2022
Buong Puso
Nobyembre 2022


11:16

Buong Puso

Dapat tayong maging mga alagad ni Jesus na masaya at buong-pusong nagsisikap sa ating personal na paglalakbay sa pagkadisipulo.

Kung minsan, nakakatulong na malaman kung ano ang aasahan.

Nang malapit nang matapos ang Kanyang ministeryo, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na darating ang mahihirap na panahon. Ngunit sinabi rin Niya, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba.”1 Oo, aalis Siya, ngunit hindi Niya sila iiwang nag-iisa.2 Isusugo Niya ang Kanyang Espiritu para tulungan silang makaalala, maging matatag, at makasumpong ng kapayapaan. Tinutupad ng Tagapagligtas ang Kanyang pangakong sasamahan tayo, na Kanyang mga disipulo, ngunit kailangan ay patuloy tayong umasa na tutulungan Niya tayong mapansin at matamasa ang Kanyang presensya.

Laging nagdaranas ng mahihirap na panahon ang mga disipulo ni Cristo.

Pinadalhan ako ng isang mahal kong kaibigan ng isang lumang artikulo mula sa Nebraska Advertiser, isang pahayagan sa Midwestern United States, na may petsang Hulyo 9, 1857. Nakasaad doon: “Kaninang umaga dumaan ang isang grupo ng mga Mormon sa paglalakbay nila patungong Salt Lake. Hila-hila ng kababaihan (na siguradong hindi gaanong maseselan) ang mga kariton na parang mga hayop, natumba ang isang [babae] sa maitim na putik na naging sanhi ng paghinto sandali ng grupo, kasabay nila sa paglalakad ang maliliit na batang nakasuot ng [kakaibang] damit ng dayuhan na determinado rin tulad ng kanilang mga ina.”3

Marami akong naisip tungkol sa babaeng ito na puno ng putik. Bakit mag-isa siyang naghihila ng kariton? Wala ba siyang asawa? Ano ang nagbigay sa kanya ng katatagan ng kalooban, ng tapang, ng tiyagang gawin ang gayon kahirap na paglalakbay sa maputik na daan, na hila-hila ang lahat ng kanyang pag-aari sa isang kariton patungo sa tahanan sa isang di-kilalang disyerto—na paminsan-minsa’y nililibak ng mga nakamasid?4

Binanggit ni Pangulong Joseph F. Smith ang katatagan ng kalooban ng mga babaeng pioneer na ito, na sinasabing: “Magagawa ba ninyong baguhin ang paniniwala ng isa man lamang sa mga kababaihang ito tungkol sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw? Magagawa ba ninyong padilimin ang kanilang isipan tungkol sa misyon ni Propetang Joseph Smith? Magagawa ba ninyong bulagin sila kung tungkol din lamang sa dakilang misyon ni Jesucristo, ang Anak ng Diyos ang pag-uusapan? Hindi, kailanman sa mundong ito hindi ninyo ito magagawa. Bakit? Sapagkat alam nila ito. [Inihayag] ito ng Diyos sa kanila, at naunawaan nila ito, at walang kapangyarihan sa mundo ang makapagbabago sa kanila sa alam nilang katotohanang [iyon].”5

Mga kapatid, ang maging katulad ng kalalakihan at kababaihang iyon ang hamon sa ating panahon—mga disipulong buong lakas na patuloy na nagsisikap sa kabila ng mga hamon, mga disipulong may matibay na pananalig na inihayag sa atin ng Diyos, mga alagad ni Jesus na masaya at buong pusong nagsisikap sa ating personal na paglalakbay sa pagkadisipulo. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay naniniwala at maaaring lumago sa tatlong mahalagang katotohanan.

Una, Maaari Nating Tuparin ang Ating mga Tipan, Kahit Hindi Iyon Madali

Kapag may hamon sa inyong pananampalataya, sa inyong pamilya, o sa inyong kinabukasan—kapag nagtataka kayo kung bakit napakahirap ng buhay samantalang ginagawa ninyo ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo—alalahanin na sinabi sa atin ng Panginoon na asahan ang mga problema. Ang mga problema ay bahagi ng plano at hindi nangangahulugan na pinabayaan na kayo; bahagi iyon ng kahulugan ng maging Kanya.6 Tutal naman, Siya ay “ isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan.”7

Natututuhan ko na mas interesado ang Ama sa Langit sa aking paglago bilang disipulo ni Jesucristo kaysa sa aking kaginhawahan. Maaaring hindi ko palaging gustong magkaganoon iyon—ngunit ganoon nga iyon!

