2022
Pagtuturo, Pag-aaral, at Pagpapamuhay ng mga Mensahe mula sa Pangkalahatang Kumperensya
Nobyembre 2022


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pagtuturo, Pag-aaral, at Pagpapamuhay ng mga Mensahe mula sa Pangkalahatang Kumperensya

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga elders quorum at Relief Society sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Sa mga miting nila sa araw ng Linggo, tinatalakay nila kung paano ipamumuhay ang mga turo sa mga mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya sa mga pagsisikap nila sa gawaing ito. Ang mga elders quorum at Relief Society presidency ay pumipili ng isang mensahe sa kumperensya na pag-aaralan sa bawat miting sa araw ng Linggo, batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro at sa patnubay ng Espiritu. Kung minsan, maaari ding magmungkahi ang bishop o stake president kung anong mensahe ang tatalakayin. Sa pangkalahatan, dapat piliin ng mga lider ang mga mensahe ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunpaman, anumang mensahe mula sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya ay maaaring talakayin.

Ang mga guro ay nakatuon sa kung paano tutulungan ang mga miyembro na ipamuhay ang mga turo sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Dapat humanap ang mga lider at guro ng mga paraan para mahikayat ang mga miyembro na pag-aralan ang piniling mensahe bago ang mga araw ng miting.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga miting ng elders quorum at Relief Society, tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 8.2.1.2, 9.2.1.2, SimbahanniJesucristo.org.

Pagpaplano na Magturo

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga guro habang nagpaplano sila na ituro ang isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya. Kung kinakailangan, sumasangguni ang mga guro sa elders quorum o Relief Society presidency habang pinagninilayan nila ang mga tanong na ito.

  • Bakit piniling talakayin ng elders quorum o Relief Society presidency ang mensaheng ito? Ano ang inaasam nilang malaman at gawin ng mga miyembro matapos talakayin ang mensaheng ito?

  • Ano ang nais ipaunawa ng tagapagsalita sa mga miyembro? Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo niya? Paano naaangkop sa aming elders quorum o Relief Society ang mga alituntuning ito?

  • Anong mga banal na kasulatan ang ginamit ng tagapagsalita para suportahan ang kanyang mensahe? May mababasa ba na iba pang mga banal na kasulatan ang mga miyembro na magpapalalim ng kanilang pag-unawa? (Maaaring may makita ka sa ilan sa mga tala sa katapusan ng mensahe o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org].)

  • Ano ang mga maaari kong itanong na makatutulong sa mga miyembro na pagnilayan at ipamuhay ang mga turo sa mensahe? Anong mga tanong ang makatutulong sa kanila na maunawaan ang kaugnayan ng mga turong ito sa kanilang buhay, sa kanilang pamilya, at sa gawain ng Panginoon?

  • Ano ang maaari kong gawin para maanyayahan ang Espiritu sa aming miting? Ano ang maaari kong gamitin para mapaganda pa ang talakayan, kabilang ang mga kuwento, analohiya, musika, o gawang-sining? Ano ang ginawa ng tagapagsalita para tulungan ang mga miyembro na maunawaan ang kanyang mensahe?

  • May ipinaabot bang mga paanyaya ang tagapagsalita? Paano ko matutulungan ang mga miyembro na makadama ng hangaring gawin ang mga paanyayang iyon?

Mga Ideya para sa Aktibidad

Maraming paraan para matulungan ng mga guro ang mga miyembro na matutuhan at maipamuhay ang mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya. Narito ang ilang halimbawa; maaaring may iba pang mga ideya ang mga guro na magiging mas epektibo sa kanilang elders quorum o Relief Society.

  • Pagpapamuhay ng mga katotohanan. Anyayahan ang mga miyembro na rebyuhin ang mensahe sa kumperensya na naghahanap ng mga katotohanan na makatutulong sa kanila na maisakatuparan ang gawaing ibinigay sa kanila ng Diyos bilang mga indibiduwal o bilang elders quorum o Relief Society. Halimbawa, ano ang natututuhan natin na makatutulong sa atin bilang mga tagapaglingkod? bilang mga magulang? bilang mga miyembrong missionary? Paano naiimpluwensyahan ng mensaheng ito ang ating mga iniisip, nadarama, at ginagawa?

  • Magtalakayan nang grupu-grupo. Hatiin ang mga miyembro sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng iba-ibang bahagi ng mensahe sa kumperensya para basahin at talakayin. Pagkatapos ay hilingin sa bawat grupo na ibahagi ang isang katotohanang natagpuan nila at kung paano ito naaangkop sa kanila. O maaari kang gumawa ng mga grupong binubuo ng mga miyembro na nag-aral ng iba’t ibang bahagi ng mensahe at hayaan silang ibahagi sa isa’t isa ang natuklasan nila.

  • Maghanap ng mga sagot sa mga tanong. Anyayahan ang mga miyembro na sagutin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod tungkol sa mensahe sa kumperensya: Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang makikita natin sa mensaheng ito? Paano natin maipamumuhay ang mga katotohanang ito? Anong mga paanyaya at pangakong pagpapala ang ibinigay? Ano ang itinuturo ng mensaheng ito sa atin tungkol sa gawaing nais ng Diyos na gawin natin? O gumawa ng ilang sarili mong tanong na naghihikayat sa mga miyembro na pag-isipang mabuti ang mensahe o ipamuhay ang mga katotohanang itinuturo nito. Hayaang piliin ng mga miyembro ang isa sa mga tanong na ito at maghanap ng mga sagot sa mensahe.

  • Magbahagi ng mga pahayag mula sa mensahe. Sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng mga pahayag mula sa mensahe sa kumperensya na humihikayat sa kanila na gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Hikayatin sila na isipin kung paano nila maibabahagi ang mga pahayag na ito para mapagpala ang isang tao, kabilang ang mga mahal nila sa buhay at ang mga taong pinaglilingkuran nila.

  • Magbahagi ng isang object lesson. Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang miyembro na magdala ng mga bagay mula sa kanilang tahanan na magagamit nila sa pagtuturo ng tungkol sa mensahe sa kumperensya. Sa miting, hilingin sa mga miyembro na ipaliwanag kung paano nauugnay ang mga bagay na iyon sa mensahe at kung paano naaangkop ang mensahe sa kanilang buhay.

  • Maghanda ng lesson na ituturo sa tahanan. Pagpartner-partnerin ang mga miyembro para magtulungan sa paggawa ng home evening lesson batay sa mensahe sa kumperensya. Maaari nilang sagutin ang mga tanong na gaya nito: Paano natin maiuugnay ang mensahe sa ating pamilya? Paano natin maibabahagi ang mensaheng ito sa mga taong pinaglilingkuran natin?

  • Magbahagi ng mga karanasan. Magkakasamang basahin ang ilang pahayag mula sa mensahe sa kumperensya. Hilingin sa mga miyembro na magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa kanilang buhay na naglalarawan o nagbibigay-diin sa doktrinang itinuro sa mga pahayag na ito.

  • Maghanap ng parirala. Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe sa kumperensya na naghahanap ng mga parirala na makahulugan sa kanila. Ipabahagi sa kanila ang mga parirala at kung ano ang natututuhan nila mula sa mga ito. Hilingin sa kanila na ibahagi kung paano sila natutulungan ng mga turong ito na maisakatuparan ang gawain ng Panginoon.

Para sa iba pang mga ideya kung paano mag-aral at magturo mula sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, tingnan sa “Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensya.” (Iklik ang “Mga Ideya para sa Pag-aaral” sa ilalim ng “Pangkalahatang Kumperensya” sa Gospel Library.)