2022
Pagtulong sa mga Maralita at Naghihirap
Nobyembre 2022


13:38

Pagtulong sa mga Maralita at Naghihirap

Ang Simbahan ni Jesucristo ay tapat na nangangakong maglingkod sa mga nangangailangan, at tapat ding nangangakong makipagtulungan sa iba sa pagsisikap na iyon.

Mga kapatid, magsasalita sa atin ang ating mahal na Pangulong Russell M. Nelson maya-maya sa sesyong ito. Hiniling niya na ako ang maunang magsalita.

Ang paksa ko ngayon ay tungkol sa ibinibigay at ginagawa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng mga miyembro nito para sa mga maralita at naghihirap. Babanggitin ko rin ang katulad na pagbibigay ng iba pang mabubuting tao. Ang pagbibigay sa mga nangangailangan ay isang alituntunin sa lahat ng relihiyon na pinaniniwalaang nagmumula kay Abraham at sa iba pa.

Ilang buwan na ang nakararaan, iniulat ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa unang pagkakataon ang lawak ng ating pagkakawanggawa sa buong mundo.1 Ang ating mga gastusin noong 2021 para sa mga nangangailangan sa 188 bansa sa buong mundo ay umabot sa $906 na milyon—halos isang bilyong dolyar. Bukod pa riyan, nagboluntaryo ang ating mga miyembro ng mahigit 6 na milyong oras ng pagtatrabaho sa layunin ding iyon.

Ang mga numerong iyon, mangyari pa, ay hindi kumpletong ulat ng ating pagbibigay at pagtulong. Hindi kabilang doon ang personal na paglilingkod na indibiduwal na ibinibigay ng ating mga miyembro habang naglilingkod sila sa isa’t isa sa ibinigay na mga katungkulan nila at sa boluntaryong paglilingkod nang miyembro-sa-miyembro. At hindi binabanggit sa ating ulat noong 2021 kung ano ang indibiduwal na ginagawa ng ating mga miyembro sa pamamagitan ng napakaraming organisasyong pangkawanggawa na walang pormal na kaugnayan sa ating Simbahan. Magsisimula ako sa mga ito.

Noong 1831, wala pang dalawang taon matapos maorganisa ang ipinanumbalik na Simbahan, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito para gabayan ang mga miyembro nito at, naniniwala ako, lahat ng Kanyang anak sa buong mundo:

“Masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod. …

“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;

“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa [ng] mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.”2

Sa loob ng mahigit 38 taon bilang Apostol, at sa mahigit 30 taon ng pagtatrabaho bilang propesyonal, nakakita ako ng maraming bukas-palad na pagsisikap ng mga organisasyon at ng mga tao na kauri ng inilalarawan ng paghahayag na ito na “mabuting bagay” at “isakatuparan ang maraming kabutihan.” Hindi mabilang ang mga halimbawa ng ganitong pagkakawanggawa sa buong mundo, na lagpas pa sa sarili nating mga hangganan at higit pa sa kaalaman nating lahat. Kapag pinagninilayan ko ito, naiisip ko ang propetang haring si Benjamin sa Aklat ni Mormon, na isinama sa kanyang sermon ang walang-hanggang katotohanang ito: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”3

Maraming gawaing pangkapakanan at pagkakawanggawa sa ating kapwa-tao ang itinuturo at isinasagawa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at natin bilang mga miyembro nito. Halimbawa, nag-aayuno tayo sa simula ng bawat buwan at nag-aambag ng katumbas man lamang ng halaga ng pagkaing hindi kinain para makatulong sa mga nangangailangan sa sarili nating kongregasyon. Nagbibigay rin ng malalaking kontribusyon ang Simbahan para sa kawanggawa at iba pang mga paglilingkod sa buong mundo.

