2022
Makita pang Lalo ang mga Pagpapala at Patnubay ni Jesucristo sa Ating Buhay
Nobyembre 2022


10:16

Makita pang Lalo ang mga Pagpapala at Patnubay ni Jesucristo sa Ating Buhay

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na tingnan ang ating buhay na tulad ng pagtingin Niya upang makita pang lalo ang Kanyang mga pagpapala at patnubay sa ating buhay.

Mga kapatid, labis akong napakumbaba na tumayo sa harap ninyo ngayong umaga. Kaisa ninyo ang puso ko sa pasasalamat na nagkatipun-tipon tayo, saan man kayo naroon sa mundo, para marinig ang mga mensahe ng mga propeta, apostol, tagakita, tagapaghayag, at pinuno sa kaharian ng Diyos. Katulad tayo ng mga tao noong panahon ni Haring Benjamin, na nagtatayo ng ating mga tolda na bukas ang mga pinto paharap sa propeta ng Diyos sa lupa,1 si Pangulong Russell M. Nelson.

Matagal nang malabo ang mga mata ko at kailangan ko palaging magsalamin para maitama ang paningin ko. Kapag nagmumulat ako ng mga mata tuwing umaga, parang umiikot ang mundo. Lahat ay wala sa pokus, malabo, at tabingi. Kahit ang mahal kong asawa ay mas mukhang isang malabong larawan kaysa sa taong mahal na mahal ko at kagiliw-giliw! Ang biglaan kong pangangailangan, bago ko pa gawin ang anuman sa pagsisimula ng araw ko, ay kunin ang salamin ko sa mata para makita ko ang aking paligid at matamasa ang isang mas masiglang karanasan habang tinutulungan ako nito sa buong maghapon.

Sa paglipas ng mga taon, natanto ko na ang ugali kong ito ay nagpapakita ng araw-araw na pag-asa ko sa dalawang bagay: una, isang gamit na tumutulong sa akin na mapalinaw, mapagtuunan, at makita ang tunay na mundo sa paligid ko; at pangalawa, isang pangangailangan sa mahahawakang gabay na patuloy akong itinuturo sa tamang direksyon. Ang simple at karaniwang gawaing ito ay nagpapakita sa akin ng isang mahalagang obserbasyon tungkol sa ating relasyon sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa ating buhay na laging puno ng mga tanong, pag-aalala, pamimilit, at oportunidad, ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin at bilang Kanyang mga anak sa tipan at maging ang Kanyang mga turo at batas ay resources na makukuha araw-araw na maaasahan nating maging “liwanag na nagniningning, … na nagbibigay-liwanag sa [ating] mga mata [at] nagpapabilis ng [ating] mga pang-unawa.”2 Habang hangad natin ang mga pagpapala ng Espiritu sa ating buhay, magagawa natin, gaya ng itinuro ni Jacob, na makita “ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at … kung ano talaga ang magiging ito.”3

Bilang mga anak ng tipan ng Diyos, mapalad tayong mabiyayaan ng saganang kagamitang pinili ng Diyos para mas maunawaan natin ang mga espirituwal na bagay. Ang mga salita at turo ni Jesucristo na nakatala sa banal na kasulatan at ang mga mensahe mula sa Kanyang hinirang na mga propeta, at ang Kanyang Espiritu na natatanggap sa araw-araw na panalangin, regular na pagdalo sa templo, at lingguhang ordenansa ng sakramento ay makakatulong na maibalik ang kapayapaan at mailaan ang kinakailangang kaloob na makahiwatig na naghahatid ng liwanag ni Cristo at ng Kanyang pag-unawa sa mga lihim ng ating buhay at sa isang mundong puno ng pagdududa. Ang Tagapagligtas ay maaari ding maging ating kompas at kapitan sa ating paglalayag kapwa sa mga payapa at sa magulong panahon ng buhay. Mapapadali Niya ang tamang landas patungo sa ating walang-hanggang destinasyon. Kaya ano ang nais Niyang makita natin, at saan Niya tayo gustong magpunta?

