2020
Isang Tasa ng Maligamgam na Tubig
Setyembre 2020


Isang Tasa ng Maligamgam na Tubig

Ang awtor ay naninirahan sa Seoul, South Korea.

Ang tubig sa bautismuhan ay kasing lamig ng yelo. Pagkatapos ay may naisip na ideya si Minjun.

A cup of warm water

Nagmadali si Minjun at Tatay na pumasok sa gusali ng Simbahan habang umiihip ang malamig na hangin sa kanilang likuran. Napakaginaw din sa loob ng gusali. Umasa si Minjun na magiging mas mainit kapag mas marami nang tao ang nagtipon.

Ang kaibigan ni Minjun na si Jungmin ay bibinyagan ngayong araw. Nakilala ni Jungmin ang mga sister missionary at nag-isip sa mahabang panahon tungkol sa pagpapabinyag. Nag-ayuno at nagdasal ang buong ward para sa kanya. Sa wakas ay nagpasiya siyang magpabinyag. At ngayon ang araw na iyon!

Pinupuno pa lamang ng tubig ang bautismuhan nang pumasok si Minjun at Tatay sa silid. Umupo sila sa tabi ng kaibigan ni Minjun na si James. Hindi nagtagal ay pumasok si Jungmin na nakasuot ng puting damit na pambinyag.

“Medyo kabado ang hitsura niya,” sabi ni James.

Tumango si Minjun. Masaya siya na naroon siya para sa kanyang kaibigan.

Hindi nagtagal ay napuno na ang bautismuhan. Oras na para simulan ang binyag! Ngunit sa halip na magsimula, ang mga missionary ay nakikipag-usap sa ilan sa iba pang mga miyembro, at mukhang nag-aalala sila. Nagpunta si Tatay sa kanila para malaman kung ano ang problema.

“May nangyari po ba?” tanong ni Minjun kay Tatay.

“Ang water heater sa gusali ay nasira, kaya masyadong malamig ang tubig sa bautismuhan,” sabi ni Tatay.

Tiningnan ni Minjun ang bautismuhan. Sa kanyang binyag, mainit ang panahon, maligamgam ang tubig, at ang yakap ng kanyang tatay ay mainit din nang umahon siya mula sa tubig. Hindi niya maisip kung paano mabinyagan sa malamig na tubig sa maginaw na araw na iyon.

Minasdan ni Minjun si Jungmin na buong tapang na lumusong sa tubig kasama ni Elder Keck, na magbibinyag sa kanya.

“Napakalamig!” sabi ni Jungmin. “Hindi ko na kayang magtagal pa rito.” Umahon siya mula sa bautismuhan na nanginginig. Nalungkot si Minjun para sa kanya.

Pagkaraan ng ilang minuto, sinubukan muli ni Jungmin na lumusong sa tubig. Sa pagkakataong ito, ilang hakbang lamang ang nagawa niya bago siya umahon nang nagmamadali. Sumubok siya nang dalawa pang ulit. Sobrang lamig ng tubig! “Puwede po ba tayong huminto?” napatanong na sa huli si Jungmin. Mukhang malapit na siyang umiyak.

Tahimik na nagdasal si Minjun para itanong kung paano siya makakatulong.

“Ano ang dapat nating gawin?” sabi ng isa.

“Dapat ba nating ipagpaliban ang binyag?” tanong naman ng isa pa. Gusto ng bawat isa na tulungan si Jungmin, pero hindi nila alam kung paano.

Pagkatapos ay may naisip na ideya si Minjun. Siniko niya nang mahina ni James. “Tara James!”

Nagpunta sina Minjun at James sa kusina. Nakakita sila ng isang malaking tasa at mangkok at pinuno ang mga ito ng mainit na tubig mula sa water dispenser. Maingat nila itong dinala pabalik sa chapel at ibinuhos ang mainit na tubig sa bautismuhan. “Siguro ay tutulong ito na magpainit ng tubig!” sabi ni Minjun.

Nabigla ang lahat. “Bakit hindi natin naisip iyon?” tanong ng isa.

Magkakasamang nagsimulang magdagdag ang bawat isa ng maligamgam na tubig mula sa kusina. May mga taong nagpakulo ng tubig sa kalan. Maingat na dinala ng iba pa ang mga kaldero patawid ng bulwagan at ibinuhos ang mainit na tubig sa bautismuhan. Maging ang iba pang mga batang Primary ay tumulong, sa pamamagitan ng paisa-isang tasa.

Sa huli ay sapat na ang init ng tubig. Sina Jungmin at Elder Keck ay tuluy-tuloy na lumusong sa bautismuhan. Sumigla ang pakiramdam ni Minjun sa kanyang puso habang pinakikinggan niya ang mga salita ng panalangin sa binyag ni Elder Keck. Nang umahon si Jungmin sa tubig, nakangiti siya. Ang lahat ay masaya.

Matapos magsuot ni Jungmin ng tuyong damit, niyakap siya ni Minjun nang mahigpit. Alam ni Minjun na kapag nanalangin siya nang may tapang, tutulungan siya ng Ama sa Langit na malaman ang dapat niyang gawin. Ang binyag na ito ay isa sa hinding-hindi malilimutan ni Minjun! â—Ź