2020
Si Danna at ang Pagsusulit sa Matematika
Setyembre 2020


Si Danna at ang Pagsusulit sa Matematika

Matutulungan ba si Danna ng isang talata mula sa banal na kasulatan pagdating sa matematika?

“Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay” (Doktrina at mga Tipan 10:5).

Danna and the math test

“Danna,” tawag ni Mamá. “Handa ka na bang pumasok? Oras na para magbasa ng banal na kasulatan!”

“Parating na po ako!” Inilagay ni Danna ang kanyang aklat sa matematika sa kanyang makulay na bag pampaaralan at isinukbit niya ito sa kanyang balikat.

Si Danna at ang kanyang pamilya ay nagsasaulo ng isang bagong talata mula sa banal na kasulatan bawat linggo. Kada araw bago sila pumasok sa paaralan, sabay-sabay nila itong binibigkas. Ayon kay Mamá, ang pag-aaral ng bagong banal na kasulatan ay tulad ng pagkakaroon ng bagong kaibigan. “Kapag tumatak na ito sa iyong puso, naroon na ito anumang oras mo ito kailanganin.”

Si Danna at ang kanyang mga nakababatang kapatid na babae ay tumayo malapit sa pinto at binigkas nila ang talata para sa linggong ito. Mula ito sa Doktrina at mga Tipan.

“‘Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay,’” sabay-sabay nilang bigkas.

“Ano ang ibig sabihin ng ‘magtagumpay’?” Tanong ng kapatid ni Danna na si Tatianna.

“Ibig sabihin niyon kaya mong gumawa ng mahihirap na bagay!” sabi ni Danna.

Tumango si Mamá. “Kapag nananalangin tayo, tutulungan tayo ng Ama sa Langit.”

Pinaulit-ulit ni Danna ang banal na kasulatan sa kanyang isipan habang nagmamadali siyang pumasok sa paaralan.

Kalaunan noong araw na iyon, tumayo ang guro ni Danna sa harapan ng silid-aralan katabi ng asul at puting watawat ng Guatemala. “Oras na para sa inyong pagsusulit sa matematika,” sabi ni Señora Morales. Nagsimula siyang mamigay ng salansan ng mga papel.

Gusto ni Danna ang matematika. At magaling siya rito! Nag-aral siya nang mabuti para sa pagsusulit, at alam niya na kaya niyang makakuha ng mataas na marka.

Kinuha ni Danna ang kanyang lapis at sinimulan niyang sagutan ang mga tanong. Maganda ang pakiramdam niya tungkol sa kanyang mga sagot. Hanggang sa umabot siya sa huling hanay ng mga tanong. Talagang napakahirap ng mga ito. Hindi niya maalala kung paano sasagutan ang mga ito!

Nakaramdam si Danna ng bugso ng pagkataranta. Paano niya matatapos ang kanyang pagsusulit sa matematika? Hinawakan niya nang mahigpit ang kanyang lapis at binasa niyang muli ang kasunod na tanong.

Pagkatapos ay mayroong biglang pumasok sa kanyang isipan. “Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay …”

Huminga nang malalim si Danna. Siya ay pumikit at tahimik na nanalangin sa kanyang puso. Ama sa Langit, nawa’y tulungan po Ninyo akong maalala kung ano ang natutuhan ko. Nawa’y tulungan po Ninyo akong makakuha ng mataas na marka sa pagsusulit na ito.

Tiningnan muli ni Danna ang kanyang papel. Tiningnan niya ang mga tanong na nasagot na niya. Pagkatapos ay tiningnan niyang muli ang mahihirap na tanong. Unti-unti niyang naalala kung paano sagutan ang mga ito! Nawala ang kanyang nerbiyos. Huminga siyang muli nang malalim at sinagutan ang mga tanong.

Pagkatapos ng klase, sabik na sabik si Danna na sabihin sa kanyang pamilya kung ano ang nangyari.

“Noong una, hindi ko maalala kung paano sagutan ang ilan sa mga tanong,” sabi ni Danna. “Ngunit bigla kong naalala ang banal na kasulatang sinasaulo natin. Nanalangin ako, at tinulungan ako ng Ama sa Langit.”

“Magaling!” sabi ni Mamá.

“Nagtagumpay ka!” sabi ni Tatianna.

Tumawa si Danna. “Oo nga! Anuman ang marka na makuha ko, alam kong ginawa ko ang lahat ng aking makakaya.” Niyakap niya nang mahigpit sina Mamá at Tatianna. Hindi na siya makapaghintay kung ano ang magiging bagong kaibigan niya mula sa banal na kasulatan sa susunod na linggo! ●