2022
Ang Sagot ay si Jesus
Nobyembre 2022


10:52

Ang Sagot ay si Jesus

Gaano man kahirap o nakalilito ang mga hamon, alalahanin na ang sagot ay simple: ito ay palaging si Jesus.

Isang napakalaking karangalan na magsalita sa inyo sa sesyong ito ng kumperensya. Ngayon ay tatawagin ko kayong mga kaibigan. Sa ebanghelyo ni Juan, itinuro ng Tagapagligtas na tayo ay Kanyang mga kaibigan kung ginagawa natin ang iniuutos Niya sa atin.1

Ang ating indibiduwal at sama-samang pagmamahal sa Tagapagligtas, at sa ating mga tipan sa Kanya, ang nagbibigkis sa atin. Tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring: “Gusto kong sabihin sa inyo na mahal at pinagkakatiwalaan kayo ng Panginoon. Dagdag pa riyan, gusto kong sabihin sa inyo kung gaano Niya kayo inaasahan.”2

Noong tinawag ako bilang General Authority ni Pangulong Russel M. Nelson, nagkaroon ako ng halu-halong emosyon. Napakabigat nito. Balisa naming hinintay ng asawa kong si Julie ang sesyon sa Sabado ng hapon ng pangkalahatang kumperensya. Nakadama ako ng kababaang-loob nang masang-ayunan ako. Maingat kong binilang ang mga hakbang patungo sa upuan na itinalaga sa akin para hindi ako madapa sa una kong gawain.

Sa katapusan ng sesyong iyon, may naganap na nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Ang mga miyembro ng korum ay luminya at isa-isang binati ang mga bagong Pangkalahatang Awtoridad. Bawat isa ay nagbigay ng kanilang pagmamahal at suporta. Habang nagbibigay ng mahigpit na abrazo (o yakap), sinabi nila, “Huwag kang mag-alala—kabilang ka.”

Sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas, Siya ay tumitingin sa ating puso at “walang kinikilingang tao.”3 Isaalang-alang kung paano Niya pinili ang Kanyang mga Apostol. Hindi Niya binigyang-pansin ang estado sa buhay o kayamanan. Inaanyayahan Niya tayong sundin Siya, at naniniwala akong tinitiyak Niya sa atin na nabibilang tayo sa Kanya.

Ang mensaheng ito ay partikular na akma sa mga kabataan ng Simbahan. Nakikita ko ang nakikita ni Pangulong Nelson sa inyo. Sinabi Niya na “mayroong isang bagay na hindi maikakailang espesyal tungkol sa henerasyong ito ng mga kabataan. Siguradong nagtitiwala nang husto ang inyong Ama sa Langit sa inyo para ipadala kayo sa mundo sa panahong ito. Isinilang kayo para maging dakila!”4

Nagpapasalamat ako para sa mga natututuhan ko mula sa mga kabataan. Nagpapasalamat ako sa mga itinuturo sa akin ng mga anak ko, sa mga itinuturo sa akin ng mga missionary, at sa itinuturo sa akin ng mga pamangkin ko.

Hindi pa natatagalan, nagtrabaho ako sa bukid namin kasama ng pamangkin kong si Nash. Siya ay anim na taong gulang at may dalisay na puso. Siya ang paborito kong pamangkin na Nash ang pangalan, at naniniwala ako na ako ang paborito niyang tito na nagsasalita sa kumperensya ngayon.

Habang tinutulungan niya akong makahanap ng solusyon sa aming proyekto, sinabi ko, “Nash, magandang ideya ‘yan. Paano ka naging ganyan katalino?” Tiningnan niya ako na may ekspresyon sa kanyang mga mata na nagsasabing, “Tito Ryan, paanong hindi mo po alam ang sagot sa tanong na ‘yan?”

Nagkibit-balikat lang siya, ngumiti, at may kumpiyansa niyang sinabi ang, “si Jesus.”

Ipinaalala sa akin ni Nash noong araw na iyon ang simple at malalim na turong ito. Ang sagot sa mga pinakasimpleng tanong at sa mga pinakakumplikadong problema ay palaging pareho. Ang sagot ay si Jesucristo. Ang bawat solusyon ay mahahanap sa Kanya.

Sa Ebanghelyo ni Juan, sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na maghahanda Siya ng lugar para sa kanila. Nalito si Tomas at sinabi sa Tagapagligtas:

“Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?

“Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”5

Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na Siya “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Siya ang sagot kung paano makakapunta sa Ama sa Langit. Ang pagkakaroon ng patotoo sa Kanyang banal na tungkulin sa ating buhay ay isang bagay na natutuhan ko noong binata ako.

Noong ako ay missionary sa Argentina, inanyayahan kami ni Pangulong Howard W. Hunter na gawin ang isang bagay na nagkaroon ng malaking epekto sa buhay ko. Sabi niya, “Kailangan nating kilalanin si Cristo nang higit kaysa pagkakilala natin sa Kanya; kailangan natin Siyang alalahanin nang mas madalas kaysa pag-alaala natin sa Kanya; kailangan natin Siyang paglingkuran nang mas masigasig kaysa paglilingkod natin sa Kanya.”6

Noong panahong iyon, inaalala ko kung paano maging mas mabuting missionary. Ito ang sagot: ang makilala si Cristo, ang maalaala Siya, at ang maglingkod sa Kanya. Ang mga missionary sa buong mundo ay nagkakaisa sa layuning ito: na “anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na matanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo [sa pamamagitan ng pagkakaroon] ng pananampalataya [sa Kanya] at sa Kanyang Pagbabayad-sala” at sa pamamagitan ng “pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”7 Sa ating mga kaibigan na nakikinig sa mga missionary, idinaragdag ko ang aking paanyaya na lumapit kay Cristo. Sama-sama tayong magsisikap na makilala Siya, alalahanin Siya, at paglingkuran Siya.

Ang paglilingkod sa misyon ay isang sagradong panahon ng buhay ko. Sa huling interbyu niya sa akin bilang full-time missionary, binanggit ni President Blair Pincock ang tungkol sa pagbabagong mangyayari sa mga lider ng mission, dahil malapit na rin nilang makumpleto ng kanyang asawa ang kanilang paglilingkod. Pareho kaming malungkot na iiwan na namin ang isang bagay na minamahal namin. Nakita niya na nahihirapan akong isipin na hindi na ako full-time missionary. Siya ay isang lalaking may malaking pananampalataya at buong pagmamahal niya akong tinuruan tulad ng ginawa niya sa nakalipas na dalawang taon. Itinuro niya ang larawan ni Jesucristo sa ibabaw ng kanyang mesa at sinabing,”Elder Olsen, magiging maayos ang lahat dahil ito ay Kanyang gawain.” Nadama ko ang katiyakan dahil nalaman ko na tutulungan tayo ng Tagapagligtas, hindi lamang habang naglilingkod tayo kundi palagi—kung pahihintulutan natin Siya.

Si Sister Pincock ay nagturo sa amin mula sa kaibuturan ng kanyang puso gamit ang pinakasimpleng mga katagang Espanyol. Kapag sinabi niyang, “Jesucristo vive,” alam kong totoo ito at na Siya ay buhay. Kapag sinabi niyang, “Elderes y hermanas, les amo,” alam kong mahal niya kami at gusto niyang sundin namin palagi ang Tagapagligtas.

Kamakailan ay pinagpala kami ng asawa ko na maglingkod bilang mga mission leader para gumawa kasama ng namumukod-tanging mga missionary sa Uruguay. Masasabi kong sila ang pinakamagagaling na missionary sa buong mundo, at tiwala akong ganito ang nadarama ng bawat mission leader. Itinuro sa amin ng mga disipulong ito araw-araw ang tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas.

Sa mga regular na interbyu, isa sa aming magagaling na sister missionary ang pumasok sa opisina. Isa siyang matagumpay na missionary, magaling na trainer, at masigasig na lider. Siya ay hinahangaan at iginagalang ng kanyang mga kompanyon at mahal ng mga tao. Siya ay masunurin, mapagpakumbaba, at may kumpiyansa. Ang mga nakalipas na pag-uusap namin ay nakatuon sa kanyang area at sa mga tao na tinuturuan niya. Ang pag-uusap na ito ay iba. Nang kinumusta ko siya, masasabi kong may pinoproblema siya. Sabi niya, “President Olsen, hindi ko alam kung magagawa ko ito. Hindi ko alam kung magiging sapat ba ako. Hindi ko alam kung kaya kong maging ang uri ng missionary na kailangan ng Panginoon.”

