sila sa pagbaril, ipinakilala ako kay Brother Joseph, at masigla niya akong kinamayan. Niyaya niya akong tumira sa bahay niya habang nasa Kirtland ako. Ang paanyayang ito ay buong kasabikan kong tinanggap, at lubos akong napalakas at napagpala sa pamamalagi ko sa bahay niya.”9

Kapansin-pansin na si Brother Woodruff, na tumira sandali sa bahay ng Propeta at walang-dudang nagkaroon ng pambihirang pagkakataong pagmasdan ang kanyang araw-araw na gawain, ay biniyayaan ng mga matang makakakita ng higit pa sa “mga haka-haka ng makamundong isipan kung ano dapat ang isang propeta, at kung ano dapat ang hitsura niya.” Ang mga maling haka-hakang iyon ay nagpapadilim sa paningin ng marami sa mundo ngayon, kapwa sa loob at sa labas ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.

Dahil sa pagtawag sa akin noong 2004 na maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, nagkaroon ako ng malinaw at natatanging pananaw tungkol sa kahulugan ng magmasid, matuto, at sumunod sa mga Kapatid. Nakikita ko na ngayon araw-araw ang kani-kanyang personalidad, iba’t ibang pagtatangi, at mararangal na pagkatao ng mga pinuno ng Simbahang ito. Iniisip ng ilang tao na ang mga kahinaan at pagkukulang ng mga Kapatid ay nakababagabag at nagpapahina ng pananampalataya. Para sa akin, ang mga kahinaang iyon ay nagpapalakas ng pananampalataya. Ang inihayag na huwaran ng Panginoon sa pamumuno sa Kanyang Simbahan ay naglalaan at nakakabawas sa epekto ng kahinaaan ng tao. Talagang mahimala para sa akin ang masaksihan ang Panginoon na isinasakatuparan ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod sa kabila ng mga kapintasan at pagkukulang ng Kanyang piniling mga pinuno. Hinding-hindi inihayag ng mga taong ito na sila ay perpekto at hindi sila perpekto; gayunman, tiyak na sila ay tinawag ng Diyos.

Isang priest nang maglakad patungong Missouri kasama ang hukbo ng Panginoon, ipinahayag ni Wilford Woodruff kalaunan habang naglilingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakamtan namin ang karanasan na hindi namin makakamtan kailanman sa ibang paraan. Nagkaroon kami ng pagkakataong … [m]aglakbay nang [isang libong milya] na kasama [ang Propeta], at [m]akita ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon. … Kung hindi ako sumama sa Kampo ng Sion, wala sana ako rito ngayon.”10

Noong huling Linggo ng Abril 1834, inanyayahan ni Joseph Smith ang ilang pinuno ng Simbahan na magsalita sa mga boluntaryo ng Kampo ng Sion na nakatipon sa isang paaralan. Nang makatapos ang mga kapatid sa kanilang mensahe, tumayo ang Propeta at isinaad na napatibay siya sa kanyang narinig. Pagkatapos ay nagpropesiya siya:

“Nais kong sabihin sa inyo sa harapan ng Panginoon, na hinggil sa kahihinatnan ng Simbahang ito, hindi nakahihigit ang nalalaman ninyo sa isang sanggol sa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo nauunawaan ito. … Kakaunti lang ang nakikita ninyong [Priesthood] ngayong gabi, subalit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.”11

Nakinig ang kalalakihang tulad nina Brigham Young, Heber C. Kimball, Orson Pratt, at Wilford Woodruff at marami silang natutuhan mula sa Propeta nang gabing iyon—at ilang taon kalaunan ay tumulong upang matupad ang pahayag ng propeta. Kayluwalhati ng mga pagkakataon ng kalalakihang ito upang magmasid, matuto, at sumunod sa Propeta.

President Nelson with young man

Mahalaga para sa ating lahat na alalahanin na maaari tayong matuto sa mga turo ng mga Kapatid at sa mga halimbawa ng kanilang buhay. Sa pagsasaalang-alang sa kagila-gilalas na pangitain tungkol sa paglago ng Simbahan sa hinaharap na ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith, isipin sana ninyo ngayon ang kapangyarihan ng kanyang personal na halimbawa sa pagsasagawa ng paulit-ulit at makamundo ngunit mahahalagang gawain. Inilarawan ni George A. Smith sa kanyang journal ang reaksyon ng Propeta sa araw-araw na mga hamon sa paglakad patungong Missouri.

“Lubos na napagod si Propetang Joseph sa buong paglalakbay. Bukod pa sa pag-aalala sa panustos sa kampo at pamumuno rito, kalimitan ay naglakad siya at nakaranas na magpaltos, magdugo at sumakit ang mga paa. … Ngunit sa buong paglalakbay hindi siya kailanman bumulung-bulong o nagreklamo, samantalang karamihan sa kalalakihan sa Kampo ay nagreklamo sa kanya sa pananakit ng mga daliri sa paa, paltos sa mga paa, mahabang paglalakad, kakaunting panustos, hindi masarap na tinapay, maantang mantikilya, matapang na pulot-pukyutan, inuuod na [bacon] at … keso, at kung anu-ano pa. Kahit pagkahol ng aso sa ilang kalalakihan ay inireklamo kay Joseph. Kung kinailangan nilang humimpil sa isang lugar na marumi ang tubig halos magkaroon ng rebelyon, ngunit kami ang Kampo ng Sion, at marami sa amin ang hindi nagdarasal, pabaya, walang-ingat, hindi makaintindi, hangal o napakahayop, gayunpama’y hindi namin alam iyon. Kinailangan kaming pagpasensyahan at turuan ni Joseph, na parang mga bata.”12

Si Joseph ay isang malaking halimbawa ng alituntuning itinuro ni Alma: “Sapagkat ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; … at silang lahat ay gumagawa, bawat tao ayon sa kanyang lakas” (Alma 1:26).