Ang maginhawang buhay ay hindi naghahatid ng kapangyarihan. Ang kapangyarihang kailangan natin para matiis ang ating mga pagsubok ay ang kapangyarihan ng Panginoon, at dumadaloy ang Kanyang kapangyarihan sa ating mga tipan sa Kanya.8 Ang pagsandig sa ating pananampalataya kapag nahaharap tayo sa napakahirap na mga hamon—ang tapat na pagsusumikap sa bawat araw na gawin ang ipinangako natin sa Tagapagligtas na ating gagawin, kahit at lalo na kapag tayo ay napapagod, nag-aalala, at nakikibaka sa mahihirap na tanong at isyu—ay ang unti-unting tanggapin ang Kanyang liwanag, Kanyang lakas, Kanyang pagmamahal, Kanyang Espiritu, Kanyang kapayapaan.

Ang dahilan ng paglakad sa landas ng tipan ay para makalapit sa Tagapagligtas. Siya ang dahilan, hindi ang ating perpektong pag-unlad. Hindi ito paunahan, at huwag nating ikumpara ang ating paglalakbay sa iba. Kahit magkamali tayo, naroon Siya.

Pangalawa, Maaari Tayong Kumilos nang May Pananampalataya

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, nauunawaan natin na ang pananampalataya ay nangangailangan ng pagkilos—lalo na sa mahihirap na panahon.9

Maraming taon na ang nakalilipas, nagpasiya ang mga magulang ko na magpalit ng carpet sa bahay. Noong gabi bago dumating ang bagong carpet, inutusan ng nanay ko ang mga kapatid kong lalaki na alisin ang mga muwebles at tanggalin ang mga carpet sa kuwarto para mailatag ang bagong carpet. Tulog na ang kapatid kong si Emily, na pitong-taong-gulang noon. Kaya, habang tulog siya, tahimik nilang inalis ang lahat ng muwebles sa kuwarto niya, maliban sa kama, at tinanggal ang carpet. Tulad ng ginagawa ng mga kuya kung minsan, naisipan nilang gumawa ng kalokohan. Inalis nila ang iba pa niyang mga kagamitan sa aparador at mga dingding, at iniwang walang kalaman-laman ang kuwarto. Pagkatapos ay nag-iwan sila ng maikling sulat at idinikit iyon sa dingding: “Mahal na Emily, lumipat kami ng bahay. Susulat kami pagkaraan ng ilang araw at sasabihin namin sa iyo kung nasaan kami. Nagmamahal, ang iyong pamilya.”

Kinabukasan nang hindi lumabas si Emily para mag-almusal, hinanap siya ng mga kapatid ko—naroon siya, malungkot at nag-iisa sa likod ng nakasarang pinto. Pinagnilayan ni Emily ang karanasang ito kalaunan: “Lungkot na lungkot ako. Pero ano kaya ang nangyari kung binuksan ko na lang ang pinto? Ano kaya ang narinig ko? Ano kaya ang naamoy ko? Nalaman ko sana na hindi ako nag-iisa. Nalaman ko sana na may nagmamahal talaga sa akin. Hindi pumasok sa isip ko na gumawa ng anuman tungkol sa sitwasyon ko. Sumuko na lang ako at nanatili sa loob ng aparador ko na umiiyak. Pero kung binuksan ko na lang sana ang pinto.”10

Nag-akala ang kapatid ko batay sa nakita niya, pero hindi naman talaga gayon ang sitwasyon. Hindi ba nakakatawa na tayo, gaya ni Emily, ay maaaring malungkot o masaktan o madismaya o mag-alala o malumbay o magalit o mainis kaya hindi natin naiisip na kumilos, buksan ang pinto, manampalataya kay Jesucristo?

