2022
Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan
Nobyembre 2022


10:39

Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan

Tandaan natin na ang bawat tao sa mundong ito ay anak ng Diyos at na mahal Niya ang bawat isa sa kanila.

May kuwento tungkol sa isang lalaking nagngangalang Jack na may aso na katulong sa pangangaso na tinawag niyang Cassie. Ipinagmamalaki ni Jack si Cassie at madalas niyang ipagmayabang kung gaano ito kagaling. Upang patunayan ito, inanyayahan ni Jack ang ilang kaibigan na panoorin si Cassie na magtanghal. Pagkarating sa hunting club, hinayaan ni Jack si Cassie na makawala habang nagpaparehistro siya.

Noong magsisimula na ang kaganapan, sabik si Jack na ipamalas ang husay ni Cassie. Gayunman, naging kakaiba ang kilos ni Cassie. Ayaw niyang sumunod sa mga utos ni Jack, na madalas niyang ginagawa. Ang gusto lamang niya ay tumabi kay Jack.

Si Jack ay nakadama ng pagkainis, pagkahiya, at galit dahil kay Cassie, at kalaunan ay iminungkahi niyang umalis na sila. Ayaw ni Cassie na sumakay sa likod ng trak, kaya nayayamot na binuhat ito ni Jack at ipinasok sa kulungan. Galit na galit siya habang pauwi dahil pinagtawanan ng mga kasama niya ang ikinilos ng kanyang aso. Hindi maunawaan ni Jack kung bakit ganoon ang ikinilos ni Cassie. Maayos naman itong sinanay, at ang buong pagnanais nito noon ay pasayahin at paglingkuran si Jack.

Pagkarating sa bahay, sinuri ni Jack si Cassie kung ito ay may pinsala sa katawan, natinik, o may garapata, tulad ng palagi niyang ginagawa. Nang hawakan niya ang dibdib nito, nadama niyang basa ang kanyang kamay at nakita na ito ay puno ng dugo. Nagulantang siyang makita na may mahaba at malalim na sugat si Cassie sa dibdib. Natuklasan niya na mayroon din itong malalim na sugat sa kanang binti.

Niyakap ni Jack si Cassie at nagsimulang umiyak. Nakadama siya ng matinding kahihiyan sa kung paano niya hinusgahan at pinakitunguhan si Cassie. Kakaiba ang ikinilos ni Cassie noong umagang iyon dahil may pinsala siya sa katawan. Ang pagkilos nito ay naimpluwensyahan ng sakit sa katawan, pagdurusa, at mga sugat. Wala itong kinalaman sa pagnanais nitong sundin si Jack o sa kakulangan nito ng pagmamahal sa kanya.1

Matagal ko nang narinig ang kuwentong ito at hindi ko ito malimutan. Ilang sugatang tao ang ating nakakasalamuha? Gaano kadalas nating hinuhusgahan ang ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo at kilos, o kawalan ng pagkilos, na kapag lubusan nating inunawa, tayo ay tutugon nang may habag at pagnanais na tumulong kaysa dagdagan ang kanilang mga pasanin sa pamamagitan ng panghuhusga?

Maraming beses ko na itong nagawa sa buhay ko, ngunit matiyaga akong tinuruan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga personal na karanasan at habang pinakikinggan ko ang mga karanasan ng iba. Mas lubusan kong pinahahalagahan ang halimbawa ng ating mahal na Tagapagligtas na ginugol ang malaking bahagi ng Kanyang oras sa paglilingkod sa iba nang may pagmamahal.

Nagkaroon ng mga hamon sa emosyonal na kalusugan ang buhay ng aking pinakabatang anak na babae mula noong bata pa siya. Maraming beses na niyang nadamang ayaw na niyang magpatuloy pa. Walang-hanggan ang aming pasasalamat sa mga anghel sa lupa na dumamay sa kanya sa mga panahong iyon: tumabi sa kanya, nakinig sa kanya, umiyak na kasama niya, at magkakasamang nagbahagi ng pambihirang mga kaloob, espirituwal na pang-unawa, at pagmamahal. Sa gayong mapagmahal na mga sitwasyon, nabawasan ang pasanin ng kapwa panig.

Binabanggit ang 1 Corinto, sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin, “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako’y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.”2

Sabi pa niya:

“Ang mensahe ni Pablo sa mga bagong Banal na ito ay simple at diretso: Walang gaanong epekto ang anumang ginagawa ninyo kung wala kayong pag-ibig sa kapwa. Maaari kayong magsalita ng mga wika, magkaroon ng kaloob na propesiya, makaunawa sa lahat ng hiwaga, at magtaglay ng lahat ng kaalaman; kahit may pananampalataya kayong mailipat ang mga bundok, kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao walang pakinabang ito sa inyo.

“‘Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo’ [Moroni 7:47]. Ipinakita ng Tagapagligtas ang pag-ibig na iyon.”3

Sa Juan ay mababasa natin, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”4

Maraming mensahe na ang ibinahagi ng mga lider natin sa Simbahan tungkol sa pag-ibig sa kapwa, pagkakaisa, pagmamahal, kabaitan, pagkahabag, pagpapatawad, at awa. Naniniwala ako na inaanyayahan tayong lahat ng Tagapagligtas na mamuhay sa mas dakila, mas banal na paraan5—ang Kanyang paraan ng pagmamahal kung saan madarama ng lahat na sila ay tunay na kabilang at kailangan.

Tayo ay inutusan na mahalin ang ibang tao,6 at huwag sila husgahan.7 Ilapag natin ang mabigat na pasanin; hindi iyan natin dapat pasanin.8 Sa halip, maaari nating dalhin ang pamatok ng pagmamahal at pagkahabag ng Tagapagligtas.

