2022
Magagawa Natin ang Mahihirap na Bagay sa Pamamagitan Niya
Nobyembre 2022


10:53

Magagawa Natin ang Mahihirap na Bagay sa Pamamagitan Niya

Lumalago tayo sa ating pagkadisipulo kapag sumasampalataya tayo sa Panginoon sa mahihirap na panahon.

Noong ministeryo ng Tagapagligtas sa mundo, napansin Niya ang isang lalaking bulag. Tinanong si Jesus ng mga disipulo, “Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya’y ipanganak na bulag?”

Tinitiyak sa atin ng matatag, magiliw, at taos na sagot ng Tagapagligtas na batid Niya ang ating mga paghihirap: “Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.”1

Bagama’t ang ilang mga hamon ay dumarating dahil sa sadyang pagsuway, alam natin na marami sa mga hamon ng buhay ay dumarating sa iba pang mga dahilan. Anuman ang pinagmumulan ng ating mga hamon, maaaring maging ginintuang pagkakataon ito para umunlad.

Ang pamilya namin ay dumanas din ng mga kahirapan sa buhay. Sa paglaki ko, humanga ako sa malalaking pamilya. Natutuwa ako sa kanila, lalo na nang matagpuan ko ang Simbahan noong tinedyer ako dahil sa tito Sarfo ko, at sa asawa niya sa Takoradi, Ghana.

Noong ikinasal kami ni Hannah, hinangad namin ang katuparan ng aming mga patriarchal blessing, na nagsabing marami kaming magiging anak. Gayunman, bago isilang ang pangatlo naming anak, naging malinaw na hindi na muling magbubuntis si Hannah. Mabuti na lang, kahit na ang pagsilang ni Kenneth ay mapanganib kapwa sa kanya at sa nanay niya, ligtas siyang nailuwal, at nakabawi ng lakas ang kanyang ina. Nagsimula siyang lubusang makibahagi sa buhay naming pamilya—pati sa pagsisimba, araw-araw na panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, home evening, at makabuluhang mga paglilibang.

Kahit kinailangan naming mag-adjust sa inasahan naming malaking pamilya, nakakatuwang maipamuhay ang mga turo mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” kasama ang tatlo naming minamahal na mga anak. Sa pagsunod sa mga turong ito ay lalong naging makabuluhan ang lumalago kong pananampalataya.

Gaya ng nakasaad sa pahayag: “Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”2 Sa pagsunod sa mga alituntuning ito, kami ay pinagpala.

Gayunman, isang weekend noong ako pa ang stake president, dumating ang tila pinakamatinding pagsubok na maaaring dumating sa mga magulang. Nakauwi na ang pamilya namin mula sa aktibidad ng Simbahan at nananghalian kami. Pagkatapos ay lumabas ang tatlong anak namin sa aming bakuran para maglaro.

Paulit-ulit na nakadama ang asawa ko ng impresyon na baka may mangyaring hindi maganda. Sinabi niyang tingnan ko ang mga bata habang hinuhugasan namin ang mga plato. Dama kong ligtas sila kasi dinig naman namin ang boses nila habang masaya silang naglalaro.

Nang tingnan namin ang mga anak namin, nanlumo kami nang makita namin ang 18-buwang si Kenneth na nasa loob ng isang timba ng tubig, na walang magawa, at hindi nakita ng mga kapatid niya. Isinugod namin siya sa ospital, pero lahat ng tangkang pagliligtas sa kanya ay walang nagawa.

Nanlumo kami na hindi na namin maaalagaan ang mahal naming anak sa buhay na ito. Kahit alam naming magiging bahagi ng aming walang hanggang pamilya si Kenneth, nagtanong pa rin ako kung bakit pinayagan ng Diyos na mangyari ito sa akin samantalang ginagawa ko naman ang lahat para magampanan ang tungkulin ko. Kauuwi ko lang mula sa pagtupad ng tungkulin ko sa pag-minister sa mga Banal. Bakit hindi tiningnan ng Diyos ang serbisyo ko at iniligtas ang anak ko at ang pamilya namin sa trahedyang ito? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagagalit.

Hindi ako sinisi kailanman ng asawa ko sa hindi pagsunod sa mga pahiwatig na natanggap niya, pero may natutuhan akong aral na nagpapabago ng buhay at gumawa ng dalawang patakaran, na hindi dapat sirain:

Patakaran 1: Pakinggan at sundin ang mga pahiwatig ng iyong asawa.

Patakaran 2: Kung hindi ka sigurado sa anumang dahilan, balikan mo ang number 1.

