2022
Tumatagal na Pagkadisipulo
Nobyembre 2022


10:23

Tumatagal na Pagkadisipulo

Magkakaroon tayo ng espirituwal na kumpiyansa at kapayapaan habang nililinang natin ang mga banal na kaugalian at mabubuting gawain na makapagtataguyod at magpapaalab ng ating pananampalataya.

Nitong nakalipas na tag-init, mahigit 200,000 ng ating mga kabataan sa buong mundo ang lumago sa pananampalataya sa isa sa daan-daang buong-linggong mga sesyon ng For the Strength of Youth, o mga FSY conference. Sa paglabas mula sa isolation dahil sa pandemya, para sa marami, maging ang pagdalo lang ay pagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon. Marami sa mga batang kasali ang tila sumusunod sa patuloy na mas malalim na pagbabalik-loob. Pagkatapos ng kanilang linggo, gusto ko silang tinatanong, “Kumusta naman?”

Kung minsan ay ganito ang sabi nila: “Medyo nainis po ako kay Inay noong Lunes kasi pinapunta niya ako para dumalo. At wala po akong kakilala. At akala ko hindi iyon para sa akin. At wala akong mga kaibigan doon. … Pero Biyernes na po ngayon, at gusto ko dito lang ako. Gusto ko lang naman pong madama ang Espiritu sa buhay ko. Gusto ko po ang ganitong buhay.”

Bawat isa ay may sariling kuwento ng mga sandali ng kalinawan at ng mga espirituwal na kaloob na damang-dama nila at nakatulong sa kanilang pag-unlad. Binago talaga ako nitong tag-init ng FSY nang makita ko ang Espiritu ng Diyos na tumutugon sa mabubuting hangarin ng mga puso ng bawat batang ito na nagkaroon ng lakas ng loob na magtiwala sa Kanyang pangangalaga sa buong linggo.

Tulad ng magagandang barko sa dagat, nabubuhay tayo sa kapaligirang nakapipinsala kung saan dapat laging nasa isipan ang malilinis na hangarin dahil kung hindi ay maaari itong magasgas, kalawangin, at tuluyang masira.

Ano ang mga Bagay na Magagawa Natin para Manatiling Nag-aalab ang Ating mga Hangarin?

Ang mga karanasan tulad ng mga FSY conference, camp, sacrament meeting, at misyon ay makatutulong para palakasin ang ating mga patotoo, inaakay tayo tungo sa ating pag-unlad at espirituwal na pagtuklas sa mga payapang lugar. Pero ano ang kailangan nating gawin para manatili doon at “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20) sa halip na humina ulit ang ating patotoo? Kailangan nating patuloy na gawin ang mga bagay na naghatid sa atin doon, tulad ng madalas na pagdarasal, pagsubsob sa pag-aaral ng banal na kasulatan, at tapat na paglilingkod.

Para sa ilan sa atin, maaaring kailanganing magtiwala sa Panginoon kahit sa pagdalo man lang sa sacrament meeting. Pero kapag naroon na tayo, ang nagpapagaling na impluwensya ng sakramento ng Panginoon, pagpuspos ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at pangangalaga ng komunidad ng Simbahan ay makapagpapalakas sa atin.

Saan Nanggagaling ang Kapangyarihan ng Sama-samang Pagtitipon?

Sa FSY, ilang daang libo at higit pang mga kabataan natin ang mas nakakilala sa Tagapagligtas sa paggamit ng simpleng pormula ng pagsasama-sama kung saan ang dalawa o higit pa ay nagkatipon sa Kanyang pangalan (tingnan sa Mateo 18:20), nakikibahagi sa ebanghelyo at sa mga banal na kasulatan, nagkakantahan, sama-samang nagdarasal, at nagkakaroon ng kapayapaan kay Cristo. Ang paggawa nito ay makatutulong para madama ng tao ang Espiritu.

