2022
Katuwang ang Panginoon
Nobyembre 2022


12:58

Katuwang ang Panginoon

Ipinahahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang alituntunin ng lubos na pagiging magkatuwang ng babae at lalaki, kapwa sa mortal na buhay at sa kawalang-hanggan.

Sa mga unang buwan namin bilang mag-asawa, sinabi ng mahal kong asawa na nais niyang mag-aral ng musika. Dahil gusto kong mapasaya siya, nagpasiya akong maghanda ng isang malaki at taos-pusong sorpresa para sa mahal ko. Pumunta ako sa tindahan ng mga instrumentong pangmusika at ibinili siya ng piyano bilang regalo. Nasasabik kong inilagay ang resibo ng pagbili sa isang kahon na may magandang laso at ibinigay ito sa kanya, inaasahan ang nag-uumapaw na pasasalamat para sa kanyang mapagmahal at maasikasong asawa.

Nang buksan niya ang maliit na kahon at nakita ang laman nito, buong giliw siyang tumingin sa akin at nagsabing, “O, mahal ko, napakabait mo! Pero matanong nga kita: Regalo ba ito o utang?” Matapos mag-usap tungkol sa sorpresa, nagpasiya kaming ikansela ang pagbili. Ang badyet namin ay pang-estudyante, gaya rin ng maraming young adult na bagong kasal. Natulungan ako ng karanasang ito na makita ang kahalagahan ng alituntunin ng lubos na pagiging magkatuwang ng mag-asawa at kung paanong ang pagsasabuhay nito ay makatutulong sa amin ng asawa ko na magkaroon ng isang puso at isang isipan.1

Ipinahahayag ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang alituntunin ng lubos na pagiging magkatuwang ng babae at lalaki, kapwa sa mortal na buhay at sa kawalang-hanggan. Bagama’t ang bawat isa ay nagtataglay ng partikular na mga katangian at responsibilidad na itinakda ng Diyos, ginagampanan ng babae at lalaki ang mga tungkulin na may pantay na kahalagahan at kinakailangan sa plano ng kaligayahan ng Diyos para sa Kanyang mga anak.2 Makikita ito mula pa sa simula nang ipinahayag ng Panginoon na “hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa; kaya nga, lilikha [Siya] ng isang katuwang para sa kanya.”3

Sa plano ng Panginoon, ang “katuwang” ay isang kasama na lalakad katabi ni Adan bilang lubos na kaagapay.4 Katunayan, si Eva ay pagpapalang mula sa langit sa buhay ni Adan. Sa pamamagitan ng kanyang likas na kabanalan at espirituwal na mga katangian, nahikayat niya si Adan na maging katuwang niya para maisakatuparan ang plano ng kaligayahan ng Diyos para sa buong sangkatauhan.5

Isaalang-alang natin ang dalawang pangunahing alituntunin na nagpapalakas ng pagiging magkatuwang ng lalaki at babae. Ang unang alituntunin ay pantay-pantay tayong lahat sa Diyos.6 Ayon sa doktrina ng ebanghelyo, ang pagkakaiba sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan ay hindi nagpapawalang-halaga sa mga walang hanggang pangako ng Diyos sa Kanyang mga anak na babae at lalaki. Walang may mas nakahihigit na posibilidad sa kaluwalhatiang selestiyal kaysa sa isa pa sa kawalang-hanggan.7 Ang Tagapagligtas mismo ay inaanyayahan tayong lahat, na mga anak ng Diyos, “na lumapit sa Kanya at makibahagi sa Kanyang kabutihan; at wala Siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa Kanya.”8 Kaya, sa kontekstong ito, itinuturing tayong lahat na pantay-pantay sa Kanyang harapan.

Kapag nauunawaan at isinasabuhay ng mga mag-asawa ang alituntuning ito, hindi nila ipinoposisyon ang kanilang mga sarili bilang pangulo o pangalawang pangulo ng kanilang pamilya. Walang mas mataas o mas mababa sa relasyon ng mag-asawa, at walang nauuna o nahuhuling maglakad. Lumalakad silang katabi ng banal na anak ng Diyos bilang magkapantay. Nagiging isa sila sa isipan, ninanais, at layunin ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo,9 pinamumunuan at ginagabayan ang pamilya nang magkasama.

