2022
Maligaya Magpakailanman
Nobyembre 2022


13:21

Maligaya Magpakailanman

Ang tunay at tumatagal na kaligayahan at kawalang-hanggan kasama ang mga mahal natin sa buhay ang pinakadiwa ng plano ng kaligayahan ng Diyos.

Mga kaibigan, at minamahal na mga kapatid, naaalala ba ninyong naniwala kayo, o gustong maniwala, sa kaligayahang magpakailanman?

Pagkatapos ay nangyayari ang mga pangyayari sa buhay. “Lumalaki” tayo. Nagiging kumplikado ang mga relasyon. Ang mundo ay maingay, matao, mapilit, mapagkunwari at mapanlinlang. Gayunman, sa “kaibuturan ng [ating] puso,”1 naniniwala tayo, o gusto nating maniwala, na sa isang dako, kahit paano, ang kaligayahang magpakailanman ay tunay at posible.

Ang “kaligayahang magpakailanman” ay hindi kathang-isip lang. Ang tunay at tumatagal na kaligayahan at kawalang-hanggan kasama ang mga mahal natin sa buhay ang pinakadiwa ng plano ng kaligayahan ng Diyos. Dahil sa daan na magiliw na inihanda, ang ating paglalakbay sa kawalang-hanggan ay magiging maligaya magpakailanman.

Marami tayong dapat ipagdiwang at dapat ipagpasalamat. Gayunman, walang perpekto sa atin, ni sa mga pamilya. Kabilang sa ating mga relasyon ang pagmamahal, pakikipagkapwa, at paggiging personal pero madalas din ang alitan, sakit ng kalooban, at kung minsan ang matinding sakit.

“Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.”2 Kasama sa pagkabuhay kay Jesucristo ang imortalidad—ang Kanyang kaloob na pisikal na muling pagkabuhay natin. Sa pamumuhay natin nang may pananampalataya at pagsunod, kasama rin sa pagkabuhay kay Cristo ang saganang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos at ng mga taong mahal natin.

Sa pambihirang paraan, mas inilalapit tayo ng propeta sa ating Tagapagligtas, pati na sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa at tipan sa templo na mas inilalapit sa atin sa maraming lugar. Napakalaki ng ating oportunidad at kaloob na makadiskubre ng bagong espirituwal na pang-unawa, pagmamahal, pagsisisi, at pagpapatawad sa bawat isa at sa ating mga pamilya, sa buhay na ito at sa walang hanggan.

Ibabahagi ko sa inyo, nang may pahintulot, ang dalawang sagrado at kakaibang espirituwal na karanasan na ikinuwento ng mga kaibigan ko tungkol kay Jesucristo na pinagkakaisa ang mga pamilya sa pamamagitan ng pagpapagaling ng maraming henerasyon nang alitan.3 “Walang katapusan at walang hanggan”4 at “mas matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan,”5 matutulungan tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na magkaroon ng kapayapaan sa ating nakaraan at pag-asa sa ating hinaharap.

Nang sumapi sila sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kaibigan ko at ang asawa niya ay nagalak na malaman na ang mga relasyon ng pamilya ay hindi kailangang maging “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan.” Sa bahay ng Panginoon, ang mga pamilya ay magkakasama sa walang-hanggan (mabubuklod).

Pero ayaw ng kaibigan kong mabuklod sa kanyang ama. “Hindi siya mabuting asawa sa aking ina. Hindi siya mabuting ama sa kanyang mga anak,” sabi niya. “Kailangang maghintay ang tatay ko. Hindi ko gustong gawin ang gawain para sa kanya sa templo at mabuklod sa kanya sa kawalang-hanggan.”

Sa loob ng isang taon, siya ay nag-ayuno, nagdasal, nakipag-usap nang maraming beses sa Panginoon tungkol sa kanyang ama. Sa huli, handa na siya. Nakumpleto ang gawain sa templo para sa kanyang ama. Kalaunan, sinabi niya, “Habang natutulog ako, nagpakita ang tatay ko sa isang panaginip, nakasuot siya ng puti. Nagbago na siya. Sinabi niya, ‘Tingnan mo ako. Malinis na malinis ako. Salamat sa paggawa mo ng gawain sa templo para sa akin.’” Dagdag pa ng kanyang ama, “Bumangon ka at magbalik sa templo; naghihintay nang mabinyagan ang kapatid mo.”

Sabi ng kaibigan ko, “Ang mga ninuno ko at ang mga pumanaw na ay sabik na naghihintay na magawan ng gawain sa templo.”

“Para sa akin,” sabi niya, “ang templo ay lugar ng paggaling, pagkatuto, at pagkilala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Pangalawang karanasan. Isa pang kaibigan ang matiyagang nagsaliksik ng kanyang family history. Gusto niyang matukoy ang kanyang lolo-sa-tuhod.