Ang malawak na samahang ito ng mga kabataan ay nakauwi na para magpasiya kung ano ang ibig sabihin ng patuloy na “magtiwala sa Panginoon” (Mga Kawikaan 3:5; tema ng kabataan sa 2022) kapag napaliligiran ng maraming di-mapigilang impluwensya ng mundo. Iba ang “pakinggan Siya” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17) sa tahimik na lugar ng pagninilay na may nakabukas na mga banal na kasulatan. Iba rin ang gampanan ang pagkadisipulo habang napalilibutan ng mga panggagambalang ito ng mundo, kung saan kailangan nating sikaping “pakinggan Siya” kahit nariyan ang pag-aalala sa sarili at paghina ng kumpiyansa. Huwag magduda: ipinakikita ng ating kabataan ang mga katangian ng mga bayani na may malakas na determinasyong manatiling matatag sa kanilang patotoo kahit nagbabago ang moral ng ating panahon.

Ano ang Magagawa ng mga Pamilya sa Tahanan para Magpatuloy ang Momentum sa mga Aktibidad ng Simbahan?

Minsan na akong naglingkod bilang asawa ng stake Young Women president. Isang gabi naatasan akong maghanda ng cookies habang nasa fireside sa chapel ang asawa ko para sa mga magulang at kanilang mga anak na naghahandang dumalo sa Young Women camp nang sumunod na linggo. Matapos ipaliwanag kung saan pupunta at ano ang dadalhin, sabi niya, “Ganito, sa Martes ng umaga kapag hinatid mo ang mga bata sa hintayan ng bus, yakapin mo sila nang mahigpit. At halikan mo sila bilang paalam—dahil hindi na sila babalik.”

Narinig kong may napanganga, at ako pala iyon. “Hindi babalik?”

Pero nagpatuloy siya: “Kapag hinatid mo ang mga bata sa Martes ng umaga, iiwanan nila ang mga panggagambala ng di-mahahalagang bagay at isang linggong sama-samang mag-aaral at lalago at magtitiwala sa Panginoon. Sama-sama kaming magdarasal at aawit at magluluto at maglilingkod at magbabahaginan ng mga patotoo at gagawa ng mga bagay na magpapadama sa amin sa Espiritu ng Ama sa Langit, buong linggo, hanggang sa manuot ito sa aming buto. At sa Sabado, ang mga batang iyon na bababa sa bus ay hindi na ang mga batang inihatid mo sa araw ng Martes. Magiging iba na sila. At kung tutulungan mo silang magpatuloy sa mataas na espirituwalidad na iyon, gugulatin ka nila. Patuloy silang magbabago at lalago. At gayon din ang pamilya mo.”

Noong Sabadong iyon, nangyari nga ang sinabi niya. Habang isinasakay ko ang mga tolda, narinig ko ang asawa ko sa munting tanghalan na iyon kung saan nagkatipon ang mga dalagita bago sila umuwi. Narinig kong sinabi niya, “Ay, andiyan na pala kayo. Buong linggo namin kayong minamasdan. Ang mga anak namin sa Sabado.”

Ang magigiting na kabataan ng Sion ay naglalakbay sa pambihirang panahon. Ang pagkakaroon ng kagalakan sa mundong ito na ipinropesiyang puno ng kaguluhan, nang hindi nagiging bahagi ng mundong iyon na hindi nagpapahalaga sa kabanalan, ang partikular na utos sa kanila. Mga isang daang taon na ang nakalipas, binanggit ito ni G. K Chesterton na para bang nakita niya itong pagiging sentro ng tahanan at suportado ng Simbahan nang sabihin niyang, “Dapat nating madama ang sansinukob na parang dambuhalang kastilyo, na babagyuhin, pero bilang sarili nating munting bahay, na mauuwian natin sa gabi” (Orthodoxy [1909], 130).

