Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo
“Lesson 3: Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo (2022)
“Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 3
Pagtatanong nang May Pananampalataya kay Jesucristo
Maraming tanong ang mga estudyante. Ang ilang tanong ay tuwiran, ang ilan ay tumutukoy sa mga sensitibong paksa, at ang iba naman ay nagpapasimula ng nakalilito at kumplikadong paksa. Maaaring nahihiya ang ilang estudyante na magsabi ng kanilang mga tanong o maaaring hindi nakatitiyak kung paano sasabihin ang mga ito. Sa lesson na ito ay tatalakayin ng mga estudyante ang kahalagahan ng pagtatanong, iisipin kung paano sasagutin ang kalabuan, at magsasanay sa pagbuo ng mga tanong mula sa pananaw ng pananampalataya kay Jesucristo.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Paglinang ng mga kasanayan sa pag-aaral at pagtalakay sa mga microtraining
Ipaliwanag sa mga estudyante na sa kursong ito ay magkakaroon sila ng pagkakataong makilahok sa mga microtraining para matulungan silang mapahusay ang kanilang kakayahang matutuhan at matalakay ang mga paksang nauugnay sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan. Pumili ng isang kasanayan mula sa mga microtraining, at kumpletuhin ang training kasama ang iyong mga estudyante.
Pagtatanong nang may pananampalataya
Sabihin sa mga estudyante na sa araw na ito ay pag-aaralan ninyo ang ginagawa ng mga tanong sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ipakita ang mga sumusunod na pahayag, at sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang bawat isa gamit ang isa sa mga sumusunod na sagot: (1) lubos na hindi sang-ayon, (2) hindi sang-ayon, (3) hindi sang-ayon pero hindi rin tutol, (4) sang-ayon, o (5) lubos na sang-ayon. Ipaalam sa mga estudyante na ang mga pahayag na ito ang magiging batayan ng mga talakayan ng grupo na kasunod ng aktibidad na ito.
Hindi angkop na magtanong tungkol sa doktrina, mga turo, alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.
Palaging may mga simple at tuwirang sagot sa mga tanong tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.
Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay hindi makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.
Sabihin sa mga estudyante na bumuo ng maliliit na grupo batay sa pahayag na pinakagusto nilang talakayin. (Tiyakin na tinatalakay ang lahat ng pahayag.) Bigyan ang bawat grupo ng kaugnay na handout. Anyayahan silang magkaroon ng talakayan batay sa materyal at mga tanong sa handout.
Matapos ang maraming oras para sa talakayan ng grupo, maaari mong anyayahan ang isang estudyante mula sa bawat grupo na isulat sa pisara ang kanilang binagong pahayag. Ang mga pahayag na ito ay maaaring katulad ng mga sumusunod na pahayag:
Angkop, at marahil ay kailangan pa sa ating espirituwal na pag-unlad, na magtanong ng mga bagay na binigyang-inspirasyon ng pananampalataya tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.
Walang palaging simple at tuwirang mga sagot tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, at kasaysayan ng Simbahan.
Ang paniniwala o kawalan ng paniniwala sa Diyos ay makakaapekto sa paraan ng pagtatanong natin tungkol sa kahulugan ng moralidad at layunin ng buhay.
Bigyan ng oras ang mga estudyante na ipaliwanag ang kanilang binagong pahayag at kung ano ang natutuhan nila mula sa kanilang mga talakayan. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, maaari kang magbigay ng mga kasunod na tanong na makatutulong sa kanila na mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng magtanong at sagutin ang mga tanong nang may pananampalataya. Halimbawa, maaari mong itanong ang isa o lahat ng sumusunod:
Paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito na mas maunawaan ang ibig sabihin ng magtanong nang may pananampalataya?
Kailan nakatulong sa inyo ang kabatirang ito noong naghahanap kayo ng sagot sa isa sa sarili ninyong mga tanong?
Ipaalala sa mga estudyante na bilang paghahanda para sa klase ay inanyayahan silang sumulat ng isang tanong nila tungkol sa doktrina, mga turo, mga alituntunin, o kasaysayan ng Simbahan. Itanong kung may mga estudyante na nagbago ng kanilang pananaw sa tanong nila dahil sa natutuhan nila ngayon, at anyayahan ang sinumang gustong magbahagi ng kanilang mga ideya.
Maaari mong tapusin ang klase sa pamamagitan ng pagkukuwento ng sarili mong karanasan at patotoo tungkol sa pagtatanong nang may pananampalataya kay Jesucristo.
Para sa Susunod
Ipaliwanag na sa susunod na klase ay inyong tatalakayin ang banal na kaloob na biyaya. Hikayatin ang mga estudyante na maglaan ng oras sa buong linggo para malaman kung ano ang kanilang matututuhan tungkol sa banal na kaloob na biyaya mula sa Gospel Library.