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng kalalakihan at kababaihan, mga disipulo ni Cristo, na, nang maharap sa mahihirap na hamon, ay kumilos lang—nanampalataya at sumulong.11

Sa mga ketongin na naghangad na mapagaling, sinabi ni Cristo, “Humayo kayo at kayo’y magpakita sa mga [saserdote]. [At nangyari, na,] habang sila’y umaalis, sila ay nagiging malinis.”12

Nagpakita sila sa mga saserdote na parang sila ay napagaling na, at habang kumikilos sila, gumaling nga sila.

Nais ko ring sabihin na kung ang pag-iisip na kumilos sa kabila ng inyong pasakit ay tila imposible, mangyaring humingi kayo ng tulong—sa isang kaibigan, kapamilya, lider ng Simbahan, at propesyonal. Maaari itong maging unang hakbang tungo sa pag-asa.

Pangatlo, Maaari Tayong Maging Buong Puso at Masaya sa Ating Debosyon13

Kapag dumarating ang mahihirap na panahon, sinisikap kong alalahanin na pinili kong sumunod kay Cristo bago ako naparito sa mundo at na ang mga hamon sa aking pananampalataya, kalusugan, at pagtitiis ay pawang bahagi ng dahilan kaya ako narito. At hindi ko talaga dapat isipin kailanman na ang pagsubok sa panahong ito ay lumilikha ng pag-aalinlangan tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa akin o nauuwi sa pagdududa ang pananampalataya ko sa Kanya. Ang mga pagsubok ay hindi nangangahulugan na nabibigo ang plano; bahagi ang mga iyon ng plano para tulungan akong hanapin ang Diyos. Nagiging mas katulad Niya ako kapag matiyaga akong nagtitiis, at sana, tulad Niya, kapag matindi ang paghihirap ko, mas taimtim akong manalangin.14

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagmamahal sa ating Ama nang buong puso—ng pagsunod sa Kanyang kalooban, anuman ang kapalit nito.15 Nais kong tularan ang Kanyang halimbawa sa paggawa rin ng gayon.

Nabigyang-inspirasyon ako ng buong-puso at buong-kaluluwang pagkadisipulo ng balo na nagbigay ng kanyang dalawang lepta sa kabang-yaman ng templo. Ibinigay niya ang lahat-lahat ng kanya.16

Nakita ni Jesucristo ang pagiging bukas-palad niya samantalang ang nakita lamang ng iba ay ang maliit na halagang ibinigay niya. Totoo rin iyan sa bawat isa sa atin. Hindi kabiguan ang nakikita Niya sa ating kawalan kundi sa halip ay isang pagkakataong manampalataya at umunlad.

Katapusan

Mga kapwa ko disipulo ni Jesucristo, buong puso kong pinipiling manatiling tapat sa Panginoon. Pinipili kong suportahan ang Kanyang hinirang na mga lingkod—si Pangulong Russell M. Nelson at ang mga kapwa niya Apostol—sapagkat nangungusap sila para sa Kanya at mga katiwala sila sa mga ordenansa at tipan na nagbibigkis sa akin sa Tagapagligtas.

Kapag nadapa ako, patuloy akong babangon, na umaasa sa biyaya at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Jesucristo. Mananatili ako sa aking tipan sa Kanya at sisikapin kong masagot ang aking mga tanong sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos, pagsampalataya, at sa tulong ng Espiritu Santo, na ang paggabay ay pinagkakatiwalaan ko. Hahangarin ko ang Kanyang Espiritu araw-araw sa paggawa ng maliit at simpleng mga bagay.

Ito ang landas ng aking pagkadisipulo.

At hanggang sa gumaling ang araw-araw na mga sugat ng mortalidad, maghihintay ako sa Panginoon at magtitiwala sa Kanya—sa Kanyang takdang panahon, Kanyang karunungan, Kanyang plano.17

Habang kakapit-bisig kayo, nais kong manatiling tapat sa Kanya magpakailanman. Buong puso. Batid natin na kapag minamahal natin si Jesucristo nang buong puso, ibinibigay Niya sa atin ang lahat bilang kapalit.18 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.