At Nagsikap Sila na Makita Kung Sino si Jesus
Pinatototohanan ko na si Jesus ay buhay, na kilala Niya tayo, at na may kapangyarihan Siya na magpagaling, magpabago, at magpatawad.
Mga kapatid at mga kaibigan, noong 2013 kami ng asawa kong si Laurel ay tinawag na maglingkod bilang mga mission leader sa Czech/Slovak Mission. Kasama naming naglingkod ang apat naming anak.1 Nabiyayaan kami ng pamilya ko ng mahuhusay na missionary at ng kahanga-hangang mga Banal na Czech at Slovak. Mahal namin sila.
Nang magpunta ang aming pamilya sa misyon, dala namin ang isang bagay na itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin. Sa isang mensaheng pinamagatang “Ang Dakilang Utos,” itinanong ni Elder Wirthlin, “Mahal ba ninyo ang Panginoon?” Sa atin na sasagot ng oo, ang payo niya ay simple at mahalaga: “Maglaan ng oras sa Kanya. Pagnilay-nilayin ang Kanyang mga salita. Pasanin ninyo ang Kanyang pamatok. Hangaring makaunawa at sumunod.”2 Nangako si Elder Wirthlin ng mga pagpapalang magpapabago sa mga handang maglaan ng oras at puwang kay Jesucristo.3
Isinapuso namin ang payo at pangako ni Elder Wirthlin. Kasama ang aming mga missionary, gumugol kami ng mas mahabang oras sa pag-aaral ng tungkol kay Jesus, pinag-aralan ang aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, at Juan mula sa Bagong Tipan at ang 3 Nephi mula sa Aklat ni Mormon. Sa pagtatapos ng bawat missionary meeting, natatagpuan namin ang aming sarili sa tinatawag naming “Limang Ebanghelyo,”4 na binabasa, tinatalakay, pinag-iisipan, at pinag-aaralan ang tungkol kay Jesus.
Para sa akin, para kay Laurel, at sa aming mga missionary, ang pag-uukol ng oras sa pag-aaral ng tungkol kay Jesus sa mga banal na kasulatan ay nagpabago sa lahat. Nagkaroon kami ng mas malalim na pagpapahalaga sa kung sino Siya at kung ano ang mahalaga sa Kanya. Magkakasama naming pinag-isipan kung paano Siya nagturo, ano ang itinuro Niya, kung paano Siya nagpakita ng pagmamahal, pagpapala at paglilingkod, mga himala, ang ginawa Niya nang ipagkanulo Siya, ang pagsupil sa matitinding damdamin, mga titulo at pangalan, kung paano Siya nakinig, kung paano Niya nilutas ang pagtatalu-talo, ang lugar na tinirhan Niya, mga talinghaga, kung paano Siya naghikayat ng pagkakaisa at kabaitan, kakayahang magpatawad at magpagaling, mga pangaral, panalangin, nagbabayad-salang sakripisyo, Pagkabuhay na Mag-uli, at ang Kanyang ebanghelyo.
Madalas naming madama na tila katulad kami ng “pandak” na si Zaqueo na tumakbo at umakyat sa isang puno ng sikomoro sa pagdaan ni Jesus sa Jerico dahil, tulad ng inilarawan ni Lucas, kami ay “nagsikap [na] makita kung sino si Jesus.”5 Hindi si Jesus ayon sa nais namin o gusto namin na maging Siya, kundi si Jesus kung sino Siya talaga noon at ngayon.6 Tulad ng ipinangako ni Elder Wirthlin, natutuhan namin sa tunay na paraan na “ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ebanghelyo ng pagbabago. Itinuturing tayo nito bilang kalalakihan at kababaihan ng mundo at pinadadalisay tayo para sa kawalang-hanggan.”7
Espesyal ang mga araw na iyon. Naniwala kami na “sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.”8 Ang mga sagradong hapon sa Prague, Bratislava, o Brno, ang naranasang kapangyarihan ni Jesus at ang realidad na buhay si Jesus, ay patuloy na nakaimpluwensya sa buhay naming lahat.
