2022
Na-update ang Gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan
Nobyembre 2022


Mga Balita sa Simbahan

Na-update ang Gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan

Binago na ng Simbahan ang gabay nito para sa mga kabataang Banal sa mga Huling Araw. Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili ay nag-aanyaya sa mga kabataan na gamitin ang kanilang kalayaang pumili at maghanap ng inspirasyon para maipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo.

“Si Jesucristo ang pinakamabuting gabay ninyo sa pagpili. Si Jesucristo ang lakas ng mga kabataan,” pagtuturo ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol sa sesyon sa Sabado ng umaga ng pangkalahatang kumperensya. “Ang layunin ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ay ibaling kayo sa Kanya. Itinuturo nito sa inyo ang mga walang-hanggang katotohanan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo—mga katotohanan tungkol sa kung sino kayo, kung sino Siya, at ano ang maisasakatuparan ninyo gamit ang Kanyang lakas” (“Si Jesucristo ang Lakas ng mga Kabataan,” Liahona, Nob. 2022, 10–11).

Hinihikayat ang mga kabataan na gamitin ang mga alituntunin sa gabay para makagawa ng mabubuting pagpili sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. Maaaring naisin ng mga magulang, lider, at kabataan na pag-aralan at ibahagi ang gabay sa tahanan, sa mga miting tuwing Linggo, at sa mga aktibidad, pati na sa mga camp at youth conference. Maaaring naisin ng mga lider ng Young Men at Young Women na bigyang-diin palagi ang mga alituntuning matatagpuan sa gabay. Ang mga alituntuning iyon ay maaari ding maging pokus o tuon ng taunang standards night para sa mga kabataan at kanilang mga magulang.

Ang bagong gabay ay makukuha nang digital sa 50 wika sa bahaging Mga Kabataan ng Gospel Library at sa youth.ChurchofJesusChrist.org. Ang mga naka-print na kopya ay malapit nang ipadala sa mga ward at branch sa buong mundo.