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; …

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”9

Hindi kinukunsinti ng Tagapagligtas ang kasalanan ngunit inaalok Niya sa atin ang Kanyang pagmamahal at kapatawaran kapag nagsisi tayo. Sa babaing nahuli sa pangangalunya, sinabi Niya, “[Ako rin ay hindi ka] hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.”10 Ang mga taong nakasalamuha Niya ay nadama ang Kanyang pagmamahal, at ang pagmamahal na iyon ang nagpagaling sa kanila at nagpabago ng kanilang buhay. Ang Kanyang pagmamahal ay nagtulak sa kanila na naising baguhin ang kanilang buhay. Ang pagsasabuhay ng Kanyang mga kaparaanan ay nagdadala ng kaligayahan at kapayapaan, at inanyayahan Niya ang iba na gayon din ang gawin nang may kahinahunan, kabaitan, at pagmamahal.

Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson: “Kapag naharap tayo sa malakas na hangin at mga unos ng buhay, sakit at mga pinsala, ang Panginoon—ang ating Pastol, ang ating Tagapag-alaga—ay pangangalagaan tayo nang may pagmamahal at kabaitan. Pagagalingin Niya ang ating puso at paghihilumin ang ating kaluluwa.”11 Bilang mga tagasunod ni Jesucristo, hindi ba dapat gayon din ang gawin natin?

Sinabi ng Tagapagligtas na matuto tayo sa Kanya12 at gawin natin ang mga gawang nakita nating ginawa Niya.13 Siya ang pinakadiwa ng pag-ibig sa kapwa, ng dalisay na pag-ibig. Habang unti-unti nating natututuhang gawin ang mga ipinagagawa Niya sa atin—hindi dahil responsibilidad natin itong gawin o dahil sa mga pagpapalang maaari nating matanggap, ngunit dahil sa dalisay na pagmamahal sa Kanya at sa ating Ama sa Langit14—ang Kanyang pagmamahal ay dadaloy sa atin at ang Kanyang mga ipinagagawa ay hindi lamang magiging posible, kundi kalaunan ang mga ito ay magiging mas madali at mas magaan15 at mas masayang gawin kaysa sa kaya nating isipin. Kailangan nito ng praktis; maaaring kailanganin nito ng ilang taon, tulad ko, ngunit kahit ang pagnanais na magkaroon ng gayong pag-ibig lang ang ating motibasyon,16 ang binhing iyon, kalaunan ay magiging isang magandang puno na may napakaraming matatamis na bunga.17

Sabi sa isa sa ating mga himno: “Kapwa ko’y ba’t hahatulan kung may sala rin ako? May lumbay na ‘di makita nakakubli sa puso.”18 Sino sa atin ang may ikinukubling lumbay? Ang anak o tinedyer na mukhang suwail, ang anak ng mga nagdiborsiyo, ang solong magulang, ang mga may hamon sa pisikal at mental na kalusugan, ang mga may pagdududa sa kanilang pananampalataya, ang mga minorya ang lahi, ang nakadaramang nag-iisa sila, ang mga nais maikasal, ang mga may pinaglalabanang adiksiyon, at maraming iba pang may kinakaharap na mga hamon sa buhay—kadalasan pati ang mga taong ang buhay sa unang tingin ay perpekto na.

Wala sa atin ang may perpektong buhay o pamilya; sigurado ako na hindi perpekto ang aking buhay at pamilya. Kapag hinangad nating damayan ang ibang tao na may mga hamon at kahinaan rin, makatutulong ito sa kanila na madamang hindi sila nag-iisa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan ng lahat ng tao na madama na sila ay talagang kabilang at talagang kailangan sa katawan ni Cristo.19 Ang pinakahangarin ni Satanas ay paghiwa-hiwalayin ang mga anak ng Diyos, at siya ay lubhang tagumpay sa kasalukuyan, pero may kapangyarihan sa pagkakaisa.20 At talagang kailangan nating magkaisa at magtulungan sa pagharap sa mga hamon dito sa lupa!

Sinabi ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Anumang pang-aabuso o pagtatangi sa iba dahil sa nasyonalidad, lahi, seksuwal na oryentasyon, kasarian, mga degree sa pag-aaral, kultura, o iba pang makabuluhang mga pantukoy ay labag sa ating Maykapal! Ang gayong maling pagtrato ay nagiging sanhi para mamuhay tayo nang mas mababa kaysa sa ating katayuan bilang Kanyang pinagtipanang mga anak!”21

Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na pumasok at manatili sa landas ng tipan na magdadala sa atin pabalik sa ating Ama sa Langit, at ibinigay rin niya ang payo na ito: “Kapag lumayo sa Simbahan ang mga kaibigan at kapamilya, patuloy silang mahalin. Hindi ninyo dapat husgahan ang pagpapasiya ng iba na tulad ng hindi kayo dapat punahin sa pananatiling tapat.”22

Mga kaibigan, tandaan natin na ang bawat tao sa mundong ito ay anak ng Diyos23 at na mahal Niya ang bawat isa sa kanila.24 May mga tao ba na inyong nakakasalamuha na natukso kayong husgahan? Kung gayon, tandaan na ang mga ito ay magagandang oportunidad para sa atin na magsikap na magmahal na tulad ng pagmamahal ng Tagapagligtas.25 Kapag sinunod natin ang Kanyang halimbawa, dinadala natin ang Kanyang pamatok at tumutulong na magkaroon ng diwa ng pagmamahal at pagiging kabilang sa mga puso ng lahat ng anak ng ating Ama.

“Tayo’y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”26 Kapag napuspos tayo ng pag-ibig ng Tagapagligtas, ang Kanyang pamatok ay talagang magiging madaling dalhin at ang Kanyang pasan ay magiging magaan.27 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.