Sa kabila ng lahat ng tuwirang ginagawa ng ating Simbahan, karamihan sa pagkakawanggawa sa mga anak ng Diyos sa buong mundo ay isinasagawa ng mga tao at organisasyon na walang pormal na kaugnayan sa ating Simbahan. Tulad ng ipinahayag ng isa sa ating mga Apostol: “Hindi lang isang grupo ng mga tao ang ginagamit ng Diyos para maisakatuparan ang kanyang dakila at kagila-gilalas na gawain. … Napakalawak, napakahirap nito para gawin ng isang grupo lamang.”4 Bilang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan, kailangan nating magkaroon ng higit na kamalayan at pagpapahalaga sa paglilingkod ng iba.

Ang Simbahan ni Jesucristo ay tapat na nangangakong maglingkod sa mga nangangailangan, at tapat ding nangangakong makipagtulungan sa iba sa pagsisikap na iyon. Kamakailan ay nagbigay tayo ng malaking handog sa United Nations World Food Programme. Sa loob ng maraming dekada ng ating pagkakawanggawa, dalawang organisasyon ang namumukod bilang mga pangunahing katuwang: mga proyektong kasama ang mga ahensyang Red Cross at Red Crescent sa maraming bansa ang nagbigay na ng mahalagang tulong sa mga anak ng Diyos sa oras ng mga kalamidad na dulot ng kalikasan at mga labanan. Gayundin, mahaba ang talaan ng ating pakikipagtulungan sa Catholic Relief Services. Maraming naituro sa atin ang mga organisasyong ito tungkol sa pagtulong sa mga tao sa buong mundo.

Naging matagumpay rin ang mga pakikipagtulungan natin sa iba pang mga organisasyon, kabilang na ang Muslim Aid, Water for People, at IsraAID, at marami pang iba. Bagama’t bawat organisasyong pangkawanggawa ay eksperto sa sarili nilang espesyalisasyon, nagkakaisa tayo sa mithiing ibsan ang paghihirap ng mga anak ng Diyos. Lahat ng ito ay bahagi ng gawain ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Itinuturo ng makabagong paghahayag na ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo “ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”5 Dahil dito, lahat ng anak ng Diyos ay nagkakaroon ng inspirasyong paglingkuran Siya at ang isa’t isa sa abot ng kanilang kaalaman at kakayahan.

Itinuturo sa Aklat ni Mormon na “bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.”6

Sa pagpapatuloy:

“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; …

“At ngayon, mga kapatid ko, … inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo.”7

Narito ang ilang halimbawa ng mga anak ng Diyos sa pagtulong sa ibang mga anak ng Diyos sa mahahalagang pangangailangan nila sa pagkain, pangangalagang medikal, at pagtuturo:

Sampung taon na ang nakararaan, personal na naglunsad ang mga Kanhdari, isang mag-asawang Sikh sa United Arab Emirates, ng isang pambihirang pagsisikap na pakainin ang nagugutom. Sa pamamagitan ng Guru Nanak Darbar Sikh temple, kasalukuyan silang naghahain ng mahigit 30,000 vegetarian meal tuwing katapusan ng linggo sa sinumang pumapasok sa kanilang mga pintuan, anuman ang relihiyon o lahi. Paliwanag ni Dr. Kanhdari, “Naniniwala kami na lahat ay iisa; mga anak tayo ng iisang Diyos, at narito tayo para maglingkod sa sangkatauhan.”8

Ang pagbibigay ng pangangalagang medikal at dental sa mga nangangailangan ay isa pang halimbawa. Sa Chicago, nakilala ko ang isang Syrian-American critical care physician na si Dr. Zaher Sahloul. Isa siya sa mga nagtatag ng MedGlobal, na nag-oorganisa ng mga medical professional para magboluntaryo ng kanilang oras, galing, kaalaman, at pamumuno para tulungan ang iba sa mga oras ng krisis, tulad ng digmaan sa Syria, kung saan isinapalaran ni Dr. Sahloul ang kanyang buhay sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga sibilyan. Makikita sa MedGlobal at sa katulad na mga organisasyon (kabilang na ang maraming propesyonal na Banal sa mga Huling Araw) na nagpapamalas na pinakikilos ng Diyos ang mga propesyonal na sumasampalataya para maghatid ng kinakailangang tulong sa mga maralita sa buong mundo.9

