2022
Pagkakaroon ng Isang Buhay na Hindi Kayang Impluwensyahan ng Kaaway
Nobyembre 2022


10:32

Pagkakaroon ng Isang Buhay na Hindi Kayang Impluwensyahan ng Kaaway

Dalangin ko na patuloy nating patatagin ang ating buhay sa pagsunod sa mga plano at teknikal na mga detalye ng disenyo ng langit na itinakda ng ating Ama sa Langit.

Sa paglipas ng mga taon mula sa magandang pulpitong ito sa Conference Center, tumanggap na tayo ng magagandang payo, inspirasyon, tagubilin, at paghahayag. Kung minsan, gumamit ang mga tagapagsalita ng mga pagkukumparang nauugnay sa mga kaalaman at karanasan nila para ilarawan nang malinaw at mabisa ang isang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa ganitong paraan, halimbawa, natutuhan natin ang tungkol sa mga eroplano at paglipad kung saan ang kaunting paglihis sa simula ay maaari tayong ihantong sa isang lugar na malayo sa ating orihinal na destinasyon.1 Sa ganito ring paraan, natutuhan din natin mula sa isang pagkukumpara ang tungkol sa gamit ng ating pisikal na puso sa malaking pagbabago ng puso na kailangan para makatugon sa paanyaya ng Panginoon na sumunod sa Kanya.2

Sa pagkakataong ito, gusto kong mapagkumbabang idagdag ang isang pagkukumparang napag-aralan ko bilang paghahanda sa aking propesyon. Ang tinutukoy ko ay ang mundo ng civil engineering. Sa simula pa lang ng pag-aaral ko sa unibersidad, pinangarap ko na ang araw na makukumpleto ko ang mga kinakailangan para maging marapat na mag-enroll sa klase na magtuturo sa akin kung paano magdisenyo ng mga gusali at iba pang mga istruktura na maaaring ituring na “kontra-lindol.”

Sa wakas ay sumapit ang araw ng unang klase ko tungkol sa paksang ito. Ang unang mga salitang nagmula sa propesor ay ang mga sumusunod: “Siguradong sabik na kayong simulan ang kursong ito at matutong magdisenyo ng mga istrukturang kontra-lindol,” na sabik na tinanguan ng marami sa amin. Pagkatapos ay sinabi ng propesor, “Ikinalulungkot kong sabihin sa inyo na imposible ito, dahil hindi ko kayo matuturuang magdisenyo ng isang gusali na “kontra-lindol” o hindi mayayanig ng lindol. Walang katuturan ito,” sabi niya, “dahil magkakaroon pa rin ng mga lindol, gustuhin man natin o hindi.”

Pagkatapos ay idinagdag pa niya, “Ang maituturo ko sa inyo ay kung paano magdisenyo ng mga istrukturang hindi maaapektuhan ng lindol, mga istrukturang kayang labanan ang mga puwersang dulot ng lindol, upang manatiling nakatayo ang istruktura nang hindi gaanong nasisira at sa gayo’y patuloy na maibigay ang serbisyong siyang dahilan kaya ito idinisenyo.”

Ang engineer ang nagkakalkula ng mga dimensyon, kalidad, at katangian ng mga pundasyon, haligi, biga, kongkretong slab, at iba pang mga elemento ng istrukturang idinidisenyo. Ang mga resultang ito ang bumubuo sa mga plano at teknikal na mga detalye, na kailangang mahigpit na sundin ng arkitekto upang maitayo ang gusali at sa gayo’y maisakatupran ang layunin kaya ito idinisenyo at itinayo.

Bagama’t mahigit 40 taon na ang nakalipas mula noong unang klaseng iyon sa seismic-resistant engineering, lubos kong naaalala ang sandali na nagsimula akong magtamo ng mas malalim at mas kumpletong pag-unawa sa malaking kahalagahan na maisama ang konseptong ito sa mga istrukturang ididisenyo ko sa propesyon ko sa buhay sa hinaharap. Hindi lang iyan, kundi ang mas mahalaga pa—na permanente itong maisama sa pagpapatibay ng sarili kong buhay at sa buhay ng mga taong maaari kong maimpluwensyahan sa positibong paraan.

Napakapalad natin na nakakaasa tayo sa isang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan na nilikha ng ating Ama sa Langit, na nasa atin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, at nakakaasa tayo sa inspiradong patnubay ng mga buhay na propeta! Lahat ng nabanggit ay bumubuo sa idinisenyo ng langit na “mga plano” at sa “teknikal na mga detalye” na malinaw na itinuturo sa atin kung paano bumuo ng masasayang buhay—mga buhay na hindi naiimpluwensyahan ng kasalanan, ng tukso, ng mga pag-atake ni Satanas, na desperadong naghahangad na hadlangan ang ating walang-hanggang tadhana na makapiling ang ating Ama sa Langit at ang ating pinakamamahal na pamilya.

Ang Tagapagligtas mismo, sa simula ng Kanyang ministeryo, ay tinukso ng diyablo.3 Ngunit nagtagumpay si Jesus sa malaking pagsubok na iyon. Paano kaya nakatulong sa Kanya ang pagkakaroon ng saloobin na daigin si Satanas o paglabanan ang tukso? Nagtagumpay si Jesus mula sa pinakamahihirap na sandaling ito dahil sa Kanyang espirituwal na paghahanda, na nagtulot sa Kanya na malabanan ang mga tukso ng kaaway.

Ano ang ilan sa mga bagay na nakatulong sa Tagapagligtas na maging handa para sa mahalagang sandaling iyon?