Sa pagiging pantay na magkatuwang, “ang pag-ibig ay hindi pag-angkin kundi pakikibahagi … bahagi ng sabay na paglikhang yaon na siyang tungkulin natin bilang tao.”10 “Sa tunay na pakikibahagi, nagsasama ang mag-asawa sa pagkakaisang mas magaganda ang ibinubunga sa ‘walang hanggang pamamahala’ na ‘walang sapilitan’ ay dadaloy sa espirituwal na buhay nila at ng kanilang mga inapo ‘magpakailanman at walang katapusan.’”11

Ang pangalawang nauugnay na alituntunin ay ang Ginintuang Tuntunin na itinuro ng Tagapagligtas sa Sermon sa Bundok: “Kung ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.”12 Ipinapakita ng alituntuning ito ang mabuting pagtrato, ganting pagtugon, pagkakaisa, at pagtutulungan at batay ito sa ikalawang dakilang kautusan na: “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”13 Kasama ito ng iba pang mga katangiang Kristiyano tulad ng pagtitiyaga, kahinahunan, kaamuan, at kabaitan.

Upang mas maunawaan ang paggamit ng alituntuning ito, maaari nating tingnan ang sagrado at walang hanggang pagbubuklod na ginawa ng Diyos sa ating mga unang magulang na sina Adan at Eva. Sila ay naging isang laman,14 na lumilikha ng dimensyon ng pagkakaisa na nagbigay-daan para mamuhay sila nang magkasama nang may paggalang, pasasalamat, at pagmamahal, nililimot ang kanilang mga sarili at hinahangad ang kapakanan ng bawat isa sa kanilang paglalakbay patungo sa kawalang-hanggan.

Ang mga katangian ding iyon ang pinagsisikapan nating matamo sa pagsasama ng mga mag-asawa ngayon. Sa pamamagitan ng pagbubuklod sa templo, ang isang babae at isang lalaki ay pumapasok sa banal na orden ng matrimonya sa bago at walang hanggang tipan. Sa pamamagitan ng orden na ito ng priesthood, binibigyan sila ng walang hanggang mga pagpapala at banal na kapangyarihang pangasiwaan ang mga gawain sa pamilya habang namumuhay sila alinsunod sa mga tipang ginawa nila. Mula sa puntong iyon, sumusulong sila nang umaasa sa isa’t isa at lubos na magkatuwang kasama ang Panginoon, lalo na pagdating sa mga responsibilidad ng bawat isa na itinakda ng Diyos na kalingain at pamunuan ang kanilang pamilya.15 Ang pagkalinga at pamumuno ay magkaugnay at magkasanib na responsibilidad, na nangangahulugan na ang mga ina at ama “ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan”16 at pantay na pamumuno sa kanilang tahanan.

“Ang ibig sabihin ng pag-aruga ay pangangalaga, pagtuturo, at pagsuporta” sa mga miyembro ng pamilya, na ginagawa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na “matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at magkaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo” sa isang kapaligiran na may pagmamahalan. Ang ibig sabihin ng pamumuno ay “tulungang gabayan ang mga miyembro ng pamilya na makabalik at manirahang muli sa piling ng Diyos. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtuturo nang may kahinahunan, kaamuan, at dalisay na pagmamahal.” Kasama rin dito ang “pangunguna sa regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng ebanghelyo, at iba pang mga aspekto ng pagsamba. Ang mga magulang ay magkasamang nagsisikap,” tinutularan ang halimbawa ni Jesucristo, upang “magampanan ang [dalawang dakilang] responsibilidad na ito.”17

Mahalaga na isagawa ang pamamahala sa pamilya alinsunod sa huwarang patriyarkal, na may ilang pagkakaiba mula sa pamumuno ng priesthood sa Simbahan.18 Napapaloob sa huwarang patriyarkal na ang mga asawang babae at lalaki ay direktang may pananagutan sa Diyos sa pagtupad sa kanilang banal na mga responsibilidad sa pamilya. Nangangailangan ito ng lubos na pagtutulungan—bukal sa loob na pagsunod sa bawat alituntunin ng pagiging matwid at pananagutan—at nagbibigay ng mga pagkakataon na lumago sa isang kapaligiran na may pagmamahalan at pagtutulungan.19 Ang mga espesyal na responsibilidad na ito ay hindi nagpapakita ng herarkiya at talagang hindi nagsasama ng anumang uri ng pang-aabuso o maling paggamit ng awtoridad.

