“Lesson 4 Materyal ng Titser: Pambungad sa Mga Mapagkukunang Salita at Mensahe mula sa mga Propeta: Ang Banal na Kaloob na Biyaya,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo (2022)
“Pambungad sa Mga Mapagkukunang Salita at Mensahe mula sa mga Propeta: Ang Banal na Kaloob na Biyaya,” Materyal ng Titser para sa Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo
Lesson 4 Materyal ng Titser
Pambungad sa Mga Mapagkukunang Salita at Mensahe mula sa mga Propeta: Ang Banal na Kaloob na Biyaya
Kapag naghahanap ng mga sagot para sa ating mga tanong tungkol sa ebanghelyo, mahalagang magtuon at unahin ang salita ng Diyos. Ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong apostol at propeta ang pangunahing mapagkukunan ng Kanyang banal na salita. Sa lesson na ito, gagamitin ng mga estudyante ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya upang matuklasan kung ano ang itinuro ng mga banal na kasulatan at ng mga apostol at propeta ng Panginoon sa panahong ito tungkol sa paksa ng biyaya. Ipapaalam din ang mga ito sa sumusunod na learning model na gagamitin sa buong kursong ito: (1) talakayin ang kahalagahan ng paksa, (2) palalimin ang pang-unawa, (3) magpahayag, at (4) pagnilayan at itala.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Batay sa mga pangangailangan ng mga estudyante, maaari mong simulan ang klase gamit ang isa sa mga sumusunod:
-
Isang microtraining mula sa apendiks A
-
Isang talakayan tungkol sa mga balita mula sa Newsroom ng Simbahan (tingnan sa handout 1 sa apendiks B)
-
Isang talakayan tungkol sa paksa ngayong araw
Talakayin ang Kahalagahan ng Paksa
Maaari kang magbahagi ng isang sitwasyon na tulad ng sumusunod:
Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang unang naisip tungkol sa sitwasyong ito. Maaari mong itanong:
-
Saan kayo maaaring pumunta para mahanap ang mga turo ng Panginoon tungkol sa biyaya?
-
Bakit maaaring mahalagang una nating malaman kung ano ang sinasabi ng mga banal na kasulatan at mga apostol at propeta ngayon tungkol sa biyaya, kahit na makakahanap tayo ng mga turo ng maraming tao tungkol dito? (Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang 1 Nephi 15:23–24 at Doktrina at mga Tipan 1:37–38.)
Ipaliwanag na ang Gospel Library ay naglalaman ng maraming mahahalagang sanggunian upang mapahusay ang pag-aaral at pagkatuto. Gayunman, dahil ang tinatawag ng Panginoon bilang mga propeta at apostol, kapwa sinauna at makabago, ay may espesyal na tungkulin at kaloob na “ipahayag ang isipan at kalooban ng Diyos sa kanyang mga tao,” dapat unahin ng kanilang mga salita ang lahat ng iba pang mapagkukunang materyal (D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2012, 87). Sa lesson na ito gagamitin natin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang mahalagang paraan upang matuklasan ang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol.
Palalimin ang Pag-unawa
Sabihin sa mga estudyante na maggrupu-grupo. Ipasaliksik sa ilang miyembro ng grupo ang “Biyaya” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at ipasaliksik sa iba ang “Biyaya” gamit ang tool sa Mga Paksa sa Pangkalahatang Kumperensya. Habang sinasaliksik ng mga estudyante ang kani-kanilang resources, hikayatin silang hanapin ang mga sagot sa tanong na “Ano ang itinuturo ng simbahan ninyo tungkol sa biyaya?”
Matapos bigyan ng oras para makapag-aral, anyayahan ang mga miyembro ng grupo na ibahagi sa isa’t isa ang mga banal na kasulatan at mga pahayag mula sa pangkalahatang kumperensya na makatutulong sa pagsagot sa tanong sa itaas.
Pagkatapos ay maaari mong itanong sa klase ang mga sumusunod:
-
Ano ang natutuhan ninyo na nakatulong sa inyo na mas maunawaan ang biyaya?
-
Paano nakaimpluwensya ang pag-aaral ng biyaya sa inyong pananampalataya at patotoo kay Jesucristo?
Magpahayag
Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad na gagawin ng iyong mga estudyante, o gumawa ng sarili mong aktibidad, upang masanay ng mga estudyante ang pagpapahayag ng natutuhan nila sa mga turo ng Panginoon tungkol sa biyaya. Maaari mong ibigay sa mga estudyante ang mga instruksyon sa alinman sa dalawang aktibidad bilang mga handout.