Itinuro na ng ating mahal na propeta na “ang ating pansin ay kailangang nakatuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo” at kailangan nating “[sikaping] magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip.”4 Nangako rin si Pangulong Nelson na, “walang higit na makapag-aanyaya pa sa Espiritu kaysa sa pagtutuon ninyo kay Jesucristo. … Aakayin at gagabayan Niya kayo sa inyong personal na buhay kung kayo ay maglalaan ng panahon para sa Kanya sa inyong buhay—sa bawat araw.”5 Mga kaibigan, si Jesucristo ang layunin ng ating buhay kaya nga tayo nagtutuon sa Kanya. Para tulungan tayong manatiling nakatuon at papunta sa tamang direksyon, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na tingnan ang ating buhay sa pamamagitan Niya para makita pang lalo ang Kanyang mga pagpapala at patnubay sa ating buhay. Nalaman ko ang iba pa tungkol sa partikular na paanyayang ito sa pag-aaral ko ng Lumang Tipan.

Ang batas ni Moises ay ibinigay sa mga Israelita noon bilang ebanghelyo ng paghahanda, na dinisenyo para ihanda ang mga tao sa mas mataas na pakikipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo.6 Ang batas, na sagana sa simbolismong nagtuturo sa mga mananampalataya na “[umasa] sa pagparito” at Pagbabayad-sala ni Jesucristo,7 ay nilayon upang tulungan ang mga Israelita na magtuon sa Tagapagligtas sa pagsampalataya sa Kanya, sa Kanyang sakripisyo, at sa Kanyang mga batas at utos sa kanilang buhay8—layon nitong bigyan sila ng higit na pagkaunawa sa kanilang Manunubos.

Tulad natin ngayon, ang mga tao ng Diyos noon ay inanyayahang tingnan ang kanilang buhay sa paraan ng pagtingin Niya upang makita pang lalo ang mga pagpapala at patnubay Niya sa kanilang buhay. Ngunit nang sumapit ang ministeryo ng Tagapagligtas, nalimutan ng mga Israelita si Cristo sa kanilang mga ginagawa, isinantabi Siya at nagdagdag sa batas ng mga kaugaliang hindi awtorisado na walang simbolismong nakaturo sa tunay at tanging pinagmumulan ng kanilang kaligtasan at pagkatubos—si Jesucristo.9

Naging magulo at malabo na ang pang-araw-araw na gawain ng mga Israelita. Naniwala ang mga anak ni Israel, sa kalagayang ito, na ang mga kaugalian at ritwal ng batas ang landas patungo sa personal na kaligtasan at kahit paano ay nilimitahan ang batas ni Moises sa isang grupo ng mga sistema sa pamamahala sa buhay ng mga tao.10 Kinailangan dito na ibalik ng Tagapagligtas ang tuon at kalinawan ng Kanyang ebanghelyo.

Sa huli ay marami sa mga Israelita ang hindi tumanggap sa Kanyang mensahe, at inakusahan pa nga ang Tagapagligtas—Siya na nagbigay ng batas at nagpahayag na Siya ang “batas, at ang ilaw”11—ng paglabag dito. Gayunpaman ay ipinahayag ni Jesus sa Kanyang Sermon sa Bundok, patungkol sa batas ni Moises, na, “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.”12 Ang Tagapagligtas, sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, ay winakasan pagkatapos ang paggamit ng mga simbolo, regulasyon, at seremonyang ginagawa ng mga tao ni Israel noon. Ang Kanyang huling sakripisyo ay humantong sa paglipat mula sa pagsasakripisyo ng sinusunog na mga alay tungo sa pag-aalay ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu,”13 mula sa ordenansa ng sakripisyo tungo sa ordenansa ng sakramento.

Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, sa pagtuturo tungkol sa paksa, “Sa isang banda, nagbago ang tuon ng sakripisyo mula sa alay tungo sa nag-aalay.”14 Kapag dinadala natin ang ating alay sa Tagapagligtas, inaanyayahan tayo na makita pang lalo ang mga pagpapala at patnubay ni Jesucristo sa ating buhay, habang mapagpakumbaba tayong nagpapasakop ng ating kalooban sa Kanya bilang pagkilala at pag-unawa sa Kanyang sakdal na pagpapasakop sa kalooban ng Ama. Kapag nagtutuon tayo kay Jesucristo, kinikilala at nauunawaan natin na Siya ang tanging pinagmumulan at daan para tayo mapatawad at matubos, maging tungo sa buhay na walang hanggan at kadakilaan.