Ang karanasan nina Adan at Eva, matapos nilang lisanin ang Halamanan ng Eden, ay mahusay na naglalarawan ng konsepto ng pagtutulungan ng isang ina at isang ama sa pagkalinga at pamumuno sa kanilang pamilya. Tulad ng itinuro sa aklat ni Moises, nagtulungan sila sa pagbungkal ng lupa sa pamamagitan ng pawis sa kanilang mukha upang makapaglaan para sa pisikal na kapakanan ng kanilang pamilya;20 nagsilang sila ng mga anak sa mundo;21 magkasama silang tumawag sa pangalan ng Panginoon at pinakinggan ang tinig ng Diyos “sa daan patungo sa Halamanan ng Eden”;22 tinanggap nila ang mga kautusang ibinigay sa kanila ng Panginoon at magkasamang nagsikap na sundin ang mga ito.23 Pagkatapos ay “ipinaalam nila ang lahat ng bagay [na ito] sa kanilang mga anak na lalaki at babae”24 at “hindi tumigil sa pagtawag sa Diyos” nang magkasama ayon sa kanilang mga pangangailangan.25

Mahal kong mga kapatid, ang pagkalinga at pamumuno ay mga oportunidad, hindi eksklusibong mga limitasyon. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng isang responsibilidad para sa isang bagay ngunit maaaring hindi lamang siya ang gumagawa nito. Kapag lubos na nauunawaan ng mga mapagmahal na magulang ang dalawang pangunahing responsibilidad na ito, magkasama silang magsisikap na magbigay ng proteksiyon at mangalaga para sa pisikal at emosyonal na kapakanan ng kanilang mga anak. Tinutulungan din nila sila na harapin ang mga espirituwal na panganib sa ating panahon sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanila gamit ang mabuting salita ng Panginoon na inihayag sa Kanyang mga propeta.

Bagama’t sinusuportahan ng mag-asawa ang isa’t isa sa kanilang mga responsibilidad na itinakda ng Diyos, ang “kapansanan, kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa.”26 Kung minsan ay kailangang magkasabay na gawin ng isang asawa ang dalawang tungkulin, nang pansamantala o nang permanente.

Kamakailan ay nakilala ko ang isang sister at isang brother na namumuhay sa ganitong kalagayan. Bilang mga single parent, bawat isa sa kanila, sa kanilang mga pamilya at katuwang ang Panginoon, ay nagpasiyang ilaan ang buong buhay nila sa espirituwal at temporal na pangangalaga ng kanilang mga anak. Hindi nila nalilimutan ang kanilang mga tipan sa templo na ginawa nila sa Panginoon at ang Kanyang mga walang hanggang pangako sa kabila ng kanilang mga diborsyo. Kapwa nila hinangad ang tulong ng Panginoon sa lahat ng bagay habang nagpapatuloy silang magsikap na kayanin ang kanilang mga pagsubok at lumakad sa landas ng tipan. Nagtiwala sila na ipagkakaloob ng Panginoon ang kanilang mga pangangailangan, hindi lamang sa buhay na ito kundi magpakailanman. Kapwa nila pinangangalagaan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila nang may kahinahunan, kaamuan, at dalisay na pag-ibig, kahit pa dumaranas sila ng mahihirap na kalagayan sa buhay. Ang alam ko, hindi sinisisi ng dalawang single parent na ito ang Diyos sa kanilang mga kasawian. Sa halip, inaasam nila nang may ganap na kaliwanagan ng pag-asa at tiwala ang mga pagpapalang inilalaan ng Panginoon para sa kanila.27

Mga kapatid, nagpakita ang Tagapagligtas ng perpektong halimbawa ng pagkakaisa at pagkakatugma ng layunin at doktrina sa ating Ama sa Langit. Nanalangin Siya para sa Kanyang mga disipulo, sinasabing, “Upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo: … upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.”28

Pinatototohanan ko sa inyo na kapag tayo—mga kababaihan at kalalakihan—ay nagtulungan sa isang tunay at pagiging pantay na magkatuwang bilang mag-asawa, matatamasa natin ang pagkakaisang itinuro ng Tagapagligtas habang ginagampanan natin ang mga banal na responsibilidad sa ating pagsasama bilang mag-asawa. Ipinapangako ko sa inyo, sa pangalan ni Cristo, na ang mga puso ay magiging “magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa,”29 makahahanap tayo ng higit pang kagalakan sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan, at ang ating kakayahang maglingkod sa isa’t isa at kasama ang isa’t isa ay lalago nang husto.30 Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa banal na pangalan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.