Salamat na lang at hindi sila mag-isang nakikipaglaban sa digmaan. Sama-sama sila. At nariyan kayo para sa kanila. At sinusunod nila ang buhay na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, na namumuno taglay ang kaalaman ng isang tagakita sa pagpapahayag na ang dakilang adhikain ng panahong ito—ang pagtitipon ng Israel—ay kapwa napakalaki at napakaringal (tingnan sa “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal ng mga kabataan, Hunyo 3, 2018], HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org).

Nitong tag-init, kami ng asawa kong si Kalleen ay lumipat ng eroplanong sinasakyan sa Amsterdam kung saan, maraming taon na ang nakalipas, ay baguhang missionary ako doon. Matapos ang mga buwan ng pagsisikap na matuto ng wikang Dutch, palapag na ang aming KLM flight, at may di-maunawaang anunsiyo ang aming kapitan sa PA system. Matapos ang saglit na katahimikan, bumulong ang kompanyon ko, “Parang Dutch iyon.” Nagkatinginan kami, binabasa ang kapwa iniisip namin: Nakalimutan na namin ang lahat.

Ngunit hindi namin nalimutan ang lahat. Habang nanggigilalas sa ipinakita naming pananampalataya habang naglalakad kami sa airport at iniisip ang maraming himala na naranasan namin bilang mga missionary, bigla akong nabalik sa kasalukuyang nangyayari, sa isang missionary na pasakay ng eroplano pauwi. Nagpakilala siya at nagtanong, “President Lund, ano na po ang dapat kong gawin ngayon? Ano ang dapat kong gawin para manatiling malakas?”

Ito rin ang tanong na nasa isip ng ating mga kabataan sa paglisan nila sa mga FSY conference, youth camp, at temple trip at anumang oras na dama nila ang mga kapangyarihan ng langit: “Paano mauuwi ang pagmamahal sa Diyos sa tumatagal na pagkadisipulo?”

Lalong napamahal sa akin ang dalisay na missionary na ito na naglilingkod sa mga huling oras niya sa misyon, at sa tahimik na sandaling iyon ng Espiritu narinig kong gumaralgal ang boses ko nang sabihin kong, “Hindi mo kailangang isuot ang name tag para taglayin ang Kanyang pangalan.”

Gusto ko siyang akbayan at sabihing, “Ganito ang gagawin mo. Umuwi ka at maging ganito ka lang. Napakabuti mo na halos magliwanag ka sa dilim. Ginawa ka ng iyong disiplina at mga sakripisyo sa misyon na maging kagila-gilalas na anak ng Diyos. Patuloy mong gawin sa tahanan ang bagay na umubra sa iyo dito. Natuto kang magdasal at kung kanino magdarasal at ang wikang gamit sa dasal. Napag-aralan mo ang Kanyang mga salita at natutuhang mahalin ang Tagapagligtas sa pagsisikap na maging tulad Niya. Minahal mo ang Ama sa Langit tulad ng pagmamahal Niya sa Kanyang Ama, naglingkod na tulad ng paglilingkod Niya, at ipinamuhay ang mga utos na tulad ng pamumuhay Niya sa mga ito—at sa mga panahong hindi mo ito nagawa, nagsisi ka. Ang iyong pagkadisipulo ay hindi lang slogan sa T-shirt—ito ay naging bahagi ng buhay mo na sadya mong inilaan sa iba. Kaya, umuwi ka at ipagpatuloy mo iyan. Maging ganoon ka. Taglayin ang espirituwal na momentum na ito habang ikaw ay nabubuhay.”

Alam ko na sa pagtitiwala sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang landas ng tipan, magkakaroon tayo ng espirituwal na kumpiyansa at kapayapaan habang nililinang natin ang mga banal na kaugalian at mabubuting gawain na makapagtataguyod at magpapaalab ng ating pananampalataya. Nawa’y lalo pa tayong lumapit sa maalab na apoy at, anuman ang mangyari ay manatili. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.