Isang umaga, sinabi ng kaibigan ko na nadama niya ang espirituwal na presensya ng isang tao sa kanyang silid. Gusto ng lalaking iyon na mahanap at makilala siya sa kanyang pamilya. Nalulungkot ang lalaki sa isang pagkakamali na pinagsisihan na niya ngayon. Tinulungan ng lalaki ang kaibigan ko na matanto na walang DNA connection ang kaibigan ko sa taong inakala niyang lolo niya sa tuhod. “Sa madaling salita,” sinabi ng kaibigan ko na, “Natagpuan ko ang aking lolo-sa-tuhod at nalaman na hindi siya ang taong nakasaad sa aming mga family record na aming lolo-sa-tuhod.”

Nalinaw ang mga relasyon ng kanyang pamilya, sinabi ng kaibigan ko na, “Nadarama kong malaya ako at payapa. Malaking bagay ang malaman kung sino talaga ang mga kapamilya ko.” Sabi ng kaibigan ko, “Ang baluktot na sanga ay hindi nangangahulugan na masama ang puno. Ang pagparito natin sa mundong ito ay hindi kasinghalaga ng kung sino tayo kapag iniwan na natin ito.”

Ang mga banal na kasulatan at sagradong mga karanasan ng personal na paggaling at kapayapaan, pati na sa mga buhay sa daigdig ng mga espiritu, ay nagtuturo ng limang alituntunin ng doktrina.

Una: Sa sentro ng plano ng pagtubos at kaligayahan ng Diyos, si Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay nangangakong pagsasamahin ang ating espiritu at katawan, “hindi na kailanman maghihiwalay, upang [tayo] ay makatanggap ng ganap na kagalakan.”6

Pangalawa: Ang Pagbabayad-sala ni Cristo—ay dumarating kapag sumampalataya tayo at naghahatid ng mga bunga tungo sa pagsisisi.7 Kung paano sa mortalidad ay gayun din sa imortalidad. Ang mga ordenansa sa templo mismo ay hindi nagpapabago sa atin o sa mga nasa daigdig ng mga espiritu. Ngunit ang mga banal na ordenansang ito ay naghahatid ng nakadadalisay na mga pakikipagtipan sa Panginoon, na magdudulot ng pagkakasundo sa Kanya at sa bawat isa.

Nagiging lubos ang ating kagalakan kapag nadarama natin ang biyaya at pagpapatawad ni Jesucristo sa atin. At sa pag-alok natin ng himala ng Kanyang biyaya at kapatawaran sa bawat isa, ang awang natatanggap natin at ang awang alok natin ay makatutulong para magkaroon ng katuwiran ang mga kawalang-katarungan sa buhay.8

Pangatlo: Perpekto ang pagkilala at pagmamahal sa atin ng Diyos. “Ang Diyos ay hindi maaaring lokohin,”9 ni hindi Siya maaaring malinlang. Sa ganap na habag at katarungan, niyayakap ng Kanyang mga bisig ng kaligtasan ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi.

Sa Kirtland Temple, nakita ni Propetang Joseph Smith sa pangitain ang kapatid niyang si Alvin na ligtas sa kahariang selestiyal. Namangha si Propetang Joseph, dahil namatay si Alvin bago pa niya natanggap ang nakaliligtas na ordenansa ng binyag.10 Nakakapanatag na ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit: Ang Panginoon “ay hahatulan [tayo] alinsunod sa [ating] mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng [ating] puso.”11 Ang ating kaluluwa ang nagpapatunay sa ating mga gawa at naisin.

Salamat na lang at alam natin na ang buhay at “ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos”12 at ng Pagbabayad-sala ni Cristo. Sa daigdig ng mga espiritu, kahit ang mga nagkasala at lumabag ay may pagkakataong magsisi.13

Sa kabaliktaran, ang mga taong sadyang pinipili ang kasamaan, na sadyang ipinagpapaliban ang pagsisisi, o sa anumang paraan ay binalak o batid na nilalabag nila ang mga utos, na nagpaplano ng madaling paraan ng pagsisisi, ay hahatulan ng Diyos at ng “malinaw na alaala ng lahat ng [kanilang] mga pagkakasala.”14 Hindi natin maaaring sadyaing magkasala sa Sabado, at umasa na agad na mapapatawad sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento sa Linggo. Sa mga missionary o iba pa na nagsasabing ang pagsunod sa Espiritu ay nangangahulugan na hindi kailangang sundin ang mga pamantayan ng mission o ang mga kautusan, alalahanin ninyo na ang pagsunod sa mga pamantayan ng mission at mga kautusan ay nag-aanyaya sa Espiritu. Wala dapat ni isa sa atin ang magpaliban sa pagsisisi. Ang mga pagpapala ng pagsisisi ay nagsisimula kapag nagsimula tayong magsisi.

