2022
Magtuon sa Templo
Nobyembre 2022


7:19

Magtuon sa Templo

Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.

Mahal kong mga kapatid, sa limang napakagandang sesyon ng pangkalahatang kumperensyang ito, nabuksan muli ang kalangitan sa atin! Dalangin ko na sana itinala ninyo ang mga pahiwatig sa inyo at sundin ang mga ito. Nakahandang tumulong sa inyo ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Hinihikayat ko kayong dagdagan ang inyong mga pagsisikap na hingin ang Kanilang tulong.

Kamakailan lamang, nagkaroon kami ni Sister Nelson ng pagkakataong mapanood ang preview ng bagong season 4 ng Mga Video ng Aklat ni Mormon.1 Bingyang-inspirasyon kami ng mga ito! Nais kong ipakita sa inyo ang isang maikling tagpo na nagpapakita ng pagbisita ng Tagapagligtas sa mga Nephita.

Makabuluhan na pinili ng Tagapagligtas na magpakita sa mga tao sa templo. Bahay Niya ito. Puno ito ng Kanyang kapangyarihan. Huwag nating kalimutan ang ginagawa ng Panginoon para sa atin ngayon. Pinadadali Niya ang pagpunta sa Kanyang mga templo. Pinabibilis Niya ang pagtatayo natin ng mga templo. Dinaragdagan Niya ang ating abilidad na tumulong sa pagtipon ng Israel. Ginagawa rin Niyang mas madali para sa bawat isa sa atin na maging dalisay sa espirituwal. Ipinapangako ko na ang mas madalas na pagpunta sa templo ay magpapala sa inyong buhay na hindi matatamo sa ibang paraan.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong 168 na bukas na mga templo at 53 na bagong templo na itinatayo at 54 pa na nasa proseso ng pagdidisenyo!2 Masaya kong inaanunsiyo ang aming mga plano na magtayo ng bagong templo sa bawat isa sa mga sumusunod na lokasyon: Busan, Korea; Naga, Philippines; Santiago, Philippines; Eket, Nigeria; Chiclayo, Peru; Buenos Aires City Center, Argentina; Londrina, Brazil; Ribeirão Prêto, Brazil; Huehuetenango, Guatemala; Jacksonville, Florida; Grand Rapids, Michigan; Prosper, Texas; Lone Mountain, Nevada; at Tacoma, Washington.

Nagpaplano rin kaming magtayo ng maraming templo sa malalaking siyudad kung saan isang malaking hamon ang oras ng pagbiyahe sa isang templong naroon na. Dahil dito, masaya kong inaanunsiyo ang apat na karagdagang lokasyon malapit sa Mexico City kung saan magtatayo ng bagong mga templo sa Cuernavaca, Pachuca, Toluca, at Tula.

Mahal kong mga kapatid, nawa’y mas lalo pa kayong magtuon sa templo sa mga paraang hindi pa ninyo nagagawa. Binabasbasan ko kayong maging mas malapit sa Diyos at kay Jesucristo araw-araw. Mahal ko kayo. Patnubayan nawa kayo ng Diyos hanggang sa muli nating pagkikita, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang bagong mga video na ito ay mapapanood sa maraming wika sa Gospel Library at iba pang mga channel. Magpapalabas ng mga episode kada linggo simula ngayon pagkatapos ng kumperensya.

  2. Hanggang nitong Oktubre 1, 2022, apat pang templo ang ginagawan ng renobasyon (St. George Utah, Manti Utah, Salt Lake, at Columbus Ohio), at tatlo ang ilalaan (Hamilton New Zealand, Quito Ecuador, at Belém Brazil).