Mula sa Unang Panguluhan
Pagmamahal sa Ating mga Pamilya
Hango mula sa “Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo,” Liahona, Mayo 2017, 15–18.
Sinabi ng propetang si Alma sa kanyang mga tao na kailangang ang kanilang mga puso “ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21). Kung minsan, maaaring mahirap maramdaman ang pagkakaisa sa ating mga pamilya, ngunit ang Espiritu Santo ay makatutulong sa atin.
Minsan, ang aming anak na lalaki ay nagtatalon sa kanyang kama. Nagtatalon siya nang husto kaya akala ko ay masisira ang kanyang kama! Nakaramdam ako ng pagkainis. Lumapit ako at hinatak ko siya sa kanyang mga balikat. Iniangat ko siya hanggang sa magpantay ang aming mga mata.
Pagkatapos, sa isip ko ay narinig ko ang mahinang tinig ng Espiritu Santo na nagsasabing, “Dakila ang taong hawak-hawak mo.” Ang mga salitang iyon ay tumimo sa aking puso. Dahan-dahan kong ibinaba ang aking anak sa kama at humingi ako ng tawad.
Ngayon ay isa nang dakilang tao ang aking anak. Lubos akong nagpapasalamat na tinulungan ako ng Espiritu Santo na makita siya kung paano siya nakikita ng Ama sa Langit—bilang Kanyang anak.
Maaari nating subukang makinig sa Espiritu Santo kapag nakikita natin ang isa’t isa, at maging kapag iniisip natin ang isa’t isa. Makatutulong iyon sa atin na makaramdam ng higit na pagmamahal sa ating mga pamilya. ●
Paglago sa Pagmamahal
Gupitin ang mahahabang piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang mangkok. Matapos mong gawin ang isa sa mga aktibidad, magdagdag ng isang kawing sa iyong kadena ng mga puso.
-
Itupi ang piraso ng papel sa gitna.
-
Baluktutin ang mga dulo ng papel upang magmukha itong isang puso. Pagdikitin ang mga ito gamit ang stapler o teyp.
-
Upang makagawa ng kadena, ilusot ang mga dulo ng kasunod na puso sa loob ng naunang puso bago mo ito pagdikitin gamit ang stapler o teyp.
-
Itanong kung ano ang maaari mong gawin upang makatulong.
-
Magkuwento tungkol sa isang masayang alaala.
-
Manalangin para sa isang miyembro ng iyong pamilya.
-
Magsulat ng isang liham ng pagmamahal para sa isang tao.
-
Kumustahin ang araw ng isang tao.
-
Dalhan ng pagkain o inumin ang isang tao.
-
Sabihin sa isang tao na mahalaga siya sa iyo.
-
Maglaro o maglakad nang magkasama.
-
Humingi ng tawad kung kailangan.