Pang-apat: Binibigyan tayo ng Panginoon ng banal na pagkakataon na maging lalong katulad Niya sa paggawa natin ng nagliligtas na proxy na mga ordenansa sa templo na kailangan ng iba pero hindi nila magawa para sa sarili nila. Tayo ay nagiging mas buo at ganap15 sa ating pagiging “mga tagapagligtas … sa Bundok ng Zion.”16 Sa paglilingkod natin sa iba, pinagtitibay ng Banal na Espiritu ng Pangako ang mga ordenansa at pinababanal kapwa ang nagbibigay at tumatanggap. Ang nagbibigay at tumatanggap ay kapwa magagawa at mapalalalim ang tipan na nagpapabago ng buhay, at sa paglipas ng panahon ay tatanggapin ang mga pagpapalang ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob.

At, ang panglima: Itinuturo ng Ginintuang Aral17 na sa pagpapatawad sa iba sa paraan na nais nating patawarin tayo ay inaanyayahan tayong ialok sa iba ang bagay na kailangan at nais natin mismo.

Kung minsan ang kahandaan nating patawarin ang isang tao ang daan para kapwa sila at tayo ay maniwala na maaari tayong magsisi at mapatawad. Kung minsan ang kahandaang magsisi at ang kakayahang magpatawad ay hindi sabay na dumarating. Ang ating Tagapagligtas ang ating Tagapamagitan sa Diyos, pero tinutulungan din Niya tayong maabot ang walang-hanggan nating tadhana at pinatatatag ang ating ugnayan sa iba habang lumalapit tayo sa Kanya. Lalo na kapag matindi ang sakit, ang pag-aayos sa ating mga relasyon at pagpapagaling ng ating puso ay mahirap at marahil imposibleng gawin kung tayo lang ang gagawa. Pero mabibigyan tayo ng langit ng lakas at karunungan na higit sa kaya natin para malaman kung kailan magtitiis at paano pakakawalan ang isang bagay.

Hindi natin masyadong nadarama ang pag-iisa kapag natanto nating hindi tayo nag-iisa. Ang ating Tagapagligtas ay laging nakauunawa.18 Sa tulong ng ating Tagapagligtas, maisusuko natin ang ating kapalaluan, ang sakit na ating nararamdaman, ang ating mga kasalanan sa Diyos. Anuman ang nadarama natin sa simula ng prosesong ito, nagiging mas buo tayo kapag nagtitiwala tayo sa Kanya para mabuo ang ating mga ugnayan.

Ang Panginoon, na lubos na nakakakita at nakauunawa, ay pinatatawad ang nais Niyang patawarin; tayo (na hindi perpekto) ay kailangang patawarin ang lahat. Sa paglapit natin sa ating Tagapagligtas, nababawasan ang pagtuon natin sa sarili. Hindi na tayo masyadong mapanghusga at mas nagpapatawad. Ang pagtitiwala sa Kanyang kabutihan, awa, at biyaya19 ay magpapalaya sa atin mula sa alitan, galit, pang-aabuso, pag-abandona, pagiging hindi patas, at mga hamon sa katawan at isipan na kaugnay minsan ng pisikal na katawan sa mortal na mundo. Hindi ibig sabihin ng kaligayahang magpakailanman na bawat relasyon ay magiging masaya sa habampanahon. Gayunpaman, ang isang libong taon sa milenyo kung kailan nakagapos si Satanas20 ay maaaring magbigay sa atin ng panahon at mga paraan para magmahal, umunawa, at isaayos ang mga bagay habang naghahanda tayo para sa kawalang-hanggan.

Makikita natin ang pag-iral ng lipunan ng langit sa bawat isa.21 Kasama sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos ang pagsasakatuparan ng kaligayahang magpakailanman.22 Ang buhay na walang-hanggan at kadakilaan ay ang makilala ang Diyos at si Jesucristo upang, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ay mapunta tayo sa kinaroroonan Nila.23

Mahal kong mga kapatid, ang ating Diyos Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay buhay. Alok Nila ang kapayapaan, kagalakan, at paggaling sa bawat lahi at wika, sa bawat isa. Ang propeta ng Panginoon ang nagtuturo sa daan. Ang paghahayag sa mga Huling Araw ay nagpapatuloy. Nawa’y mas lumapit tayo sa ating Tagapagligtas sa banal na bahay ng Panginoon, at nawa’y mas mailapit Niya tayo sa Diyos at sa bawat isa habang ang ating mga puso ay nagkakaisa sa pagkahabag, katotohanan, at awa na ibinigay ni Cristo sa lahat ng ating henerasyon—sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan, maligaya magpakailanman. Kay Jesucristo, ito ay posible; kay Jesucristo, ito ay totoo. Ito ay pinatototohanan ko sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.