“Microtraining 1: Paano Hindi Sumang-ayon nang Hindi Nakikipagtalo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo (2022)
“Paano Hindi Sumang-ayon nang Hindi Nakikipagtalo,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo
Microtraining 1
Paano Hindi Sumang-ayon nang Hindi Nakikipagtalo
Ipaliwanag
Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Marami sa mundong ito ang takot at galit sa isa’t isa. Kahit nauunawaan natin ang mga damdaming ito, kailangan nating maging magalang sa ating pakikipag-usap at mapitagan sa ating pakikisalamuha. Totoo ito lalo na kapag nakikipagtalo tayo. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin pati ang ating mga kaaway. … Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na malaman na kung paano tayo nakikipagtalo ay tunay na sukatan kung sino tayo at kung talagang sinusunod natin ang Tagapagligtas. Angkop lang na makipagtalo, ngunit hindi angkop na maging mainit ang ulo. … Kung magpapakita tayo ng pagmamahal at paggalang kahit hindi maganda ang sitwasyon, nagiging lalo tayong katulad ni Cristo. (Quentin L. Cook, “Sinusunod Natin si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2010, 84–85)
Ipaliwanag na ang isang paraan na maipapakita natin na hindi tayo sumasang-ayon nang hindi nakikipagtalo ay sa pagbibigay ng mga sagot na humihikayat ng paggalang sa halip ng pakikipagtalo.
Ipakita
Ipakita ang sumusunod na tsart, at talakayin sa klase ang mga pagkakaiba ng dalawang column.
Mga Sagot na Nag-uudyok ng Pagtatalo |
Mga Sagot na Nanghihimok ng Paggalang |
---|---|
Mga Sagot na Nag-uudyok ng Pagtatalo Hindi ako sang-ayon sa iyo dahil talagang mali ka. | Mga Sagot na Nanghihimok ng Paggalang Salamat sa pagbabahagi mo ng iiniisip mo. Kahit magkaiba tayo ng mga paniniwala, nagpapasalamat ako na pareho tayong komportableng magbahagi … |
Mga Sagot na Nag-uudyok ng Pagtatalo Pinipilit mo lang magmukhang matalino para pagtakpan na hindi mo alam kung ano ang sinasabi mo. | Mga Sagot na Nanghihimok ng Paggalang Matutulungan mo ba akong mas maunawaan ang iniisip mo tungkol sa … |
Mga Sagot na Nag-uudyok ng Pagtatalo Nagsasabi ako ng totoo. Ang pinaniniwalaan ko ang tama. | Mga Sagot na Nanghihimok ng Paggalang Iginagalang ko ang iyong mga paniniwala at nakikita ko kung gaano kahalaga ang mga ito sa iyo. Hayaan mong ibahagi ko kung bakit mahalaga sa akin ang aking mga paniniwala. |
Mga Sagot na Nag-uudyok ng Pagtatalo Isa kang hangal. | Mga Sagot na Nanghihimok ng Paggalang Hindi ako komportable sa sinabi mo. Nauunawaan ko ba nang tama na ito ang ibig mong sabihin, na … |
Isagawa
Sabihin sa mga estudyante na makipagtulungan sa isang kapartner at magpraktis na magsalitan sa pagbuo ng magagalang na sagot sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Nasa eroplano si Alfonso habang nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Napansin ng taong katabi niya ang binabasang aklat ni Alfonso at sinabing, “Sana alam mo na ang Aklat ni Mormon ay sa diyablo. Iisa lang ang totoong aklat ng banal na kasulatan—ang Banal na Biblia!” Sumagot si Alfonso …
-
Tinatalakay sa klase ni Julie sa institute ang tungkol sa mga tungkulin ng kalalakihan at kababaihan. Isang binatilyo, na nagngangalang Logan, ang nagsabi sa malakas at nangmamaliit na tono, “Dahil may priesthood ang isang lalaki, siya ang may huling pasiya tungkol sa nangyayari sa kanyang tahanan.” Napansin ni Julie na ang komento ni Logan ay sexist at nakakainis. Itinaas niya ang kanyang kamay at nagsabing, …
-
Ang kasama ni Marda sa kuwarto ay mapamintas sa mga pamantayan ng Simbahan. Natanto ni Marda na kabalintunaan ang pananaw ng kanyang kasama sa kuwarto dahil marami itong problema bunga ng istilo ng pamumuhay nito. Isang araw ay sinabi ng kakuwarto ni Marda, “Hinahadlangan ka ng simbahan mo na magsaya. Para kang bilanggo sa mga ideyang makaluma.” Sumagot si Marda, …
Wakasan ang aktibidad sa paghiling sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa aktibidad na ito.