Mula nang matawag ako bilang General Authority, sinikap ko nang magmasid at matuto habang dinaranas ng ilan sa aking mga Kapatid ang mga epekto ng pagtanda o walang-katapusang mga kailangang gawin sa kabila ng mga limitasyon at patuloy na pananakit ng katawan. Hindi ninyo malalaman at hindi malalaman kailanman ang lihim at tahimik na pagdurusang pinagdaanan ng ilan sa kalalakihang ito sa paglilingkod nila sa publiko nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Ang paglilingkod na kasama sina Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), Pangulong James E. Faust (1920–2007), Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008), Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Elder L. Tom Perry (1922–2015), Elder Richard G. Scott (1928–2015), at ang iba ko pang kasamahang Apostol at pagmamasid sa kanila ay nagbibigay sa akin ng lakas na ipahayag nang malinaw at may awtoridad na ang mga Kapatid na kasama kong naglilingkod ay mga mandirigma—marangal at dakilang mga espirituwal na mandirigma—sa tunay at lubhang kapuri-puring kahulugan ng salitang iyan! Ang kanilang pagtitiis, pagtitiyaga, at tapang ay nagbibigay-kakayahan sa kanila na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31: 20) na nararapat nating tularan.

Nagbabala si Pangulong Lee tungkol sa karagdagang pagsubok sa lahat na nagiging mas laganap sa henerasyong ito: “Tayo ngayon ay nagdaraan sa isa pang pagsubok—isang panahon na maaari nating tawaging kamunduhan. Panahon ito na maraming matatalinong taong ayaw makinig sa mga abang propeta ng Panginoon. … Napakatinding pagsubok nito.”13

Ang pagsubok sa kamunduhan ay kasama sa pagsubok ng kaunlaran at ginhawa. Napakahalaga para sa bawat isa sa atin na magmasid, matuto, at sumunod sa mga Kapatid.

members of the First Presidency

“Sino’ng panig sa Diyos?” Panahon na para ipakita iyan sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa payo ng buhay na mga apostol at propeta na tinawag ng Diyos sa mga huling araw na ito na mangasiwa at mamahala sa Kanyang gawain sa lupa. Panahon na para ipakita na tayo ay naniniwala na “ang [salita ng Diyos] ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili [Niyang] tinig o sa tinig man ng [Kanyang] mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). [Ipakita] ngayon. Ngayon na ang panahon!

Ang Ating Sariling Kampo ng Sion

Pagdating ng oras sa buhay ng bawat isa sa atin, aanyayahan tayong maglakad sa ating sariling Kampo ng Sion. Iba-iba ang takdang panahon ng mga paanyaya, at ang partikular na mga hadlang na maaari nating makaharap sa paglalakbay. Ngunit ang patuloy at palagiang tugon natin sa di-maiiwasang tungkuling ito ay maglalaan sa huli ng sagot sa tanong na “Sino’ng panig sa Diyos?”

Ang panahon para ipakita iyan ay ngayon, bukas, at magpakailanman. Nawa’y maalala natin palagi ang mga aral na nauugnay sa pagsubok, pagsala, at paghahanda at sa pagmamasid, pagkatuto, at pagsunod sa mga Kapatid.

Mga Tala

  1. Brigham Young, sa B. H. Roberts, A Comprehensive History of the Church, 1:370–71.

  2. “Sino’ng Panig sa Diyos?” Mga Himno, blg. 162.

  3. The Discourses of Wilford Woodruff, inedit ni G. Homer Durham (1946), 306.

  4. “Sino’ng Panig sa Diyos?” Mga Himno, blg. 162.

  5. Joseph Smith, sa Joseph Young Sr., History of the Organization of the Seventies (1878), 14; tingnan din sa History of the Church, 2:182.

  6. Tingnan sa Alexander L. Baugh, “From High Hopes to Despair: The Missouri Period, 1831–39,” Ensign, Hulyo 2001, 44.

  7. Ezra Taft Benson, “Our Obligation and Challenge,” Regional Representatives seminar, Set. 30, 1977, 2–3; typescript na hindi inilathala.

  8. Harold B. Lee, “Christmas address to Church employees,” Dis. 13, 1973, 4–5; transcript na hindi inilathala.

  9. Wilford Woodruff, sa Matthias F. Cowley, Wilford Woodruff: History of His Life and Labors (1909), 39.

  10. Wilford Woodruff, sa The Discourses of Wilford Woodruff, 305.

  11. Joseph Smith sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2005), 28; tingnan din sa Joseph Smith, sinipi ni Wilford Woodruff, sa Conference Report, Abr. 1898, 57.

  12. George A. Smith, “My Journal,” Instructor, Mayo 1946, 217.

  13. Harold B. Lee, “Sweet Are the Uses of Adversity,” Instructor, Hunyo 1965, 217.