Pagtugon sa isang taong hindi sumasang-ayon. Kasama ang inyong kapartner, isipin kunwari na may nakilala kang isang tao na nagsasabing, “Hindi ko naririnig ang mga miyembro ng simbahan ninyo na nagsasalita tungkol sa biyaya. Hindi ba kayo naniniwala rito?” Batay sa inyong natutuhan, magbahagi ng sagot na sumasalamin sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa paksang ito. Maaari mo ring talakayin ang iba’t ibang paraan na maaaring mali ang pagkaunawa ng iba sa ating mga paniniwala tungkol sa biyaya at kung paano pinakamainam na tutugon sa mga maling pagkaunawang iyon.
Pagbabahagi ng dalawang-minutong buod. Sa maliliit na grupo, talakayin ang iba’t ibang paraan na maaaring mali ang pagkaunawa ng mga miyembro ng Simbahan sa doktrina ng biyaya. Halimbawa, ang maling pagkakaunawa sa biyaya ay maaaring ipinahiwatig ng mga sumusunod na pahayag: “Hindi sapat ang kabutihan ko.” “Hindi ako kailanman magiging marapat na maging selestiyal na nilalang.” Pagkatapos ay isipin kunwari na hinilingan kayo na magbigay ng maikling buod ng mga turo ng Simbahan tungkol sa biyaya sa inyong ward o branch council. Batay sa natutuhan ninyo ngayon, sabihin sa bawat miyembro ng grupo na maghanda ng dalawang-minutong buod na naglalarawan sa itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang biyaya. Pagkatapos ay pumili ng iba’t ibang tao na maglalahad sa grupo. Pagkatapos ng bawat pagtatanghal, maaaring magtanong ang iba pang mga miyembro ng grupo sa naglahad ng isa o dalawang tanong. Hayaang ibahagi ng lahat ng miyembro ng grupo ang sarili nilang bersyon ng dalawang-minutong buod kung may oras pa.
Pagtatanong at pagsagot sa mga tanong. Sabihin sa mga estudyante na isulat sa papel ang tanong ng isang taong hindi natin kasapi tungkol sa biyaya. Ipunin ang mga tanong ng mga estudyante, at ilagay ang mga ito sa isang lalagyan. Pumili ng kahit anong tanong, at anyayahan ang isang estudyante na magbahagi ng sagot na naaayon sa mga turo ng Simbahan. Talakayin ang magandang bahagi ng sagot at kung paano ito mas mapagbubuti, at pagkatapos ay bumunot ng isa pang tanong na sasagutin ng ibang estudyante. Ulitin kapag may oras pa.
Magnilay at Magtala
Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayang mabuti ang natutuhan at nadama nila mula sa lesson na ito. Upang mahikayat ang mga estudyante, maaari mong idispley ang ilan sa mga sumusunod na tanong o ang ilan sa sarili mong mga tanong. Pagkatapos ay maaari mong sabihin sa mga estudyante na magtuon sa tanong o mga tanong na pinakamahalaga sa kanila at isulat ang kanilang mga iniisip:
-
Ano ang natutuhan ninyo ngayon na nakatulong sa inyo na mas maunawaan ang mga turo ng Simbahan tungkol sa biyaya? Anong mga pahiwatig ang natanggap ninyo mula sa Espiritu Santo?
-
Kanino ninyo maaaring ibahagi ang ibayong pang-unawang ito? Kailan at paano ninyo maibabahagi sa kanila sa paraang katulad ng kay Cristo ang inyong natutuhan at nadama?
-
Sa anong mga paraan nakatulong ang karanasan ngayon sa klase para mapalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan? Ano pa ang magagawa ninyo upang maragdagan ang inyong pang-unawa at pananampalataya na may kaugnayan sa paksang ito?
-
Paano naragdagan ng karanasang ito ang inyong tiwala na pinamumunuan tayo ng mga buhay na propeta na tumatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon?
Kung naaangkop, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila mula sa kanilang karanasan ngayong araw. Maaari mong patotohanan kung ano ang nadama o natutuhan mo ngayon. Maaari mo ring patotohanan ang biyaya ng Panginoon na mananahan sa mga estudyante sa kanilang patuloy na paghahanap ng mga sagot sa ebanghelyo sa kanilang mga tanong.
Para sa Susunod
Ibahagi sa mga estudyante na sa susunod na klase ay tatalakayin natin ang mahahalagang resource o sanggunian para labanan ang pornograpiya na makukuha sa Tulong sa Buhay ng Gospel Library. Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng ilang oras sa buong linggo para masiyasat ang resource na ito.