Tapang na Ipahayag ang Katotohanan
Kapag nalaman na natin ang katotohanan, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon na gawin ang Kanyang gagawin kung narito Siya ngayon.
Noong 1982, tinatapos ko ang aking associate’s degree sa topography sa isang technical school.
Sa pagtatapos ng taon, niyaya ako ng isang kaklase ko na mag-usap kami. Naaalala ko na iniwan namin ang iba pa naming mga kaklase at nagpunta kami sa isang lugar sa tabi ng sports court. Pagdating namin doon, kinausap niya ako tungkol sa kanyang mga paniniwala sa relihiyon, at hindi lang siya nagpakita sa akin ng isang aklat, kundi ibinigay pa niya iyon sa akin. Sa totoo lang, hindi ko matandaan ang lahat ng sinabi niya, pero tandang-tanda ko ang sandaling iyon at ang nadama ko nang sabihin niyang, “Gusto kong magpatotoo sa iyo na ang aklat na ito ay totoo at na naipanumbalik na ang ebanghelyo ni Jesucristo.”
Pagkatapos ng pag-uusap namin, umuwi ako, binuklat ko ang ilang pahina ng aklat, at inilagay iyon sa istante. Dahil patapos na ang taon, at iyon ang huling taon ng aking topography degree, hindi ko talaga gaanong pinansin ang aklat o ang kaklase kong nagbahagi niyon sa akin. Mahuhulaan na ninyo ang titulo ng aklat. Tama, Aklat ni Mormon iyon.
Makalipas ang limang buwan, dumating ang mga missionary sa bahay ko; paalis na sila nang dumating ako mula sa trabaho. Pinapasok ko ulit sila. Umupo kami sa maliit na patyo sa harap ng bahay ko, at tinuruan nila ako.
Sa paghahanap ko sa katotohanan, tinanong ko sila kung aling simbahan ang totoo at kung paano ko iyon matatagpuan. Itinuro sa akin ng mga missionary na puwede kong malaman ang sagot para sa sarili ko. Sa laki ng pag-asam at hangarin, tinanggap ko ang hamon nilang basahin ang ilang kabanata mula sa Aklat ni Mormon. Nanalangin ako nang may matapat na puso at tunay na layunin (tingnan sa Moroni 10:4–5). Malinaw ang sagot sa aking tanong, at pagkaraan ng ilang araw—noon mismong Mayo 1, 1983—nabinyagan ako at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ngayon, kapag iniisip ko ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, malinaw kong nakita kung gaano kahalaga ang tapang ng kaklase ko nang magpatotoo siya tungkol sa ipinanumbalik na katotohanan at ibigay niya sa akin ang nahahawakang katibayan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, maging ang Aklat ni Mormon. Ang simpleng pagkilos na iyon, ngunit may malalim na kahalagahan sa akin, ay lumikha ng koneksyon sa pagitan ko at ng mga missionary nang makausap ko sila.
Nailahad na sa akin ang katotohanan, at matapos akong binyagan, naging disipulo ako ni Jesucristo. Nang sumunod na mga taon, at sa tulong ng napakaespesyal na mga tao tulad ng mga lider, guro, at kaibigan, at sa pamamagitan din ng personal kong pag-aaral, nalaman ko na nang magpasiya akong maging disipulo ni Jesucristo, tinanggap ko na ang tungkuling hindi lamang ipagtanggol ang katotohanan kundi ipahayag din iyon.
