2020
Tumayo Kami sa Harapan ng Parlyamento
Setyembre 2020


Tumayo Kami sa Harapan ng Parlyamento

Kaming mag-asawa ay nakatira sa New Zealand noong 2012 nang pinagdedebatihan sa Parlyamento ang panukalang batas na magbibigay ng bagong kahulugan sa kasal at pamilya. Binasa namin ang panukalang-batas at ikinabalisa namin ang magiging epekto nito sa kalayaan sa relihiyon at kasagraduhan ng pagiging ina, ama, at ng kasal.

Bilang bahagi ng proseso, inanyayahan ng Parlyamento ang lahat ng tao sa bansa na ipadala ang kanilang mga opinyon tungkol sa panukalang-batas. Alam namin na ang doktrina ng Panginoon sa kasal at pamilya ay malinaw tungkol sa isyung ito, at nadama namin na kailangan naming magsalita. Napansin namin ang isang kahon sa form na maaaring tsekan kung gusto naming tumayo sa harapan ng Parlyamento para ipagtanggol ang aming posisyon. Nagtinginan kaming mag-asawa at sinabing, “Tsekan natin ang kahon!”

Tumanggap kami ng mensahe ilang buwan kalaunan na nagsasaad na napili kaming humarap sa isang komite ng Parliyamentaryo. Matapos ang maraming panalangin at pag-aayuno, nadama ng aking asawa na dapat siyang magbahagi ng mga mensahe mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf,1 at nakadama ako ng malakas na pahiwatig na gunitain ang sandaling inilahad ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa pangkalahatang pulong ng Relief Society noong 1995.2 Kapwa namin nadamang tinuruan kami kung ano ang dapat sabihin; hindi ito maikakaila. Alam din namin na hindi ito magiging madali. Nagpasiya kaming ipaubaya sa mga kamay ng Diyos ang lahat at sinabing: “Gagawin namin ang nais ninyong gawin namin; sasabihin namin ang nais ninyong sabihin namin,”3 kahit hindi man ito tanggap ng nakararami. Mas inalala namin kung ano ang maitatala sa langit kaysa kung ano ang maitatala sa Parlyamento.

Nang dumating na ang araw na iyon at tinawag na nila ang mga pangalan namin, sinabi nila sa amin na may opsyon kami kung gusto naming maglahad nang magkahiwalay o magkasama. Naisip namin kaagad, “Ang gandang simbolismo! Siyempre ipagtatanggol namin ang doktrina ng pamilya nang magkasama.”

Matapos kaming makapagpahayag, nagsimula nang magtanong ang mga miyembro ng Parlyamento. Parang hindi sila masaya sa sinabi namin, at hindi madali ang pagsagot sa kanilang mga tanong. Maya-maya pa natapos na ang itinakdang oras para sa amin, ngunit bago kami umalis, binigyan namin ng kopya ang bawat miyembro ng Parlyamento at ang mga journalist ng mga ipinahayag namin at ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.”

Mahirap na karanasan ito, ngunit binago nito ang aming buhay. Nalaman namin na posible (at kailangan) na kausapin ang iba tungkol sa doktrina ng Panginoon sa kasal at pamilya—at magagawa ito nang may tapang, kalinawan, at kabaitan. Ang aming kaugnayan sa Ama sa Langit ay napalakas, at ang aming patotoo tungkol sa doktrina ng pamilya ay tumibay. Pinatototohanan namin ang napakalaking mga pagpapala at kagalakan na dumating sa aming buhay dahil sa karanasang ito.

Mga Tala

  1. Nagbanggit si Brother Fallentine mula sa mensahe ni Dieter F. Uchtdorf na, “Ano ang Katotohanan?” (Church Educational System fireside, Ene. 13, 2013), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Binanggit ni Sister Fallentine ang una, pangalawa, pampito, pangwalo, at pangsiyam na talata ng Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak sa kanyang pahayag.

  3. Tingnan sa “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno, blg. 171.