Bagaman nakapanlulumo ang karanasang iyon at nagdadalamhati pa rin kami, ang malaking pasanin namin ay naibsan kalaunan.3 Kaming mag-asawa ay may natutuhang mga aral sa pagkamatay ng aming anak. Nadama namin ang pagkakaisa at nabigkis ng aming mga tipan sa templo; alam namin na maaangkin namin si Kenneth sa susunod na mundo dahil isinilang siya sa loob ng tipan. Nagkaroon din kami ng karanasan na kailangan sa pag-minister sa iba at pakikiramay sa kanila. Pinatototohanan ko na nawala ang pait mula nang manampalataya kami sa Panginoon. Nahihirapan pa rin kami sa aming karanasan, pero gaya ni Apostol Pablo ay natutuhan namin na “lahat ng bagay ay [aming] magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na [nagpapalakas sa amin]” kung nakatuon kami sa Kanya.4

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.” Sabi pa niya, “Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya.”5

Maaari tayong magsaya at mapuspos ng kapayapaan sa ating mahihirap na panahon. Ang pagmamahal na nadarama natin dahil sa Tagapagligtas at sa Pagbabayad-sala Niya ay pinagmumulan ng lakas kapag may pagsubok. “Lahat ng di-makatarungan [at mahirap] sa buhay ay maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”6 Iniutos Niya, “Sa sanlibutan ay [magkakaroon kayo ng kapighatian]: ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”7 Matutulungan Niya tayong tiisin ang anumang hirap, karamdaman, at mga pagsubok dito sa mortalidad.

Marami tayong nakikitang kuwento sa banal na kasulatan tungkol sa mga dakila at magigiting na lider, gaya nina, Jeremias, Job, Joseph Smith, at Nephi, na dumanas rin ng mga hirap at hamon ng mortalidad. Sila ay mga mortal na natutong sumunod sa Panginoon kahit sa mahihirap na kalagayan.8

Sa matitinding araw sa Liberty Jail, humiyaw si Joseph Smith: “O Diyos, nasaan kayo? At nasaan ang pabilyon na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?”9 Tinuruan ng Panginoon si Joseph na tiisin itong mabuti10 at nangako na kung gagawin niya iyon, lahat ng ito ay magbibigay sa kanya ng karanasan at para sa kanyang ikabubuti.11

Sa pag-iisip sa sarili kong mga karanasan, natanto ko na natutuhan ko ang ilan sa mga pinakamaiinam na aral sa mahihirap na panahon, mga sandali na wala ako sa aking comfort zone. Ang mga hirap ko noong kabataan ko, habang nalalaman ang tungkol sa Simbahan dahil sa seminary, bilang bagong convert, at bilang full-time missionary at mga hamon sa pag-aaral, sa pagsisikap na gampanang mabuti ang mga tungkulin ko, at pagkakaroon ng pamilya ay naghanda sa akin para sa hinaharap. Kapag mas masaya akong tumutugon sa mahihirap na kalagayan nang may pananampalataya sa Panginoon, lalo akong umuunlad sa pagkadisipulo.

Ang mahihirap na bagay sa ating buhay ay hindi dapat ikagulat kapag nakapasok na tayo sa tuwid at makipot na landas.12 Si Jesus ay “natuto ng pagtalima sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis.”13 Sa pagsunod natin sa Kanya, lalo na sa mahihirap na sandali sa ating buhay, lalo tayong magiging katulad Niya.

Ang isa sa mga ginagawa nating pakikipagtipan sa Panginoon sa loob ng templo ay ang ipamuhay ang batas ng sakripisyo. Noon pa man, ang sakripisyo ay bahagi na ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay nagpapaalala sa dakilang pagbabayad-sala ni Jesucristo para sa lahat ng nabuhay o mabubuhay sa mundo.

Ang mga missionary ni Elder Morrison

Alam ko na laging ginagantimpalaan ng Panginoon ang mabubuti nating hangarin. Naaalala ninyo ang maraming anak na ipinangako sa akin sa patriarchal blessing ko? Ang basbas na iyon ay natutupad na. Kami ng asawa ko ay naglingkod na kasama ang ilang daang mga missionary, mula sa mahigit 25 bansa, sa Ghana Cape Coast Mission. Mahal namin sila na parang tunay naming mga anak.

Pinatototohanan ko na lumalago tayo sa ating pagkadisipulo kapag sumasampalataya tayo sa Panginoon sa mahihirap na panahon. Sa paggawa nito, buong awa Niya tayong palalakasin at tutulungan tayong dalhin ang ating mga pasanin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.