Isa siyang kahanga-hangang missionary. Napakahusay sa lahat ng bagay. Pangarap ng isang mission president. Hindi ako nag-alala kailanman sa kanyang mga kakayahan bilang missionary.

Habang nakikinig ako sa kanya, nahirapan akong malaman kung ano ang sasabihin. Tahimik akong nagdasal: “Ama sa Langit, siya po ay isang natatanging missionary. Siya po ay sa Inyo. Ginagawa niya po ang lahat nang tama. Hindi ko po gustong magkamali. Tulungan po Ninyo akong malaman kung ano ang sasabihin.”

Dumating ang mga salita sa akin. Sinabi ko, “Hermana, nalulungkot ako na ganito ang nadarama mo. May gusto akong itanong. Kung may kaibigan ka na tinuturuan mo na ganito ang nadarama, ano ang sasabihin mo?”

Tumingin siya sa akin at ngumiti. Taglay ang hindi maikakailang diwa at matibay na paniniwala ng isang missionary, sinabi niya, “President, madali lang po iyan. Sasabihin ko sa kanya na lubos siyang nakikilala ng Tagapagligtas. Sasabihin ko sa kanya na buhay Siya. Mahal ka Niya. Sapat ka na, at kaya mo ito!”

Nang may marahang pagtawa, sinabi niya, “Kung angkop ito para sa mga kaibigan ko, angkop din ito para sa akin.”

Kung tayo ay may mga tanong o pagdududa, maaari nating maramdaman na ang mga solusyon ay napakakumplikado o na ang paghahanap ng mga sagot ay labis na nakalilito. Nawa’y maalaala natin na ang kaaway, maging ang ama ng lahat ng kasinungalingan, ay ang arkitekto ng kalituhan.8

Ang Tagapagligtas ang Panginoon ng kasimplehan.

Sinabi ni Pangulong Nelson:

“Tuso ang kaaway. Sa [loob ng ilang libong] taon ginagawa niyang magmukhang masama ang mabuti at magmukhang mabuti ang masama. Ang kanyang mga mensahe ay karaniwang maingay, mapangahas, at mapagmataas.

“Subalit ang mga mensahe mula sa ating Ama sa Langit ay sadyang naiiba. Siya ay nakikipag-ugnayan nang simple, tahimik, at napakalinaw kaya tiyak na maiintindihan natin Siya.”9

Labis akong nagpapasalamat na gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ipinadala Niya ang Kanyang Anak. Siya ang sagot.

Sinabi kamakailan ni Pangulong Nelson:

“Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kailangan ngayon nang higit kailanman. …

“… Binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan nating sundin ang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na ‘humayo … sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha.’”10

Sa mga pipili na maglingkod, mapatototohanan ko ang mga pagpapala na darating kapag dininig ninyo ang tawag ng propeta. Ang paglilingkod ay hindi tungkol sa inyo; ito ay tungkol sa Tagapagligtas. Tatawagin kayo na magpunta sa isang lugar, pero ang mas mahalaga ay tatawagin kayo na magpunta sa isang grupo ng tao. Magkakaroon kayo ng malaking responsibilidad at pagpapala na tulungan ang mga bagong kaibigan na maunawaan na ang sagot ay si Jesus.

Ito Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at dito tayo nabibilang. Ang lahat ng bagay na magiliw na hinihikayat ni Pangulong Nelson na gawin natin ay aakay sa atin palapit sa Tagapagligtas.

Sa ating kamangha-manghang mga kabataan—kabilang na ang pamangkin kong si Nash—sa buong buhay ninyo, gaano man kahirap o nakalilito ang mga hamon, alalahanin na ang sagot ay simple: ito ay palaging si Jesus.

Gaya ng narinig kong sinabi sa maraming pagkakataon ng mga sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, sinasabi ko rin na mahal namin kayo, nagpapasalamat kami sa inyo, at kailangan namin kayo. Dito kayo nabibilang.

Mahal ko ang Tagapagligtas. Pinatototohanan ko ang Kanyang pangalan, maging si Jesucristo. Nagpapatotoo ako na Siya ang “may-akda at tagatapos ng ating pananampalataya,”11 at Siya ang Panginoon ng kasimplehan. Ang sagot ay si Jesus. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.