Kapag sumasang-ayon tayong maniwala sa katotohanan at sundin iyon, at kapag nagsisikap tayong maging mga tunay na disipulo ni Jesucristo, hindi tayo tumatanggap ng isang sertipikong may garantiya na hindi tayo magkakamali, na hindi tayo matutuksong talikuran ang katotohanan, na hindi tayo pipintasan, o na hindi pa nga tayo daranas ng mga paghihirap. Ngunit ang kaalaman sa katotohanan ay nagtuturo na kapag pumasok tayo sa makipot at makitid na landas na maghahatid sa atin pabalik sa presensya ng Ama sa Langit, laging magkakaroon ng paraan para matakasan ang mga problemang ito (tingnan sa 1 Corinto 10:13); laging magkakaroon ng posibilidad na pagdudahan muna ang ating mga pagdududa bago natin pagdudahan ang ating pananampalataya (tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 21); at ang panghuli, may garantiya tayo na kailanma’y hindi tayo mag-iisa kapag nagdaan tayo sa mga paghihirap, sapagkat dinadalaw ng Diyos ang Kanyang mga tao sa gitna ng kanilang mga paghihirap (tingnan sa Mosias 24:14).
Kapag nalaman na natin ang katotohanan, binibigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon na gawin ang Kanyang gagawin kung narito Siya ngayon. Tunay ngang ipinakita Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga turo kung ano ang kailangan nating gawin: “At kayo ay hahayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu, mangangaral ng aking ebanghelyo, dala-dalawa, sa aking pangalan, lalakasan ang inyong mga tinig gaya ng tunog ng isang pakakak, na nagpapahayag ng aking salita katulad ng mga anghel ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 42:6). Ang pagkakataon ng ating mga kabataan na maglingkod bilang missionary ay walang katulad!
Mga kabataang lalaki, huwag sana ninyong ipagpaliban ang inyong paghahandang maglingkod sa Panginoon bilang mga missionary. Kapag naharap kayo sa mga sitwasyon na nagpapahirap sa inyong pagpapasiya na maglingkod sa misyon—tulad ng pansamantalang paghinto sa inyong pag-aaral, pagpapaalam sa inyong kasintahan nang walang garantiya na idedeyt ninyo siyang muli, o maging ang pagbibitiw sa trabaho—tandaan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Sa panahon ng Kanyang ministeryo, nakaranas din Siya ng hirap, pati na ng pamimintas, pag-uusig, at sa huli ay ng mapait na saro ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Subalit sa lahat ng sitwasyon ay hinangad Niyang sundin ang kalooban ng Ama at luwalhatiin Siya. (Tingnan sa Juan 5:30; 6:38–39; 3 Nephi 11:11; Doktrina at mga Tipan 19:18–19.)
Mga kabataang babae, malugod namin kayong tinatanggap, kung nais ninyo, na gumawa sa ubasan ng Panginoon, at habang inihahanda ninyo ang inyong sarili na maglingkod bilang mga full-time missionary, mararanasan din ninyo ang mga hamong ito.
Sa lahat na nagpapasiyang maglingkod sa Kanya, ipinapangako ko sa inyo na ang 24 o 18 buwan ng paglilingkod ay lilipas sa misyon na tulad ng paglipas nito kung nanatili kayo sa bahay, ngunit ang mga oportunidad na naghihintay sa misyon sa karapat-dapat na mga kabataang lalaki at babae ng Simbahang ito ay walang katulad. Ang pribilehiyong katawanin ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan ay hindi maaaring balewalain. Ang pakikibahagi sa di-mabilang na panalangin, pagkakaroon at pagbabahagi ninyo ng patotoo nang ilang beses sa isang araw, pag-aaral ng mga banal na kasulatan nang maraming oras, at pagkausap sa mga taong hindi sana ninyo makikilala kailanman kung nanatili kayo sa bahay, ay mga karanasang mahirap ilarawan. Ang ganito ring antas ng karanasan ay nakalaan para sa mga kabataang tinawag ng Panginoon na maglingkod sa mga service mission. Lubos namin kayong tinatanggap at kailangan. Huwag sana ninyong maliitin ang kahalagahan ng isang service mission, sapagkat ang mga service mission ay naglalaan din ng mga karanasang mahirap ilarawan. “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10), kabilang na ang kahalagahan ng inyong kaluluwa.