Maraming di-makasariling anak ng Diyos ang nakikibahagi rin sa mga pagsisikap sa pagtuturo, sa buong mundo. Ang isang magandang halimbawa, na nalaman namin sa pamamagitan ng ating mga pagkakawanggawa, ay ang aktibidad ng isang lalaking kilala bilang si Mr. Gabriel, na naging refugee dahil sa iba’t ibang kaguluhan sa ilang pagkakataon. Napansin niya kamakailan na daan-daang libong batang refugee sa East Africa ang nangailangan ng tulong para mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa at aktibo ang kanilang isipan. Inorganisa niya ang iba pang mga guro sa kampo ng mga refugee at binuo ang tinatawag nilang “mga paaralan sa ilalim ng puno,” kung saan nagtipon ang mga bata para sa mga lesson sa ilalim ng lilim ng puno. Hindi niya hinintay na mag-organisa o mamahala ang iba kundi personal niyang pinamunuan ang mga pagsisikap na naglaan ng mga pagkakataon sa libu-libong bata sa paaralang primarya na matuto sa mahihirap na taon ng kawalan ng tirahan.

Mangyari pa, ang tatlong halimbawang ito ay hindi nangangahulugan na lahat ng sinabi o ginawa ng mga organisasyon o indibiduwal na nagpapakita ng kabutihan o pagiging maka-Diyos ay totoo ngang gayon. Ipinapakita ng mga halimbawang ito na binibigyang-inspirasyon ng Diyos ang maraming organisasyon at indibiduwal na gumawa ng maraming kabutihan. Ipinapakita rin nito na dapat kilalanin ng mas marami sa atin ang mabuting ginawa ng iba at suportahan ito kung may panahon at kakayahan tayong gawin iyon.

Narito ang ilang halimbawa ng paglilingkod na sinusuportahan ng Simbahan at sinusuportahan din ng ating mga miyembro at iba pang mabubuting tao at organisasyon sa indibiduwal na mga donasyong oras at pera:

Magsisimula ako sa kalayaang pangrelihiyon. Para masuportahan iyan, naglilingkod tayo para sa sarili nating mga interes ngunit para din sa mga interes ng iba pang mga relihiyon. Tulad ng itinuro ng ating unang Pangulong si Joseph Smith, “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.”10

Ang iba pang mga halimbawa ng pagkakawanggawa at iba pang tulong ng ipinanumbalik na Simbahan na boluntaryo ring sinusuportahan ng ating mga miyembro ay ang ating mga kilalang paaralan, kolehiyo, at unibersidad at ang ating di-gaanong kilala ngunit nakalathala na ngayong malalaking donasyon para ibsan ang paghihirap ng mga tao mula sa mga pagkasira at kawalan ng tirahan dahil sa mga kalamidad na dulot ng kalikasan tulad ng mga buhawi at lindol.

Ang iba pang mga aktibidad na pangkawanggawa na sinusuportahan ng ating mga miyembro sa pamamagitan ng kanilang mga boluntaryong donasyon at pagsisikap ay napakarami para ilista, ngunit sa pagbanggit lamang nitong ilan ay makikita na ang pagkakaiba-iba at kahalagahan ng mga ito: paglaban sa rasismo at iba pang mga maling palagay, pagsasaliksik kung paano pigilan at lunasan ang mga sakit, pagtulong sa mga may kapansanan, pagsuporta sa mga organisasyong pangmusika, at pagpapahusay ng moral at pisikal na kapaligiran para sa lahat.

Lahat ng pagkakawanggawa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naghahangad na tularan ang halimbawa ng mabubuting taong inilarawan sa Aklat ni Mormon: “At sa gayon, sa kanilang maunlad na kalagayan, hindi nila itinaboy ang sino mang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, … [at] sila ay … mapagbigay sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan.”11

Pinatototohanan ko si Jesucristo, na ang liwanag at Espiritu ay ginagabayan ang lahat ng anak ng Diyos sa pagtulong sa mga maralita at naghihirap sa buong mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.