Madalas naming pag-aralan ang Marcos 2:1–12. Nakakaantig ang kuwento rito. Gusto kong basahin nang direkta ang ilang bahagi nito mula sa Marcos at pagkatapos ay magbabahagi ako ayon sa naunawaan ko matapos ang komprehensibong pag-aaral at talakayan kasama ang aming mga missionary at ang iba pa.9
“Nang magbalik [si Jesus] sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya’y nasa bahay.
“Maraming nagtipon, kaya’t wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.
“May mga taong dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.
“Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.
“Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
Matapos makipag-usap sa ilan sa mga naroon,10 tumingin si Jesus sa lalaking lumpo at pisikal na pinagaling ito, at sinabing:
“Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.
“Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa’t namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma’y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”11
Narito ang ilan sa naunawaan ko sa kuwentong ito: Sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo, bumalik si Jesus sa Capernaum, isang maliit na nayon na pangingisda ang ikinabubuhay na matatagpuan sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea.12 Gumawa Siya kailan lang ng sunud-sunod na himala sa pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng masasamang espiritu.13 Sabik na marinig at maranasan na makasama ang lalaking tinatawag na Jesus, nagtipon ang mga taga-nayon sa bahay kung saan nila nabalitaang naroon Siya.14 Nang magtipon na sila, nagsimulang magturo si Jesus.15
Ang mga bahay sa panahong iyon sa Capernaum ay may patag na bubong, walang palapag, at magkakadikit.16 Ang bubong at mga pader ay pinaghalong bato, kahoy, luwad, at kugon, na ang dadaanan ay ilang simpleng baitang sa gilid ng bahay.17 Mabilis na dumami ang mga tao sa bahay, napuno ang silid kung saan nagtuturo si Jesus, at umabot hanggang sa kalye.18
Ang kuwento ay nakatuon sa isang lalaking “lumpo” at sa kanyang apat na kaibigan.19 Ang pagkalumpo ay isang uri ng pagkaparalisa, na kadalasang may kasamang panghihina at panginginig.20 Parang nakikinita ko na sinabi ng isa sa apat, “Nasa nayon natin si Jesus. Alam nating lahat ang tungkol sa mga himalang ginawa Niya at sa mga taong pinagaling Niya. Kung madadala natin ang ating kaibigan kay Jesus, marahil ay mapapagaling din siya.”
Kaya hinawakan ng bawat isa sa kanila ang magkabilang dulo ng higaan o kama ng kanilang kaibigan at nagsimulang buhatin siya sa liku-liko, madalas na makitid, at baku-bakong mga kalye ng Capernaum.21 Nananakit na ang mga kalamnan, sila ay lumiko sa huling kanto para lamang makita ang napakarami o, ayon sa banal na kasulatan, ang “karamihan” ng mga taong nagtipon upang makinig kaya imposibleng makalapit kay Jesus.22 Dama ang pagmamahal at pananampalataya, hindi sumuko ang apat. Sa halip, sila ay umakyat kaagad sa bubong, maingat na iniangat ang kanilang kaibigan na nasa higaan, binutas ang bubungan sa silid kung saan nagtuturo si Jesus, at ibinaba ang kanilang kaibigan.23
Isipin na sa kalagitnaan ng seryosong pagtuturo, nakarinig si Jesus ng langitngit sa bubong, Siya ay tumingala, at nakita ang lumalaking butas sa kisame habang ang mga alikabok at kugon ay nagbabagsakan sa silid. Pagkatapos ay isang lalaking lumpo sa higaan ang ibinaba sa sahig. Kapansin-pansin, naunawaan ni Jesus na hindi ito nakagagambala kundi isang bagay na mahalaga. Tiningnan Niya ang lalaki sa higaan, hayagang Niyang pinatawad ang mga kasalanan nito, at pisikal na pinagaling.24
Sa karagdagang impormasyong ito tungkol sa Marcos 2, naging malinaw ang ilang mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesus bilang ang Cristo. Una, kapag sinisikap nating tulungan ang isang taong mahal natin na lumapit kay Cristo, magagawa natin ito nang may tiwala na may kakayahan Siyang pasanin ang bigat ng kasalanan at magpatawad. Pangalawa, kapag nagdadala tayo ng pisikal, emosyonal, o iba pang mga karamdaman kay Cristo, magagawa natin ito dahil alam natin na Siya ay may kapangyarihan na magpagaling at magbigay ng kapanatagan. Pangatlo, kapag nagsisikap tayo tulad ng apat na kaibigan na dalhin ang iba kay Cristo, magagawa natin ito nang may katiyakan na nakikita Niya ang ating tunay na mga hangarin at tutugunin Niya ang mga ito.