Una, nag-ayuno Siya nang 40 araw at 40 gabi, isang pag-aayuno na malamang na sinamahan ng walang-humpay na panalangin. Kaya, bagama’t mahina ang Kanyang katawan, napakalakas ng Kanyang espiritu. Mabuti na lang, kahit hindi tayo hinihilingang mag-ayuno nang gayon katagal—kundi sa loob lang ng 24 na oras at minsan lang sa isang buwan—ang pag-aayuno ay naghahatid sa atin ng espirituwal na lakas at naghahanda sa atin na maging matatag sa mga pagsubok ng buhay na ito.

Pangalawa, sa salaysay tungkol sa mga tuksong pinagdaanan ng Tagapagligtas, nakikita natin na sinasagot Niya palagi si Satanas na nasasaisip ang mga banal na kasulatan, binabanggit ang mga iyon, at ginagamit sa tamang sandali.

Nang tuksuhin Siya ni Satanas na gawing tinapay ang mga bato para mapawi ang kanyang gutom mula sa matagal Niyang pag-aayuno, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Nasusulat, ‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’”4 Pagkatapos, noong nasa ituktok ng templo ang Panginoon, sinubukan Siyang tuksuhin ng diyablo na ipamalas ang Kanyang kapangyarihan, na sinagot ng Panginoon nang may awtoridad: “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”5 At sa pangatlong pagtatangka ni Satanas, tumugon ang Panginoon, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”6

Ang paglindol ay nag-iiwan ng tanda kahit sa mga istrukturang tama ang disenyo at pagkagawa—mga pinsalang tulad marahil ng ilang bitak, bumagsak na mga muwebles o kisame, at basag na mga bintana. Ngunit tutuparin ng gusaling ito na maganda ang disenyo at matibay ang pagkagawa ang layunin nitong protektahan ang mga nakatira dito, at sa kaunting pagkumpuni, babalik ito sa dati nitong kundisyon.

Sa gayon ding paraan, ang mga pagpapahirap ng kaaway ay maaari ding magsanhi ng “mga bitak,” o ng pagkasira ng ilang aspeto sa ating buhay, sa kabila ng ating mga pagsisikap na patatagin ang ating buhay ayon sa perpektong plano ng langit. Ang “mga bitak” na ito ay maaaring makita sa mga nadaramang kalungkutan o pagsisisi sa nagawang ilang pagkakamali at sa kabiguang magawa nang perpekto ang lahat, o pakiramdam na hindi tayo kasimbuti ng tulad ng nais natin.

Ngunit ang tunay na mahalaga ay na dahil sinunod natin ang mga plano at detalyeng idinisenyo ng langit, ibig sabihin, ang ebanghelyo ni Jesucristo, nakatayo pa rin tayo. Ang istruktura ng ating buhay ay hindi nagiba dahil sa mga ginawa ng kaaway o dahil sa mahihirap na sitwasyong kinailangan nating harapin; sa halip, handa tayong sumulong.

Ang kagalakang ipinangako sa mga banal na kasulatan bilang layunin ng ating buhay7 ay hindi dapat unawain na nangangahulugan ito na wala tayong mga problema o kalungkutan, na wala tayong “mga bitak” dahil sa mga tukso, sa kahirapan, o sa aktuwal na mga pagsubok sa ating buhay sa lupa.

Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa pananaw ni Nephi sa buhay nang sabihin niyang, “Sa dahilang nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sa labis na pagpapala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw.”8 Sa lahat ng kanyang mga araw! Kahit sa mga araw na nagdusa si Nephi noong ang sarili niyang mga kapatid na lalaki ay hindi makaunawa at itinakwil siya, kahit noong siya ay itali nila sa barko, kahit sa araw na pumanaw ang kanyang amang si Lehi, kahit noong sina Laman at Lemuel ay naging mortal na mga kaaway ng kanyang mga tao. Kahit sa mahihirap na araw na iyon, nadama ni Nephi na labis siyang pinagpala ng Panginoon.

Mapapanatag tayo sa pagkaalam na hinding-hindi tutulutan ng Panginoon na matukso tayo nang higit pa sa makakaya natin. Inaanyayahan tayo ni Alma na “magbantay at patuloy na manalangin, upang [tayo] ay hindi matukso nang higit sa [ating] makakaya, at sa gayon ay akayin ng Banal na Espiritu, magiging mapagpakumbaba, maamo, masunurin, magpatiis, puspos ng pag-ibig at mahabang pagtitiis.”9

Maiaangkop din ito sa mga pagsubok sa buhay. Ipinapaalala sa atin ni Ammon ang mga salita ng Panginoon: “Humayo … at batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay.”10

Lagi tayong tinutulungan ng Panginoon kapag nahaharap tayo sa paghihirap, tukso, kawalan ng paniniwala, mga kahinaan, at maging sa kamatayan. Sinabi Niya, “At ngayon, katotohanang sinasabi ko sa inyo, at kung ano ang aking sinabi sa isa sinasabi ko sa lahat, magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna, at hindi ko kayo pinabayaan.”11 Hinding-hindi Niya tayo iiwanan!

Dalangin ko na patuloy nating patatagin ang ating buhay sa pagsunod sa mga plano at teknikal na mga detalye ng disenyo ng langit na itinakda ng ating Ama at nakakamit sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa gayon, dahil sa biyayang dumarating sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, magtatagumpay tayo sa pagkakaroon ng buhay na hindi naiimpluwensyahan ng kasalanan, ng tukso, at pinalakas para matiis ang malulungkot at mahihirap na panahon sa ating buhay. At bukod pa riyan, makakamit natin ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa pamamagitan ng pagmamahal ng ating Ama at ng ating Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.