Dahil maaga akong sumunod sa ebanghelyo, marami akong nakita at napunang mga pagbabago sa aking mga ugali, gawi, at pagpili nang sumapi ako sa Simbahan. Gusto nilang usisain “kung bakit” ko ginawa ang mga nakita nila—bakit ako nagpabinyag at sumapi sa kongregasyong ito ng mga mananampalataya, maging sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; bakit ko iniiwasan ang ilang gawain sa araw ng Sabbath; bakit ko matapat na sinusunod ang Word of Wisdom; bakit ko binabasa ang Aklat ni Mormon; bakit ako naniniwala at ginagawang bahagi ng buhay ko ang mga turo ng mga makabagong propeta at apostol; bakit ako dumadalo sa lingguhang mga miting ng Simbahan; bakit ko inaanyayahan ang iba na “pumarito at makita, pumarito at tumulong,pumarito at manatili,”15 at “pumarito at maging kabilang.”16

Noon, ang mga tanong na iyon ay parang nakakapanghina at, sa totoo lang, kung minsa’y mapagparatang. Ngunit sa pagharap ko sa pagdududa ng mga tao sa aking mga desisyon, natanto ko na ang pagsisiyasat nila, sa katunayan, ang unang paanyaya kong kumuha at magsuot ng espirituwal na salamin para mapalinaw, mapagtuunan, at mapatibay ang nakaganyak sa akin na sundin ang mga gawi at pamantayan ng ebanghelyo. Ano ang pinagmulan ng aking patotoo? Ang ginagawa ko ba ay “mga panlabas na gawa” lamang nang hindi hinahayaan ang mga gawing iyon na magkaroon ng kaugnayan sa mga batas ng Diyos para “palakasin ang [aking] pananampalataya kay Cristo,”17 o para ipakita na nauunawaan ko na si Jesucristo ang tanging pinagmumulan ng kapangyarihan sa aking mga ginagawa?

Sa matinding pagsisikap na isaalang-alang at hanapin si Jesucristo sa bawat iniisip at ginagawa ko, naliwanagan ang aking mga mata, at napukaw ang aking pang-unawa para mapansin na tinatawag ako ni Jesucristo na “lumapit sa” Kanya.18 Mula nang maging disipulo ako noong kabataan ko, naaalala ko ang pagyaya sa akin ng mga missionary na samahan sila sa pagtuturo ng ebanghelyo sa isang grupo ng mga dalagitang halos kaedad ko. Isang gabi, habang nakaupo kami sa tahanan ng isa sa mga dalagitang ito, nasaktan ang puso ko sa taimtim na tanong nila kung bakit ako naniniwala at dahil doon ay nagpatotoo ako sa kanila nang may malalim na pagkaunawa sa pangitain ng Panginoon tungkol sa mga espirituwal na motibasyon ng aking pagkadisipulo at nagpadalisay sa aking patotoo mula noon.

Nalaman ko noon, tulad ng alam ko ngayon, na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang gumagabay sa ating mga paa patungo sa mga meetinghouse bawat linggo para tumanggap ng Kanyang sakramento, patungo sa bahay ng Panginoon para makipagtipan sa Kanya, patungo sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta para malaman ang Kanyang mga salita. Ginagabayan Niya ang ating bibig para magpatotoo tungkol sa Kanya, ang ating kamay para tumulong at maglingkod na katulad Niya, ang ating mata para tingnan ang mundo at ang bawat isa na katulad ng pagtingin Niya—“kung ano talaga ang mga ito, at … kung ano talaga ang magiging ito.”19 At habang tinutulutan natin Siyang gabayan tayo sa lahat ng bagay, tumatanggap tayo ng patotoo na “lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos,”20 dahil saan man natin Siya hanapin ay naroon Siya21—sa bawat araw. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.