Alalahanin, ang pagtuturo ni Jesus ay nagambala ng pagbutas sa bubong. Ngunit sa halip na pagalitan o paalisin ang apat na bumutas sa bubong, sinasabi sa atin ng banal na kasulatan na “[n]akita ni Jesus ang kanilang pananampalataya.”25 Ang mga nakakita sa himala ay “natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.”26
Mga kapatid, magtatapos ako sa dalawa pang bagay na napansin ko. Bilang mga missionary, lider, Relief Society president, bishop, guro, magulang, kapatid, o kaibigan, tayong lahat ay kasali bilang mga disipulo na Banal sa mga Huling Araw sa gawaing ilapit ang iba kay Cristo. Kaya nga, ang mga katangiang ipinakita ng apat na kaibigan ay nararapat isaisip at tularan.27 Sila ay matapang, madaling makaangkop, matatag, malikhain, mahusay, puno ng pag-asa, determinado, tapat, maganda ang pananaw, mapagpakumbaba, at matiisin.
Dagdag pa rito, ipinakita ng apat ang espirituwal na kahalagahan ng komunidad at pakikipagkapatiran.28 Upang madala ang kanilang kaibigan kay Cristo, kailangang buhatin ng bawat isa sa apat ang magkabilang dulo ng higaan. Kung sumuko ang isa, magiging mas mahirap ang mga bagay-bagay. Kung umayaw ang dalawa, lalong imposibleng magawa ang gawain. Ang bawat isa sa atin ay may tungkuling gagampanan sa kaharian ng Diyos.29 Kapag ginagampanan natin ang tungkuling iyan at ginagawa ang ating bahagi, tumutulong tayo sa pagbubuhat. Nasa Argentina man o Vietnam, Accra o Brisbane, branch o ward, pamilya o missionary companionship, bawat isa sa atin ay may responsibilidad na gagawin. Kapag ginawa natin ito, at kung gagawin natin, lahat tayo ay pagpapalain ng Panginoon. Tulad ng pagkakita Niya sa kanilang pananampalataya, makikita rin Niya ang ating pananampalataya at pagpapalain tayo.
Sa iba’t ibang pagkakataon tumulong ako para madala ang isang tao, at kung minsan ay ako ang dinadala. Ang nakakaantig na bahagi ng magandang kuwentong ito tungkol kay Jesus ay ipinapaalala nito sa atin kung gaano natin kailangan ang isa’t isa, bilang magkakapatid, upang makalapit kay Cristo at magbago.
Ilan lamang ito sa mga bagay na natutuhan ko sa paggugol ng oras sa pag-aaral ng tungkol kay Jesus sa Marcos 2.
“Nawa’y ipagkaloob ng Diyos na [magawa natin ang ating bahagi], na hindi tayo umayaw, at matakot, kundi maging malakas tayo sa ating pananampalataya, at determinado sa ating gawain, upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.”30
Pinatototohanan ko na si Jesus ay buhay, na kilala Niya tayo, at na may kapangyarihan Siya na magpagaling, magpabago, at magpatawad. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.