Pag-uwi ninyo mula sa inyong paglilingkod, marahil ay hindi na naghihintay sa inyo ang inyong kasintahan, pero natutuhan na ninyo nang husto kung paano makipag-ugnayan sa mga tao sa epektibong paraan. Magkakaroon ng higit na katuturan ang mga pinag-aralan ninyo sa paaralan dahil sa limitado ngunit kapaki-pakinabang na mga karanasan ninyo sa misyon na makakatulong sa paghahanda ninyong makapagtrabaho, at sa huli, magkakaroon kayo ng lubos na katiyakan na matapang na ipahayag ang ebanghelyo ng kapayapaan, na nagpapatotoo tungkol sa ipinanumbalik na katotohanan.
Sa inyo na may-asawa na at nasa iba’t ibang yugto ng inyong buhay, kailangang-kailangan kayo sa gawain ng Panginoon. Ihanda ang inyong sarili. Mamuhay nang malusog, hangaring makaasa sa sarili sa temporal at espirituwal, dahil ang mga oportunidad na gawin ang gagawin ng Panginoon para sa Kanyang mga anak ay hindi limitado sa iisang grupo ng mga taong magkakaedad. Ang pinakamasasayang karanasan naming mag-asawa nitong huling mga taon ay nagmula sa paglilingkod na kasama ang espesyal na mga mag-asawa, paglilingkod sa espesyal na mga lugar, at paglilingkod sa napakaespesyal na mga tao.
Ang mga karanasan ko sa pagtatapos ng topography degree ay nagturo sa akin na lagi nating naipagtatanggol ang katotohanan kapag ipinapahayag natin ito at na ang pagtatanggol sa katotohanan ay isang gawaing may kasamang pagkilos. Ang pagtatanggol sa katotohanan ay hindi dapat gawin kailanman sa agresibong paraan kundi nang may tunay na hangaring mahalin, bahaginan, at anyayahan ang mga taong binabahaginan natin ng patotoo tungkol sa katotohanan, na ang tanging iniisip ay ang temporal at espirituwal na kapakanan ng mga anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 2:41).
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2021, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, na ating mahal na propeta, na taliwas sa iniisip ng ilan, talagang mayroon ng tinatawag nating tama at mali. Talagang mayroong hindi-nagbabagong katotohanan—isang walang-hanggang katotohanan. (Tingnan sa “Dalisay na Katotohanan, Dalisay na Doktrina, at Dalisay na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2021, 6.)
Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan, “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (Doktrina at mga Tipan 93:24).
Ang kaalaman sa katotohanan ay hindi tayo ginagawang mas mabuti kaysa sa ibang mga tao, kundi itinuturo nito sa atin ang dapat nating gawin para makabalik sa presensya ng Diyos.
Habang patuloy kayong namumuhay nang tapat ayon sa mga turo ni Cristo at may tapang na hindi lamang ipahayag ang katotohanan kundi ipamuhay ang katotohanan, makasusumpong kayo ng kapanatagan at kapayapaan sa gitna ng kaguluhang mararanasan ninyo sa mga panahong ito.
Maaari tayong pabagsakin ng mga hamon sa buhay, ngunit dapat ninyong malaman na kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, ang “[ating] mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang” (Doktrina at mga Tipan 121:7) kung iisipin ang kahalagahan ng kawalang-hanggan. Huwag sana kayong magtakda ng araw na dapat matapos ang inyong mga hirap at pagsubok. Magtiwala sa Ama sa Langit at huwag sumuko, sapagkat kung sumuko nga tayo, hinding-hindi natin malalaman kung paano magwawakas ang ating paglalakbay sa kaharian ng Diyos.
Kumapit sa katotohanan, matuto mula sa mga pinagmumulan ng katotohanan:
-
Mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 32:3).
-
Mga salita ng mga propeta (tingnan sa Amos 3:7).
-
Espiritu Santo (tingnan sa Juan 16:13).
Pinatototohanan ko si Jesucristo at na ito ang Kanyang Simbahan. Mayroon tayong buhay na propeta, at lagi nating madarama ang kalayaan kapag ipinahayag natin ang katotohanan nang may tapang. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.